Advertisers

Advertisers

HUSTISYA SA DENGVAXIA VICTIMS MATATAGALAN PA?

0 547

Advertisers

Posibleng matatagalan pa na makamit ang hustisyang ipinaglalaban ng DENGVAXIA VICTIMS dahil magsisimula pa lamang ang iba’t ibang korte na sundin ang naging kautusan ng SUPREME COURT (SC) na isang korte na lamang ang manghahawak sa lahat ng mga kasong inaasistehan ng PUBLIC ATTORNEYS OFFICE (PAO) sa pangunguna ni CHIEF PERSIDA ACOSTA para sa mahigit isandaang kataong nasawi dahil lamang sa inilunsad ng nakaraang administrasyon na pinabakunahan ang mga mag-aaral ng DENGVAXIA bilang panlaban sa sakit na DENGUE.

Nitong October 13 ng kasalukuyang taon ay natanggap ng PAO ang NOTICE OF THE RESOLUTION mula sa SC FIRST DIVISION na may petsang August 28, 2020 hinggil sa petisyong inihain ng mga magulang ng DENGVAXIA VACCINE VICTIMS na “In Re: Extremely Urgent Petition to Transfer Venue and Consolidate Cases in One Regional Trial Court”, kung saan ay pinaboran ito ng SC at nag-atas na ang mga kaso ay i-raffle sa ONE FAMILY COURT sa QUEZON CITY REGIONAL TRIAL COURT.

Bunsod nito, ang mga pending DENGVAXIA CASE na naisampa sa iba’t ibang FIRST LEVEL COURTS ng BATAAN, CALOOCAN CITY, LAGUNA, MUNTINLUPA at QC ay kailangang ipasa ang mga ito sa ONE FAMILY COURT ng QCRTC at dito lilitisin ang nasabing kaso na pangunahing nasasakdal dito ay si dating HEALTH SECRETARY at ngayo’y CONGRESSWOMAN JANET GARIN.



Bunsod nito ay naihayag sa mga MEDIA ni PAO CHIEF ACOSTA na ang naging kapasiyahan ng SC ang nagtuldok o tumapos sa animo’y drinibol- dribol lamang na mga kaso mula sa METROPOLITAN TRIAL COURTS.

Bukod nito ay inihayag ni ACOSTA na isasampa na nila ang 102 CRIMINAL CASES sa DEPARTMENT OF JUSTICE (DOJ) laban sa mga dati at aktibong opisyales ng DEPARTMENT OF HEALTH at mga representante ng SANOFI PASTEUR INC hinggil sa pagkamatay ng 101 kabataan at ng isang survivor sa inilunsad noon na pagtuturok ng DENGVAXIA VACCINE kahit ang mga batang mag-aaral ay hindi pa nagkakasakit ng DENGUE.

Multiple counts of reckless imprudence resulting in homicide and torture ang isasampang kaso laban kina GARIN, HEALTH SECRETARY FRANCISCO DUQUE III; PHILIPPINE CHILDRENS MEDICAL CENTER EXECUTIVE DIRECTOR JULIUS LECCIONES; SANOFI EXECUTIVES at maraming iba pang mga personalidad na sangkot sa pagpapaimplementa ng DENGVAXIA VACCINATIONS; kung saan ay isinaad ni ACOSTA na maisasampa nila ang mga kaso sa darating na November.

Magandang senyales ito sa panig ng mga naghahangad ng hustisya dahil pinanigan ng SC ang kanilang naging kahilingan na isang korte na lamang ang hahawak.., pero, siguradong mahabang pagtitiis pa ang sasagupain ng mga magulang ng mga batang nabiktima ng bakunang laan lamang dapat sa mga nagkasakit na ng dengue ay binakunahan na rin ang mga batang hindi naman nagkasakit pa ng dengue.

Kapag matapos ang paglilitis ng ONE FAMILY COURT ay siguradong mag-aapela ang mga akusado hanggang ang pinale nito ay ang pagdinig sa SC.., kaya kinakailangang matutukan o masubaybayan ng sambayanan itong kaso upang mapanagot ang matataas na GOVERNMENT OFFICIALS sa naging kapabayaan at kawalang ingat sa paglulunsad ng programa o proyekto lalo na’t humantong sa mala-torture na kamatayan ang mga batang mag-aaral!



***

AGARANG SUSPENSIYON SA MGA DEMOLISYON GIIT NG PCUP!

Bilang malasakit sa mga pami-pamilyang nahaharap sa mga demolisyon ay tinungo ng PRESIDENTIAL COMMISSION FOR THE URBAN POOR (PCUP) ang INTER-AGENCY TASK FORCE ON EMERGING INFECTIOUS DISEASES (IATF-EID) upang ipaabot kay PRESIDENT RODRIGO DUTERTE ang agarang suspensiyon ng mga PRE-DEMOLITION CONFERENCES at ADMINISTRATIVE DEMOLITIONS habang nasa pandemya pa ang ating bansa.

Para kay PCUP CHAIRMAN/CEO USEC. ALVIN FELICIANO ay kailangang matutukan nila ang mga demolisyong nagaganap kung saan ay ilang pamilya ang mga nahaharas.

“Ngayong panahon ng pandemya, sana bukod sa batas na pinaiiral natin, pairalin din natin ang puso. Sana palipasin natin ang pandemya bago tayo mag-demolish,” pahayag ni FELICIANO.

Alinsunod sa DILG MC 2020-068, ang PCUP ay nakasuporta rito sa pamamagitan ng Commission Resolution No.05, s.2020, ang pagsuspinde ng lahat ng Administrasyong Demolisyon at Ebiksyon at Commission Resolution No.08, s.2020, ang suspensyon ng mga PDC.

Naniniwala ang PCUP na ang isang EXECUTIVE ORDER ay magiging mas diin at magsisilbing mas hadlang kumpara sa isang Department Memorandum Circular.

Ang mga resolusyon ay sinang-ayunan ng mga COMMISSIONERS nitong sina MELVIN MITRA na may akda ng Commission Resolution No.05, s.2020; NORMAN BALORO, RANDY HALASAN at ROMEO JANDUGAN.

Bukod sa mga resolusyong ipinasa ng PCUP ay hinihikayat din ng Komisyon ang mga LGUs na isulong ang pagsuspende ng demolisyon at ebiksyon para sa kabawasan sa mga iniisip ng mga urban poor communities.

Kaugnay nito, patuloy pa rin ang pakikipag-ugnayan ng PCUP sa iba pang ahensya para matugunan ang mga problemang kinakaharap ng mga maralitang sektor!

***

Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext sa 09085841303 para sa inyo pong mga panig.