Advertisers
NADALAW nitong Miyer-koles sa unang pagkakataon ng bilanggong aktibista na si Reina Mae Nasino ang burol ng kaniyang 3-buwan gulang na anak.
Binawian ng buhay noong nakaraang linggo ang sanggol na si River dahil sa pulmonya, 2 buwan matapos mawalay sa ina na nakakulong sa Manila City Jail.
Suot ang personal protective equipment (PPE) at kasama ang mga awtoridad, nakita na sa personal ni Reina ang yumaong baby.
Pero binawasan ng Manila Regional Trial Court Branch 47 ang haba ng panahong maaaring mabisita ni Reina ang burol ng kanyang baby.
Mula 3 araw, ginawa nalang ng korte na 2 araw ang pagbisita sa limitadong oras. Mapupuntahan ni Reina ang burol ng anak mula 1:00pm hanggang 4:00 ng hapon nitong Miyerkoles at sa Biyernes, araw ng paglibing.
Iniklian ang panahon matapos tumutol ang mga opisyal ng Manila City Jail sa orihinal na desisyon ng korte dahil sa kakulangan umano ng tauhan at pasilidad.
Samantala, binatikos ng mga grupong ‘Kapatid at Bagong Alyansang Makabayan’ (Bayan) ang dami ng mga pulis na sumama sa burol.
“Surrounded by guards, she is not even given the space to deal with her grief,” ani Bayan Secretary General Renato Reyes Jr.
Pinuna rin ng mga grupo kung bakit nakaposas parin si Reina sa burol, pero kalaunan ay tinanggal din ito.
Matapos tanggalan ng posas, hinawakan ni Reina ang retrato ng anak at nagtaas ng kamao, tanda ng pakikibaka.
Naaresto si Reina noong Nobyembre sa kasong illegal possession of firearms and explosives, anila’y bahagi ng crackdown ng mga awtoridad laban sa mga aktibista.(Jocelyn Domenden)