Advertisers
SA kabila ng pandemya, maraming rason para ipagdiwang ang buwan ng Setyembre ngayong taon.
Sa loob kasi ng lumipas na 12 buwan, maraming milestones at achievements ang naganap sa local film industry.
Naging matagumpay ang Pista ng Pelikulang Pilipino, humakot ng maraming parangal ang ating mga de-kalibreng actor at mga filmmaker sa mga international film festivals sa iba’t ibang panig.
Sa okasyon ng ika-100 sentenaryo ng Pelikulang Pilipino, kinilala rin ang mga naging ambag ng ating mga manggagawa sa industrya sa pagpapayabong ng ating kultura.
Sa pagtatapos ng selebrasyon ng Sine Sandaan ngayong buwan, asahan ang mas pinaigting na mga programa ng Film Development Council of the Philippines patungo sa susunod na sentenaryo.
Sa isang two-hour virtual event ng FCDP, na gaganapin sa Setyembre 30, ganap na alas 8 ng gabi, muling magniningning ang gabi ng mga bituin sa natatanging pagdiriwang na tatampukan nina Lani Misalucha, Gary Valenciano, The Company, Isay Alvarez at Robert Seña, Martin Nievera, at Lea Salonga kasama ang Acapellago sa “Sine Sandaan: The Next 100 Closing Ceremony.”
Maliban sa powerhouse lineup ng ilan sa pinakamahuhusay na performer sa ating bansa, pakaaabangan din ang kamangha-manghang commemorative audiovisual presentations na gawa ng iba’t ibang sektor ng industriya gaya ng Regional Filmmakers Network, Animation Council of the Philippines, Inc., at mula sa the Filipino Film Editors.
Wika ni FDCP Chairperson at CEO Liza Diño, ang “Sine Sandaan: The Next 100 ay sumasalamin sa kinabukasan ng Pinoy cinema sa susunod na 100 taon.
Ito ay pagpapatunay lamang na ang Pinoy ay nag-e-evolve pagdating sa filmmaking at hindi pahuhuli sa world-class filmmakers abroad.
Ito rin daw ay isang pagdiriwang dahil naging lunan ito ng pagtutulungan ng lahat ng sector sa film industry.
Mula noong Setyembre 12, 2019, idinaos ng FDCP ang “Sine Sandaan: Celebrating the Luminaries of Philippine Cinema,” ika-3 Pista ng Pelikulang Pilipino, Philippine Film Festival sa Italy at Portugal, Luna Awards, at Film Ambassadors’ Night.
Kasali rin ang FDCP sa Busan International Film Festival, QCinema International Film Festival, Tokyo International Film Festival, Southeast Asia Fiction Film Lab (SEAFIC), Berlin International Film Festival, Cannes Docs Online, Locarno Open Doors, at Hong Kong FILMART Online.
Ang iba pang inisyatibo ng Sine Sandaan ay ang paglunsad ng FilmPhilippines incentive program, pagsali sa House Committee Hearings sa Eddie Garcia Bill, paglabas ng Joint Memorandum Circular No. 1 on Guidelines for Working Conditions of Film Workers kasama ang Department of Labor and Employment, Disaster/Emergency Assistance and Relief (DEAR) Program, at ang patuloy na film restoration ng Philippine Film Archive. (Archie Liao)