Advertisers
LIMANG drug suspects ang pinalaya ng korte sa Du-maguete City matapos mabunyag sa CCTV footages na nagsinungaling ang PDEA agents sa pagdakip sa mga ito.
Ang PDEA agents naman ngayon ang posibleng makasuhan ng pagtatanim ng ebidensiya, na maaring ikatanggal nila sa serbisyo at pagkakulong.
Ang mga pinawalang-sala ng Regional Trial Court ng Negros Oriental ay sina Richard Torres alyas Enol, Shinette Sarabia, Gwendell Ozoa, Gabriel Aranas, at Katrina Tish Dabao.
Sinabi ng mga ahente na ang limang drug suspects ay natimbog nila sa buy-bust operation noong Hunyo 2020 sa bahay ni Torres.
Pero natuklasan ang pagsisinungaling ng mga ahente nang makakalap ng CCTV footages ang apat na akusado na sila’y dinampot ng walang arrest warrant malapit sa isang lodge, habang ang isa ay puwersahang pinapasok sa isang kulay asul na sasakyan ng PDEA malapit sa isang restoran.
Ito’y taliwas sa sinabi ng PDEA agents na naaresto ang mga suspek sa bahay ni Torres.
Sabi ng korte, ang pag-aresto ay iligal, base narin sa mga ebidensiyang iprinisinta ng mga akusado.
Sinampahan naman ng korte ng ‘indirect contempt’ ang mga operatiba na sina Nelson Muchuelas, May Ann Carmelo, Jose Anthony Juanites, Cheryl Mae Villaver, Realyn Pinpin, Barangay Official Shiela Mae Catada, at media representative Juditho Fabillar dahil sa pagliligaw sa korte, di pagsasabi ng totoo sa kanilang affidavit at direktang pag-hamak sa administrasyon ng hustisya.
Noong Sept. 2016, isang drug suspect na Australian citizen na si Damian John Berg ang pinalaya rin ng korte matapos makita sa CCTV footages ang pagsisinungaling ng mga operatiba ng PNP-Anti Illegal Drug Group.
Si Berg ay inaresto noong Hunyo dahil umano sa pagbebenta ng ecstasy sa daan sa labas ng isang hotel sa Makati City. Pero nakita sa CCTV footages na ang mga pulis na naka-plain clothes ay pumasok sa hotel room ng walang arrest warrant at binitbit si Berg.
Ganito rin ang nangyari sa pagpatay ng mga pulis sa 17-anyos na si Kian Delos Santos noong August 16, 2017 sa Caloocan City.
Sinabi ng mga pulis na may baril si Kian, isa itong drug runner, nanlaban sa pag-aresto kaya nabaril nila ito.
Pero nakita sa CCTV footages na binitbit ng tatlong pulis si Kian patungo sa isang madilim na lugar at doon pinagbabaril.
Nagsasagawa noon ng drug ops sa Barangay 160, Caloocan City ang mga pulis nang bitbitin nila si Kian habang ito’y nakaupo sa isang tindahan.
Na-convict ang tatlong pulis, nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo.
Marami nang kaso ng pang-aaresto ng mga operatiba ang napawalangsala sa korte sa tulong ng CCTV footages.
Kaya hinihikayat natin ang lahat ng barangay lalo sa Metro Manila na maglagay ng maraming CCTV cameras sa mga kalye nilang nasasakupan para mabilis na malutas ang mga krimen, lalo ang pagtatanim ng ebidensiya ng mga tarantadong alagad ng batas. Mismo!
Tiyakin lamang na ang inyong CCTV ay mayroong memory card at gumagana ang mga camera. Check it everyday.
Keep safe, mga suki!!!