Advertisers

Advertisers

May amnesia na ba si Pres. Duterte?

0 259

Advertisers

MAY amnesia na marahil si Pangulong Rody Duterte. Bakit? Aba’y nakaligtaan na agad niya ang mga opisyal niyang nakagawa ng katiwalian pero kanya paring ipinagtatanggol at pilit inaabsuelto sa isyu ng korapsyon.

Nitong Lunes ng gabi, sa kanyang lingguhang “ulat sa bayan”, binigyang diin ni Duterte ang kampanya niya laban sa korapsyon: “Walang patawad. I do not forgive cases ng corruption. Walang areglo. Walat lahat. No quarters given. No quarters asked. Kagaya din sa droga, walang pabor dito.”

Ang statement na ito ni Duterte ay kontra sa pananahimik niya sa mga isyu ng korapsyon laban sa mga “tao” niyang nabuking sa panggagahasa sa kaban ng bayan at pagsasamantala sa posisyon.



Remember ex-Sec. Wanda Tulfo-Teo ng Tourism, ex-DoJ Sec. Vitaliano Aguirre, ex-Customs Commissioner Nicanor Faeldon, ex-PhilHealth chief Ricardo Morales, Health Sec. Francisco Duque, ex-PCSO General Manager Alex Balutan, Tourism Promotion Board head Cesar Montano, at marami pang presidential appointees na nasangkot sa daan-daang milyon/bilyon pisong katiwalian. Ano na bang nangyari sa mga akusasyon laban sa mga ito? Nakasuhan ba sila o umusad ba ang kaso laban sa kanila? Higit apat na taon na ang gobiernong Duterte pero wala pa itong napakukulong na korap sa administrasyon. Hanggang salita lang si Digong.

Opo! Kapag ang kanyang appointee ay nasasangkot o inaakusahan ng korapsyon, kaagad iaanunsyo ng Pangulo na: “Malinis ‘yan. Mayaman ‘yan, di ‘yan magnanakaw.”

At kapag masyado nang maingay ang mamamayan laban sa opisyal na inaakusahan ng katiwalian, aalisin niya lang ito at ililipat ng ibang puwesto. Mismo!

Ang mga statement ni Pangulong Duterte laban sa korapsyon ay bumabalandra rin sa kanya. Kasi nga wala naman talaga siyang aksyong ginagawa sa mga opisyal ni-yang mga kulimbat. Pramis!

Heto ang latest: Kamakailan inanunsyo ni Duterte na grabe ngayon ang korapsyon sa DPWH, PCSO, Customs at Immigration.



Pero bigla niyang ipinagtanggol ang kanyang DPWH Sec. na si Mark Villar. Hindi raw ito korap dahil mayaman na ito. Ang korapsyon daw ay sa ibaba, sa mga engineer na nagpapatupad sa proyekto.

Aba’y pinalalabas lang rito ni Duterte na inutil itong si Sec. Villar. Mantakin mo… grabe pala ang korapsyon sa DPWH tapos walang ginagawa itong si Villar?

At napakaimposible naman yatang walang malay si Villar sa korapsyon gayung dumadaan sa kanyang lamesa ang bawat multi-million hanggang bilyon bilyong halaga ng kontrata sa public works. Right?

Si Mark ay anak nina dating Senate President Manny at kasalukuyang senador Cynthia Villar. Ang kanyang misis ay Usec. sa DoJ. Ang mga magulang ni Mark ay no. 1 sa list ng mga bilyonaryo sa bansa. Sinasabing nagbigay sila ng malaking pondo sa kampanya ni Duterte noong 2016.

Sabi naman ng DoJ, paiimbestigahan nito ang tinuran ni Pangulong Duterte na korapsyon sa DPWH. Abangan!

***

Kung seryoso si Pangulong Duterte na tapusin ang iligal na droga sa bansa, bakit tila malamig siyang ipahanap ang sinasabing kumpare nyang sikat na drug lord na si Peter Lim ng Cebu, at naging tameme siya sa pagkakasangkot ng barkada ng kanyang mga anak na mga Intsik na nagpasok ng bilyon bilyong halaga ng shabu na nahuli ang huling shifting sa Valenzuela City few years ago. See?