Advertisers

Advertisers

Lulutang ka kaya Mr. Nathaniel Gleicher sa panawagan ng Pangulo?

0 293

Advertisers

Humingi ng “dialogue” ang Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga opisyales ng Facebook sa pangunguna ni Mr. Nathaniel Gleicher upang mapag-usapan na kung bakit napasama ang mga account o pages ng mga adbokasiya ng pamahalaan sa mga tinanggal ng higanteng social media platform nitong nakaraang linggo.

Sa kanyang pagharap sa bayan sa lingguhang balitaan, naghayag ng pagkadismaya ang Pangulo sa mga gawi ng Facebook. Aniya, kung hindi maaaring maghayag ang pamahalaan ng mga adbokasiya nito sa Facebook, ano pa raw ang dahilan ng pagiging narito ng kompanya ni Mr. Gleicher?

Tama nga naman ang Pangulo, dahil nagrunong-runungan ang Facebook sa pagpili ng mga tatanggaling mga account sa kanilang social media platform at tila mas pinapaburan pa ang mga kumakalaban sa pamahalaan lalo na ang komunistang teroristang mga rebelde.



Ipinaliwanag ni President Duterte na ang mga ipinatanggal na account ni Mr. Gleicher ay pawang nagtataguyod lamang sa ikabubuti ng maraming Filipino, kaya kung pinayagan ng bansa o ng pamahalaan na makapag-operate o makapag-negosyo rito ang Facebook, marahil ay tama lang na tumulong pa nga dapat ang social media giant sa mga isinusulong ng pamahalaan.

Sa halip, aniya, na tumulong ay nagpaloko pa nga ang Facebook sa mga lumalaban sa pamahalaan. Ang rebelyon ayon kay Pangulong Duterte na kanyang pilit na binubuwag at tapusin, ay nauna pa kay Mr. Gleicher o sa Facebook dito sa ating bansa. Sa katunayan halos limangpung taon na raw ito sa Pilipinas at marami nang pinatay na mga sundalo at sibilyan.

Kung hindi kayang unawain ng Facebook ang mga pangungusap na ito ng Pangulo, kailangang ipadala nito si Mr. Gleicher sa Malacañang upang magkaintindihan. Tama lang ang sinabi ni President Digong na hindi kailangan magpatupad ng kanilang polisiya ang Facebook sa pamahalaan, dahil ito ang pumayag na sila Mr. Gleicher ay makapag-negosyo rito at kumita ng bilyong piso.

Hindi dapat nito ikatanggi ang anumang adhikain ng pamahalaan. Kaya nga nag-imbita na ang Pangulo para sa isang dialogue, upang maplantsa na ang mga gusot sa dalawang panig. Ipinakikita lamang ng Pangulong Duterte dito, na bilang Presidente kailangan niyang protektahan ang pamahalaan at ang sambayanang Filipino.

Kaya nga ang bilin niya, kung hindi maintindihan ng Facebook ang kanyang mga hangarin sa pag-iimbita ay malaya na itong maka-alis ng bansa.



May mga iba pa namang social media platform na maaaring magamit ng pamahalaan upang ihayag nito ang mga programa at mga adbokasiya sa publiko, nang hindi pinapaki-alaman o tinatanggal ng may-ari ng platform gaya nang ginawa ng Facebook.

Ang sa akin naman ay iba, mababaw ang dahilan ng Facebook sa pagkakatanggal ng mga account o pages, mukhang nagpadala sila sa nakalalasong kaisipan ng kalaban ng pamahalaan. Nararapat lamang na ipagharap sila ng demanda sa pinaka-mataas na hukuman sa paglabag ng mga international at lokal na mga batas.

Ano ang inyong palagay? Sigurado ako na ang mga taga-Facebook ay di na mapalagay. Lumutang kaya si Mr. Gleicher sa Malacañang?