Advertisers
Yorme, mukhang iniisnab na lang ang isa sa mga mahalagang pinapatupad na health protocol na panatiliin ang social distancing lalo na sa mga public market sa Maynila.
Ang mga numero unong palengke na ating tinutukoy ay ang Blumentrit market, Quiapo at Divisoria na kung saan nag-uumpugan at halos magkapalit-palit ang mga mukha ng mga tao.
Walang distansiyang sinusunod ang mga tao dito magmula sa mga vendor, mamimili, tricycle at iba pang mamamayan na nasa paligid ng nasabing mga lugar.
Tila nawala na naman ang mga disiplina at limitasyon ng mga ito. Ang mga vendor na dati ay hindi nakaka-baba ng bangketa ay muling nasa kalsada, ang mga tricycle na dati’y hindi nakakapasok dito ay meron ng mga sariling terminal, natural kapag dikit-dikit mga vendor, matic na rin na magkumpulan ang mga mamimili.
Subukan niyo pong mamasyal sa mga lugar na ito Yorme at sasabihin niyong balik na naman sa normal ang kalakaran na para bang wala ng pandemic at GCQ na pinapatupad ang gobyerno.
Ang mga pulis at barangay dito ay malamang sa naayos na kaya mistula na naman silang mga symbolic figure na no see, no hear. May mga pulis na lulan ng kanilang mga sasakyan na rumirikisa ngunit para bang show-off na lang at scripted partikular sa Blumentrit at Divisoria.
Sa Quiapo naman ay namementina ang kaayusan at disiplina sa mga deboto at nananampalataya, talagang nasusunod ang physical distancing at iba pang health protocol ngunit pagdating sa mga vendor ay wala ni isa man ang nasusunod.
Wala silang pagitan, dikit-dikit na nakahilera sa kalye at bangketa kung kaya magkakatabi na rin ang mga tao dahil nga wala rin distansiya mga vendor.
Magaling anila sa reverse psychology ang nagpapalakad dito sa Plaza dahil kung titingnan mo nga naman ang mga deboto at ang paligid ng simbahan, ito ay perpekto, malinis at pawang disisplinado.
Ang mga vendor naman sa kabilang dako ay walang sinusunod na alituntunin at walang ibang iniintindi kundi ang makapagtinda sila ng walang sagabal dahil sayang naman daw ang tara nilang binibigay araw-araw sa kapulisan hehehe…
Pagdating sa Divisoria ay wala rin pagbabago, back to business na muli ang mga vendor na muling inokupahan ang mga kalye at bangketa kung kaya’t sarado na naman ito sa sasakyan at trapiko.
Araw-araw na naman daw ang bigayan ng tara sa mga pulis, barangay at iba pang awtoridad sa nasabing lugar, give, give, give…never give-up.
Ganon na lang daw ang lakas ng loob ng mga pulis dito partikular na sa Blumentrit at Plaza Miranda dahil may pinanghahawakan daw silang alas.
Ang mga detachment commander umano dito sa mga nasabing lugar ay super lakas, tibay at tatag daw kay Manila Police District Director (MPD) Gen. Rolly Miranda, totoo ba iyon sir?
Totoo man o hindi ang mga pinag-uusapan natin ay walang ibang mahalaga kundi ang pangalagaan pa rin natin ang ating mga sarili dahil tayo ay nasa panahon pa ng pandemic.