Advertisers
Sa balat ng kasaysayan, uminog ang mundo sa maraming pagbabago, mula sa panahon ng unang dalawang tao, panahon ng bato’t apoy at pangangaso hanggang sa pag-inog ng industriyalisasyon. Mula nang maimbento ang mga makinarya na nagbigay sa obrero ng katuwang sa paggawa upang maparami ang produksyon, nagsimula na rin ang usapin sa paggawa.
Samu’t saring usapin ang lumitaw mula sa karapatan sa paggawa at ng mga mangagawa, hanggang sa usapin ng proteksyon nila maging ng kalikasan. Sa paglobo ng populasyon, maraming bansa ang tumahak sa landas na nagsulong sa kanilang tinatawag na kaunlaran; ngayon sila’y tumitimon sa mga malalaking industriya sa mundo.
Hindi lingid sa atin, may mga bansa sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang sumusunod sa usaping ito ng industriyalisasyon, subalit mayroon pa ring naiwan at ngayo’y balak na rin suungin ito para sa pagbabago at sa kaunlaran.
Silipin natin ang sitwasyon sa ating bayan. Maraming pagtatangka na pag-usapan ang kalagayan ng industriyalisasyon sa bansa subalit parang tengang-kawali lamang ang tugon ng maraming kababayan dito. Matagal na itong usapin subalit parang eroplanong ‘di maka take off dahil parang usapin lamang ng mga negosyante at labas ang mga obrero.
Hindi handa ang mga obrero sa usaping ito, sa kadahilanang ayaw ipaunawa ito sa kanilang hanay. Ngunit sa pag- inog ng mundo at ng kasaysayan, malinaw na ang mga obrero ang siyang pangunahing tagapagpaganap ng makina na gamit sa industriyalisasyon, kaya’t ang pag-iwan sa kanila sa usapin ay isang maling hakbang.
Sa pagtatangkang buksan at muling pag-usapan ang industriyalisasyon sa bansa, mas maraming obrero ngayon ang kasama, naging bahagi at mas maraming usapin ang lumalabas. Hindi lamang basta usapin ng paggamit ng makinarya ang binibigyang-diin, nariyan na rin ang usapin kung anong industriya ang kasama rito; sino ang magmay-ari o ang mamumuhunan; usapin ng proteksyon ng kalikasan; batas na umiiral sa bansa, at ang mga karapatan ng mga obrero na siyang tagapagpaganap.
Sa kasalukuyan, silipin natin ang kalagayan ng paghahanda ng bansa sa pagbubukas nito sa pandaigdigang kalakalan na siyang gawin nating batayan kung maari na tayong pumasok sa panahon ng makabagong industriyalisasyon. Una, ang mga ginagawang mga daan, sa pagtaya, malinaw na hindi pa sapat sabihing marami nang mga kalsada ang nagawa na maaring magdala ng ating mga produkto sa destinasyon at sa takdang panahon.
Ang programang build,build, build, ay hindi man lang naka take off sa kawalan ng maayos na balangkas na plano. Ang kawalan ng pondo at ang gawing pangungutang na hindi makarating-rating ang perang hiniram ang siyang pangunahing dahilan upang hindi ito masimulan.
At kung naka pangutang naman sa Kaibigan ni Totoy Kulambo para simulan ang proyekto, ang mga obrerong Tsekwa ang siyang ginawang mga tagapagganap, sa halip na ang mga kababayanan nating obrero. Marahil kasama ito sa mga kolatilya ng kasunduan na pinasukan ng pamahalaan ni Totoy Kulambo sa mga mamumuhunang singkit. Tama ba ito?
Pangalawa, maraming industriya sa bansa ngayon ang nagsara at nag-alisan ng kanilang operasyon, at meron pang mga nagbabantang ilipat ang negosyo sa ibang bansa dahil sa uri ng pagbubuwis sa bansa na talaga namang iniinda ng mga negosyante. Sa unang bahagi pa lamang ng taon, marami nang industriya ang lumipat sa karatig bansa upang doon mamuhunan.
Ang patong-patong na pagbubuwis at papalit-palit na panuntunan na nagpapababa sa kanilang kita ang ilang dahilan. Hindi nila matiis ang mga kaganapan sa bansa na kung saan ang malapit lamang sa Balete ng Malacañang ang nabibigyan pabor, ganung tumatalima sila sa panuntunan o sa batas ng bansa. May kampihan ba rito?
Pangatlo ay ang gawi ng pamahalaang ito na panggigipit sa mga negosyo, partikular na sa telekomunikasyon at broadcasting na kung saan ginagamit nito ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan upang ipasara ito kahit walang nakikitang paglabag. Hindi lamang iyon, ngunit nariyan din ang pamba-braso ng pamahalaan sa mga negosyante na ibahagi ang ilang pasilidad nito sa negosyante, malapit sa Balete ng Malacañang.
Ang mas masakit dito, pinapagamit pa nito ang ilang pag-aari ng gobyerno na mahalaga sa seguridad ng bansa upang dito padaanin ang mga pasilidad ng kaibigang kapitalista. Pumapasok na naman ba tayo sa kroniyismo o sadyang ibinebenta na ang bansa sa dayuhang singkit?
Sa ganitong mga insidente, sa halip na umusad patungo sa pag-unlad at industriyalisasyon ang bansa natin, tila patungo tayo sa baliktad na direksyon. Unahin natin tuunan ng pansin ang ganitong gawi bago pag-usapan ang industrialisasyon at pag-unlad upang matiyak na bababa ang mga ito para sa Pilipino.
Tiyakin natin na hindi lalabas ang mga puhunan at ang tubong lilikhain nito para sa ating pag-unlad. Hindi masama ang pag-unlad kung tayo rin ang may pakinabang. Lumikha tayo ng mga lokal na mamumuhunan na may pagtingin at puso sa bansa, at hindi sa dayuhang singkit. Oo sa pag-unlad na maka-Pilipino.
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.
***
dantz_zamora@yahoo.com