Advertisers
UMANGAT na sa pagiging pangalawa sa pinakamataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) si Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Tolentino Eleazar, ngunit hindi pa rin siya tumitigil sa kanyang malamig na opisina sa Camp Rafael Crame sa Quezon City.
Hindi katulad ng mga dating PNP deputy chief for administration na hindi nababalitaan ng publiko ang mga ginagawa.
Maliban sa pagiging PNP deputy chief for administration, si Eleazar ay nananatiling pinuno rin ng Joint Task Force COVID Shield.
Dahil diyan, maraming trabaho si Eleazar.
Ito’y dahil walang disiplina ang napakaraming Filipino.
Malinaw na bawal ang walang face mask at hindi pinaiiral ang physical distancing.
Ngunit, napakarami pa rin hindi sumusunod.
Napakarami pa rin Filipino na masyadong matigas ang ulo.
Naalala ba ninyo ang ilang residente ng Lungsod ng Taguig na ipinaaresto ni Eleazar dahil magkakadikit na nag-iinuman sa kalsada at iba ay walang face mask?
Sana, hindi nag-aabang ang officer-in-charge pulisya ng Taguig na si Col. Celso Rodriguez sa mga ipag-uutos ni Lt. Gen. Eleazar, o kaya ng mismong Southern Police District (SPD) director na si Brig. Gen. Emmanuel Peralta.
Kung iikot mismo si Rodriguez sa mga looban at pamayanan sa Taguig, siguradong hindi siya mabobokya sa mahuhuling lumalabag sa mga batas at alintuntunin sa pagsugpo at pag-iwas sa COVID-19 araw-araw.
Ganoon din sa Quezon City kung saan nahulihan ng 95 katao, kabilang ang walong banyaga, sa Guilly’s restobar.
Mabuti na lang nag-ikot ang mga tauhan ni Lt. Col. Bernouli Abalos (hepe ng Quezon City Police District – Kamuning Station) sa Barangay South Triangle, kundi hindi mahuhuli ang mga malalakas ang loob na labagin ang mga batas at alituntunin laban sa COVID-19.
Sana, makasuhan din ang mga may-ari at namamahala ng Guilly’s.
Pati nga ang mga terminal ng pampublikong sasakyan ay pinamomonitor ni Eleazar dahil totoo namang maraming tsuper ng dyip, taksi, bus, tricycle at pedicab ang makakapal ang mukha sa paglabag sa mga batas at alituntunin tungkol sa COVID-19.
Marami rin sa kanila ang lantarang naninigarilyo.
Kaya, tama rin ang desisyon ni Eleazar na hulihin din ang mga taong naninigarilyo sa mga pampublikong sasakyan.