Advertisers
Hindi lang isang beses kung hindi maraming beses nang inanunsyon ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na walang ano man kautusan ang ahensya na may dagdag sa pamasahe sa mga pampasaherong sasakyan ngayong panahon ng pandemya.
Ibig sabihin, kung ano ang pamasahe noon bago umatake ang “veerus’, wala pa ring pagbabago sa pamasahe. Halimbaw kung piso noon, nananatiling piso pa rin ngayon.
Heto nga, hindi ba kabubukas lang din ng mga linya para sa ilang PUB na biyaheng probinsya – bagamat hindi pa lahat ng probinsya ay pinayagan ng LTFRB.
Bago, lumarga ay nakiusap ang mga opereytor sa ahensya ng dagdag sa pasamahe pero tinanggihan ito ng LTFRB.. Nagpapadagdag ang mga operator ng bus at jeep ng dagdag pasahe dahil sa halos kalahati lang ang puwede nilang maisakay na pasahero.
Naiintindihan naman natin kung bakit nagpapadagdag ang mga operator…isa nga diyan ay masasabing talo lalo na sa bahagi ng mga driver at konduktor na commission basis ang kitaan.
Pero ano pa man, wala silang magawa kung hindi sumunod sa kautusan na “no fare increase”.
Sa kabila ng kautusan ng LTFRB, talaga naman…may mga hindi sumusunod sa kautusan. Hindi ang bus operators kung hindi ang mga konduktor kasabwat ang kanilang driver. Sila-sila ang nagdadagdag ng pamasahe. Hindi naman nila dinoble kung hindi hanggang P3.00 o P5.00 ang idinagdag nila depende sa kung bababa ang pasahero.
Tulad ng reklamo ni Kuya Barbero, ayaw niyang magpabanggit ng pangalan. Kamakalawa, habang ginugupitan niya ako ay naglabas siya ng karaingan laban sa ilang bus na biyaheng Quezon Avenue – Fairview (vice versa) Quezon City.
Si Kuya Barbero ay senior citizen na at araw-araw na pumapasok sa Kamuning Road, QC. Nandun ang pinapasukang barberya.
Araw-araw siyang sumasakay sa bus – mulang Luzon Avenue hanggang Quezon Avenue pero sa may kanto ng East Avenue at EDSA siya bumababa – sa harapan ng LTFRB.
Sa ordinaryong bus ang pamasahe ay P11.00 mula kanto ng Luzon Avenue at Commonwealth Avenue pero pilit siyang pinapapabayad ng konduktor ng P15.00 .
Tumanggi si Kuya at sinabihan ang konduktor na ayon sa LTFRB ay walang fare increase. Hayun, nagalit ang konduktor …minura siya at pinapababa sa bus bukod sa may ipinapakitang kopya ng taripa na mula daw sa LTFRB hinggil sa fare increase ngayong pandemya.
Hindi siya bumaba at ibinayad pa rin ang P11.00. Kinuha naman ng konduktor at tiniketan siya pero galit na galit sa kanya ang konduktor.
Pagdating sa East Avenue , pagkababa ay dumeretso siya sa LTFRB para beripikain ang lahat. Hayun, wala talagang fare increase at walang inilalabas na bagong taripa ang ahensya.
Isa lang ang ibig sabihin nito, ilan bus na biyaheng Quezon Ave-Fairview ay gumagamit ng pekeng taripa o gumagawa ng sariling batas.
Nadismaya naman si Kuya Barbero dahil sinabihan lang siya sa LTFRB na…sige, imbestgahan namin ‘yan at ipatatawag na lamang daw siya. Pero hanggang ngayon, wala pa ring tawag mula sa LTFRB.
E paano pa kaya kung nanghingi pa ng senior citizen discount si Kuya Barbero? Marahil hindi lang pagmumura ng konduktor ang ibato kung hindi, malamang tinadyakan na siya.
LTFRB chairman Martin Delgra, your attention is badly needed. Madali lang mahuli ang mga ganitong klaseng konduktor kung gugustuhin ng inyong ahensya. Nagpadala kayo ng tauhan niyang magpanggap na pasahero at tiyak sa pamamagitan nito “entrapment style” huli ang mga gunggong na gumagamit ng pekeng taripa.