Advertisers
UPANG matapos na ang gulo at maipasa na ang national budget para sa 2021, maayos na bumaba sa puwesto bilang Speaker of the House si Taguig City Congressman Alan Peter-Cayetano nitong Martes ng umaga.
Pinasalamatan ni Cayetano si Pangulong Rody Duterte sa pagkakataon na makapagsilbi bilang lider ng kamara sa kanyang Facebook live nitong Martes. Pinasalamatan din niya ang kanyang supporters lalo na ang mga kongresistang kasapi ng NUP (National Unity Party), NP (Nacionalista Party) at mga natirang supporters sa Lakas NUCD, partylist groups at iba pang partido politikal.
“Irrevocable resignation” ang ginawa ni Cayetano bago ito magtungo sa Malacañang upang magpasalamat kay Digong.
At dahil ayaw na magkagulo at may masaktan pang kongresista, hinayaan din ni Cayetano na makapasok sa plenaryo ng kamara ang tropa ni Velasco matapos nilang gibain ang pintuan ng plenaryo sa ikalawang palapag ng session hall gallery.
Humingi rin ng paumanhin si Cayetano kay Digong kung nagkamali siya ng pag-intindi na siya ang dapat humawak sa 2021 budget hanggang ito ay maipasa. Aniya, ang kamara ay isang institusyon na hindi dapat binabastos.
Maaari aniyang magpalitan ang mga lider ng Kamara ngunit hindi dapat hayaang mabuwag ito bilang institusyon. Mismo!
Aba’y hindi dapat isnabin, balewalain ng taong bayan ang 15 buwan na speakership ni Cayetano. Oo! sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan naitala ng kamara at ng isang Speaker of the House ang pinakamataas na trust at approval rating dahil sa magandang performance nito.
Sabi nga ni Senador Ralph Recto, maiksi lang ang pagiging speaker ni Cayetano pero “spectacular” ang naging performance nito. Welcome na welcome din aniya ang dating speaker na bumalik sa “smaller but smarter house” o senado dahil sigurado na ang panalo nito na walang kahirap-hirap kung babalik ulit sa senado.
Tandaan din natin na hindi nagpahinga ang Kamara sa pagtatrabaho kahit itong kasagsagan ng pandemya ng COVID-19 para isabatas ang priority measures ni Digong tulad ng Bayanihan 1 at 2, ABS-CBN franchise, Salary Standardization Law at iba pang panukalang batas.
Nangako rin si Cayetano na magiging bahagi siya ng solusyon at hindi ng problema ng bansa at patuloy na susuporta para maaprubahan ang national budget na kinakailangan ng bansa lalo na ngayong humaharap tayo sa pandemya ng COVID-19.
Gayunman, pinaalalahanan ni Cayetano si Velasco sa kanyang word of honor at sa pagtatalaga niya ng iba pang house leaders na kapartido ni Velasco noong sya pa ang namununo ng kamara.
Good job, APC!
***
Ngayong hawak na ni Marinduque Cong. Lord Alan Velasco (LAV) ang martilyo ng Kamara, wish natin ay ma-distribute niya ng pantay-pantay ang pondo para sa developments ng bawat distrito.
Batid natin na kulang na kulang pa sa karanasan si LAV para maging lider ng 304 miyembro ng Kamara. Pero dahil nasa likod niya ang First Family, walang dahilan para hindi niya mapatino at mapasunod ang mga may sungay nang mambabatas sa House.
Goodluck, Speaker LAV!
***
Kulang dalawang taon nalang ang Duterte administration. 17 months nalang at magsusumite na ng certificate of candidacy ang mga kakasa sa 2022 election.
Sa pagpasok ng 2021, asahan na ang pagbubuo ng lineup ng bawat partido. Pinakamainit na inaaabangan ng lahat ang mga tatakbong presidente. Op kors ang sigurado na dyan ay si VP Leni Robredo na manok ng oposisyon. Ewan lang natin kung sino naman ang mamanukin ni Digong. Abangan!