Advertisers
PATAY ang isang binatilyo nang pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang salarin sa Barangay 56, Tondo, Manila nitong Miyerkules.
Kinilala ang biktima na si Deejay Cabilin, 14-anyos.
Sa CCTV, makikitang nakaupo si Cabilin kasama ang isang grupo sa covered court sa tabi ng barangay hall 11:00 ng gabi nang dumating ang dalawang lalaking lulan ng motorsiklo.
Bumaba ang angkas at nilapitan si Cabilin at pinagbabaril ito.
Nakatayo pa ang binatilyo at tumakbo papunta sa likod ng nakaparadang SUV pero binawian din ng buhay dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo.
Sugatan din ang isang 16-anyos na babaeng pamangkin ni Cabilin na nadamay sa pamamaril.
Sa ulat, nasa barangay hall ang binatilyo nang mga oras na iyon nang ireklamo ito ng pananaksak sa isa pang menor de edad sa isang computer shop sa kabilang barangay.
Nangyari ang pamamaril habang hinihintay nilang dumating ang nagreklamong pamilya.
Inaalam pa kung may kaugnayan ang pamamaslang kay Cabilin sa nangyaring saksakan.
Ayon kay Police Capt. Henry Navarro, hepe ng MPD homicide section, hindi nila mahagilap ang tatay na nagreklamo kay Cabilin nang puntahan ng mga pulis para sa follow-up.(Jocelyn Domenden)