Advertisers
PINABULAANAN ng Malakanyang na inabswelto ni Pangulong Rodrigo Duterte si Health Secretary Francisco Duque hinggil sa isyu ng korapsyon sa PhilHealth.
Mariin na itinanggi ng Palasyo na sinasabing iniimpluwensiyahan ng pangulo ang kasalukuyan ginagawang imbestigasyon sa loob ng PhilHealth.
Kaya ipinagtanggol muli ni Pangulong Duterte si Duque at ipinahayag na wala siyang nakikitang dahilan para ito ay tanggalin sa pwesto.
Sa virtual presser, nilinaw ni Presidential spokesperson Harry Roque na abogado rin ang pangulo at sa ngayon ay wala kasi itong makitang malinaw na ebidensiya laban kay Duque sa isyu ng mga anomalya sa PhilHealth.
Sinabi pa ni roque, ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay nananatiling buo ang tiwala at suporta ng pangulo kay Duque.
Kaugnay nito aniya na kung may makikitang ebidensiya ang binuo nitong Task Force PhilHealth laban kay Duque, ito ay ibang usapan na.
Gayunman rerespetuhin ng pangulo kung anuman ang lalabas na resulta ng imbestigasyon ng task force.
Itinanggi rin ng Malakanyang na ang patuloy na pagtatanggol ng Pangulo kay Duque ay paraan ng pagpapahiwatig ng pag-abswelto sa kanya na posibleng maging impluwensya sa isinasagawang imbestigasyon ng task force. (Vanz Fernandez)