Advertisers

Advertisers

MISMO

0 1,347

Advertisers

MAGWAWALONG buwan na ang tagal ng pandemya sa bansa, ngunit hindi pa makita ang pagtatapos nito at pagbaba ng bilang upang masabi na nasa tamang direksyon ang mga kilos ng pamahalaan ni Totoy Kulambo laban dito.

Subalit tila ang mahika ng Pulse Asia’y nagsasabi na mataas ang approval rating ni TK na humataw sa 91%, at mahihiya maging si David Copperfield sa kanyang mahika na kaya nitong baligtarin ang kalagayan ng Filipino upang makakuha ng ganitong approval rating.

Hintayin natin kung paano mag re-react ang iba’t ibang mga lider ng mga batayang sektor sa survey na ito. Sa katunayan, patuloy ang kahirapan, pagtaas ng bilang ng mga nawalan ng trabaho, bagsak na ekonomiya at negosyo at isipin mo na ang lahat ng kinahaharap mong suliranin na may kinalaman sa pamamahala sa bansa.



Sa katunayan pumasok na ang Filipinas sa Top 20 na mga bansang may pinakamaraming insidente ng pandemya. Nagresulta ito sa kahirapan sa ilan nating kababayan sa pagpasok sa mga bansang kanilang pinuntahan at may mga pagkakataon pa na ayaw talaga silang papasukin.

Hanapan natin ng basehan ang 91% approval rating ni Totoy Kulambo …

Una, silipin natin ang katayuan ng negosyo sa bansa. Hindi kaila sa mga mata ni Juan Pasan Krus na hindi maayos ang kalagayan ng mga negosyo sa bansa dulot ng pandemya at maling pamamahala ng pamahalaan ni Totoy Kulambo. Marami sa kanila ang nagsara dahil matumal o humina ang kanilang benta na nagdikta sa kanilang bawasan ang operasyon o kaya’y tuluyan nang isara upang hindi maubos ang natitirang kapital o’ puhunan.

Kasama rito, maging ang ilang malalaking negosyo, na nagbawas ng kanilang mga tindahan. Silipin natin ang JFC na mahigit 300 branches nito ang nagsara dahil sa tumal ng pumapasok na mga suki. Kung mayroon mang bukas, kitang-kita na parang nilalangaw na ito sa kaunti ng bilang na pumapasok at kumakain. Hindi pa natin pinag-uusapan ang social distancing. Sa totoo lang ang may-ari nito’y bumaba ang yaman o assets nang halos kalahati sa kabuuan kumpara sa nakaraang taon, ayon sa datos.

Pangalawa, dahil sa paghina at pagsasara ng mga negosyo, maraming obrero ang nawalan ng trabaho, na ngayo’y nakanganga at naghihintay ng ayuda. Nariyan ang mga pederasyon ng mga obrero na nakikitang nakikipagusap sa mga may-ari ng industriya na huwag alisin ang mga tauhan nito; sa halip, paglibanin na lamang kahit walang bayad at siguruhing sila’y muling ipapatawag kapag nakabalik na sa normal ang takbo ng negosyo, sa halip na muling mag-aaply bilang bagong obrero.



Sa ngayon, mahigit walong milyon na obrero ang nawalan ng trabaho at patuloy pa itong tumataas kahit nagbukas na ang ilang mga negosyo sa tawag ng pamahalaan. Itali na lamang natin ang ating tuon sa JFC na kung ang 300 branches nito ang nagsara, ilang libong obrero ang nawalan ng hanapbuhay? Nasama ba sa survey ang mga obrerong ito?

Pangatlo, ang kalagayan ng ating mga magsasaka. Sa makalipas na mga linggo, naglabas ng panawagan ang mga manggagawang bukid na proteksyonan ng pamahalaan ang presyo ng palay dahil patuloy itong bumababa sa merkado, gayung bumababa rin ang lawak ng lupang sinasaka. Malinaw na hirap na sila at hindi sapat ang presyo ng kanilang produkto upang matustusan ang kanilang pangangailangan.

Ang pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa ang siyang pangunahing dahilan ng pagbagsak ng presyo ng ating lokal na palay. Ang masakit nito: Patuloy ang pagdausdos ng presyo nito habang nagpapatuloy rin ang pananakot sa mga magsasaka na tinatagurian pang “mga rebelde.”

Kaya sila’y napipilitang iwanan ang kanilang mga saka at ibenta na lamang. Mas maigi na ito kesa dakpin at makulong. Balik na naman ang bansa sa “red scare” upang makamkam ang kanilang mga lupain. At nariyan pa ang pahayag ng ilang pinuno ng bansa na mas mababa ang kalidad ng ating mga magsasaka kumpara sa mga magsasaka ng Thailand at Vietnam.

Tama ho ba, misis sintianak? Eh kasama ba ang mga ito sa survey?

Pang-apat, nagsimula na ang pagbubukas ng e-classes ngayong buwan ngunit tila hindi pa handa ang karaniwang bata, maging ang ilang guro. Malinaw na hindi sapat ang lakas ng WIFI sa bansa upang maging maayos ang kalalabasan ng bagong normal na ito.

Samantala, ang magulang, lalo na sa mga kanayuman, ay talagang nag-aalala dahil hindi lamang WIFI ang kanilang usapin. Ang kawalang kapasidad na bumili ng mismong gadget na gagamitin ng mga anak, ang pinakaunang dahilan.

At kung sabay-sabay na ang klase at may limang anak? Paano na ang gagamitin? Kawawa ang mga bata at ang mga magulang nito’y alumpuhit kung saan kukuha ng pambili ng gadyet; o mas kailangan ang kakainin sa halip na gadyet ang pagkagastusan.

Sa sistemang ito patuloy na magiging mangmang si Juan Pasan Krus. At kapag na-survey, baka sabihin nilang maayos at mahusay si Totoy Kulambo, gayung nakatulala na lamang sila maghapon.

Panghuli ay ang ikalawang yugto ng BAHO Law. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin nagbababa ng ayuda sa mga pamilyang umaasa rito, lalo na ang mga obrerong nasibak sa trabaho. Hindi pa nila nakikita ang anino ng kung sinong pilato ang inatasan ng pamahalaan.

Bakit hindi na lamang isinabay sa haba ng paghihintay ng ayuda ang survey upang matiyak na 100% ang approval rating ni Totoy Kulambo?

Sa usaping ito ng 91% na approval rating ni Totoy Kulambo na iginawad ng Pulse Asia, malamang ito’y hindi rin tanggap mismo ni TK, kung ang sarili nito ang tatanungin. Dahil alam niya mismo ang kawalan direksyon, kawalan ng pondo, kawalan ng trabaho, korapsyon at kung anu-ano pang anomalya sa kanyang pamahalaan.

Nakuha na nga niya na sabihing ibig niya nang magbitiw. Kaya sa susunod na survey, kung sino man ang gagawa at maglalabas, maging katanggap-tanggap sana ito sa bayan at mismo kay Totoy Kulambo.

Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun na rin ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.

***

dantz_zamora@yahoo.com