Advertisers
SA isang demokratikong bansa tulad ng Pilipinas, isang kisapmata ang pagpapalit ng liderato na tumitimon sa burukasya. Sa pagpasok at paglabas ng mga pinuno, kasama ang pagpapalit din ng mga bagong namamahala sa iba’t ibang sangay ng ahensiya ng gobyerno na siyang tuwirang nagpapaganap ng mga adhikain o anumang ibig ng pangulo ng bansa.
Sapat na basbas ang ibinibigay sa mga nananalo sa halalan upang bigyang laya na pumili ng kanilang makakatuwang sa pagpapalakad ng pamahalaan. Ang mga posisyon tulad ng Gabinete at mga embahador ay dumadaan sa pagkilatis ng Commission on Appointment upang makita kung talagang may kakayahan sila na gampanan ang inatas ng pangulo ng bansa.
Sa pagbubusisi ng CA sa kuwalipikasyon ng mga appointee, hindi lahat ng ito’y nakakalusot at karaniwa’y bina-bypass at pinapalitan lalo na kung marami ang kontra sa nominasyon nito. Sa mga tinalagang opisyales mayroon pa rin nakalulusot sa CA kahit hindi kuwalipikado at walang kakayahan gampanan ang posisyon inatang.
Ang mga ito’y may reseta ng Ehekutibo na binibigyan diin na ibig ito ng pangulo sa itinalagang posisyon, kahit sa tingin nila’y kulang ito sa kuwalipikasyon.
Samantala, hindi kailangan ang pagbusisi ng CA sa ilang posisyon sa gobyerno at tanging basbas lamang ng Punong Ehekutibo ang kinakailangan. Halimbawa ang mga Presidential Assistant, USEC, ASEC, Bureau Director at maging ang mga pangulo ng mga GOCCs (government owned and controlled corporations).
Espesyal ang mga posisyon na ito sapagkat hindi na kinakailangan pumasa ng pagsusulit ng Komisyon ng Serbisyo Sibil. Ang mga opisyales na iniluluklok ang kadalasang nagpapahirap sa mga transaksyon sa mga sangay ng pamahalaan.
Karaniwang bitbit ng mga kasapi ng Gabinete na siyang ginagawang tagapangalap ng takits o kaya’y shock absorber ng batikos para sa kanilang amo. Karaniwan silang co-terminus ng kalihim.
Bigyan natin halimbawa ang mga naitalaga ni Totoy Kulambo na hindi na dumaan sa CA at gumawa ng himala upang pasikatin pa si TK at makakuha ng 91% approval rating ayon sa survey.
Unahin natin ang Usec ng DILG na dating Tserman ng SBMA. Mapalad ang mamang ito dahil bukod sa kanyang sarili, naitalaga rin ni Totoy Kulambo ang anak nito at manugang na dating child star. Dahil sa kawalan ng kakayanan, ito’y inalis at sinipa papunta sa DILG.
Bigtime pa ang puwesto, isang likhang opisina at may ranggong Undersecretary for Barangay. Abay talagang kinarir ang pagiging kapitan del baryo ng bansa na tulad ng mayor na nagtalaga sa kanya, ay talaga naman.
Pangalawa, nariyan ang dating Tserman ng National Youth Commission na isa na ngayon Asec ng DILG (na naman) para sa youth sector, na bagong likhang opisina kahit alam na ng madla na isa na itong gayot. Patuloy pa rin nag-oopisina si Asec sa NYC bilang kinatawan ng DILG.
Talagang ayaw tumanda ng mamang ito. Napakapalad pa ng gayot na ito sapagkat pahintulutan ng COMELEC na maupo ang asawa nito bilang partylist-congressman ng Duterte Youth.
Pangatlo, ang may pinakamalaking pusong ASEC ng MMDA (meron ba nun), na lubhang nagpapasikat sa pamahalaan ni Totoy Kulambo. Ito ay may susong ina eh mali, pusong ina na nagpapaliwanag na hindi lahat ng nanay na nakapiit ay maaring makipaglamay at makipaglibing sa sariling anak, wow lang ah. Kahit na hindi pa ito nahahatulan at napapatunayang guilty ng isang hukuman, hindi tulad ng mga mandarambong diyan na binibigyan ng compassion justice.
Sa pagtaya, hindi malugod ang pagtanggap ng bayan sa mga uri ng mga opisyales na itinalaga ni Totoy Kulambo. Talaga namang kulang sa kapasidad at kakayanan at parang itinalaga lamang dahil kakampi, kaibigan o taga Davao. Talagang kahanay ito ng mga makabagong pag-iisip na siyang nais ng punong tagapagpaganap sapagkat hindi nalalayo ito sa kanyang plataporma at nais.
Ang mga kalidad ng mga ito’y walang kapara na kahit ang mga technocrats sa mga nagdaang pamahalaan ay sasaludo o yuyuko upang magbigay galang. Ito ang uri ng opisyal na talagang nagpataas ng approval rating ni Totoy Kulambo. At ito ang uri ng opisyal sa kasalukuyang meron tayo. Sorry ka Bayan.
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.
***
dantz_zamora@yahoo.com