Advertisers

Advertisers

Ombudsman ‘protektor’ na ng mga tiwali; at si Sen. Bato sa CHR

0 268

Advertisers

ANYARE sa Office of the Ombudsman? Sa halip na taga-usig ng mga tiwali sa gobierno ay tila naging instant protektor na ito ngayon.

Oo! Mantakin nyo, mga pare’t mare, naglabas ng kautusan si Ombudsman Samuel Martires na ipagbawal na ang paglalabas ng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng government officials.

Ito’y matapos mangulit ang ilang miembro ng media na makakuha ng kopya ng SALN ni Pangulong Rody Duterte, pagkaraan namang lumabas sa publiko ang 2019 SALN ni Vice President Leni Robredo.



Kabilang sa mga hinahawakang SALN ng Ombudsman ang sa Presidente at Bise Presidente.

Sabi ni Martires, magbibigay lamang sila ng kopya ng SALN ng opisyal kung may notaryadong permiso ang opisyal na pinapayagan nitong isapubliko ang kanyang SALN.

Eh sino naman kayang gagong opisyal lalo politiko ang papayag na malaman ng taong bayan ang laman ng kanyang SALN lalo kung ang mga ari-arian nitong nakatala rito ay puros kuwestiyunable ang pinanggalingan?

Ang hakbang na ito ni Martires ay lumabalas na tila prinoprotektahan niya ang mga tiwaling opisyal o politiko.

Ang aksyon na ito ng tila nag-uulyanin nang Ombudsman ay pagbaril sa Freedom of Information (FOI) na pinirmahan ni Pangulong Rody Duterte pagkaupo niya noong Hulyo 2016.



Bukod dito nilabag din ni Martires ang sinasabi ng 1987 Constitution tungkol sa SALN ng public officials: Art. X1, Section 17: “A public officer or employee shall, upon assumption of office and as thereafter as may be required by law, submit a declaration under oath of his assets, liabilities and net worth. In the case of the President, the Vice President, the Members of the Cabinet, the Congress, the Supreme Court, the Constitutional Commissions and other constitutional offices, and officers of the armed forces with general or flag rank, the declaration SHALL BE DISCLOSED to the public in the manner provided by law.”

Maliwanag ito, Ombudsman Martires. Marapat sigurong reb-yuhin mo uli ang constitution, Mr. retired Supreme Court Justice!

***

Nagyabang na naman si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Sa programang “Wag Po”, ipinangalandakan ng kalbong senador na may kakayanan siyang pangunahan ang Commission on Human Rights kung bibigyan siya ng pagkakataon.

“With my experience, puwede akong maging pinakamagaling na CHR chairman. Baka ah. Alam ko paano mag-imbestiga at alam ko ang background ng iniimbestiga ko, kagaya ng pulis at military kasi galing ako dyan. Puwede akong maging effective na chairman ng Commission on Human Rights.”

Mr. Senador, tandang tanda pa namin nung PNP Chief ka sinabi mo sa harap ng media nang ipag-utos mo ang paghuli at pagpatay sa mga kriminal, sa mga adik/tulak. Na kapag walang ebidensiya, taniman. Sa CHR bawal ang pagtatanim ng ebidensiya, bawal din ito sa batas.

At paano pa kami maniniwala na mahusay ka mag-imbestiga eh hindi mo nga natunugan na ang inirekomenda mo kay Pangulong Duterte na papalit sayo as Chief PNP na si Oscar Albayalde ay “protektor” pala ng ninja cops.

Nung direktor ka ng Bureau of Correction (BuCor), lumabas sa Senate inquiry tungkol sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) law na may ilang banyagang drug lords na pinalaya under your leadership.

Kung magaling kang imbestigador, dapat hindi nakalusot sayo ang mga bagay na ito. Right?

Naging Chief PNP ka lang naman dahil naging Pangulo si Duterte, hindi dahil sa mahusay kang PNP official. Period!