Advertisers

Advertisers

SALN

0 600

Advertisers

MARAMING dahilan kung ayaw, maraming paraan kung gusto. Makatotohanan ang ganitong salita lalo na sa kasalukuyang panahon at uri ng tao dito sa mundo. Ang kampihan system ang kasalukuyang umiiral at ang sariling interes ang una bago ang iba.

Tunay na malihim ang mga lingkod bayan lalo na kung ang pinag-uusapan ang kabuhayan at kita. Kaya’t mahirap pilitin ang taong hindi nais magsiwalat ng anuman o ng bagay lalo’t alam niya na maaring gamitin ito laban sa kanya. Subalit hindi lihim sa madla kung saan nagmula ang isang tao o’ maging ang kanyang yaman.

Alam nila ang gawi at pag-uugali maging kung paano ito lumaki, hanggang sa maging opisyales ng bayan, lokal man o pambansa. Sa pagpasok sa pamahalaan maging halal o itinalaga, may mga alituntunin na dapat sundin. Isa na dito ang pagsusumite ng Statement of Assets Liabilities & Network (SALN).



Inaalam dito kung anu-ano ang pag-aari, pagkakautang at ang buong suma ng halaga ng pag-aari ng kawani o’ opisyal ng pamahalaan. Isinasaad din kung may negosyo, at kung meron ipinatanggal ang bahagi o’ sosyo upang maalis ang duda o’ ang conflict of interest.

Sa takbo at aral ng kasaysayan sa ilalim ng diktadura ni Ferdinand Marcos, isinama ng mga bumuo ng bagong Saligang Batas o Konstitusyon noong 1987, ang kahalagahan ng pagkakaroon ng paghahayag ng estado, utang at ari-arian ng lahat ng kawani ng pamahalaan. Layunin nito na malaman ang halaga ng pag-aari ng mga opisyales o kawani bago pa manungkulan sa pamahalaan nang sa gayon ay matukoy kung mayroon itong mga yaman na hindi maiuugnay o tutugma sa kanyang kita o suweldo bilang kawani ng pamahalaan.

Ang probisyon nito ay pinatatag pa ng isang Republic Act (RA). Binigyan diin ng RA 6713, o Code of Conduct & Ethical Standard for Public Official & Employees, ang pag-iwas sa pagtatago ng mga yaman ng mga kawani ng pamahalaan halal man o hindi, dahil ang pinalitang pamahalaan ay pagnanakaw ang gawi.

Sa nakaraang mga administrasyon ginamit bilang isang political instrument ang SALN upang kasuhan o’ alisin ang sinumang opisyal na hindi sang ayon sa adhikain ng mga nasa poder. Ang hindi pagsumite ng SALN ng ilang matataas na opisyales ng pamahalaan ang siyang ginamit na dahilan upang magkaroon ng impeachment kontra sa isang Mahistrado na nagbunsod sa pagkakaalis nito.

Sa pagpalit sa natangal na punong mahistrado, naging maganda na sana ang takbo ng Hudikatura subalit nagkaroon ng problema ng pumasok ang bagong administrasyon. Naging mainit sa mata nito ang Punong Mahistrado dahil sa hindi pakikiisa nito. Kaya’t ginawaan ito ng paraan o butas upang ipatanggal.



Ginamit ng pamahalaan ang sariling abugado, ang SolGen, upang busisiin ang hindi makitang SALN ng Punong Mahistrado, na hindi malaman kung sino ang nagtago. Sa sariling bahay ng Punong Mahistrado nagsumite ang SolGen ng Quo Warranto petition upang ipatanggal ito. Alam natin ang kinalabasan nito.

Sa kasalukuyang kalakaran, tila nakita o pinag-usapan ng mga tao sa pamahalaan ni Totoy Kulambo na kailangan protektahan ang bawat isa sa aspeto ng asunto. Bunsod nito, naglabas kaagad ang opisina ni Ombudsman Samuel Martirez ng pahayag na hindi na kailangan isapubliko ang laman ng SALN ng sino mang opisyal upang hindi malagay sa alanganin ang buhay at seguridad ng mga ito.

Hindi rin pinahihintulutan na ibigay na lang ito sa kung sino ang gustong humingi ng walang pahintulot ng mismong may-ari. Sa ganitong taktika parang hinaharang nito ang sinuman maging ang mga mamamahayag na malaman kung gaano at anu-ano ang pag-aari ng mga opisyal ng pamahalaan. At hindi nga nagtagal, mismong si Totoy Kulambo ang nagbigay ng pahayag hinggil sa pagsusumite ng SALN. Parang isang kumpas ito na pareho ang tono.

Parang kapanapanabik na malaman kung gaano kayaman si Totoy Kulambo at ang kanyang mga opisyales sa loob ng apat na taon na panunungkulan. Sa kabi-kabilang paglalaan ng pondo sa mga proyektong di’ masimulan, parang masarap silipin kung talagang totoo ang hamon ni TK na galit siya sa korapsyon.

Ang paglalahad ng kanilang SALN ang isang paraan upang mawala ang duda o malinis nila ang kanilang pangalan at makita ang sinseridad nito laban sa korapsyon. Ngunit, kay TK pa lang sarado, paano na ang iba?

Kamusta na kaya ang yaman ng mga Kalihim, Senatong, Tongresman at marami pang iba na sadyang mayaman na at hindi pa nagbago ang dami ng mga salapi nito. O’ baka naman nabawasan dahil sa puro abono. At paano naman ang biglang tumaas ang dami ng salapi? Nagsumite na ba kayo ng SALN ninyo, tanong lang po?

Ibig din malaman ni Juan Pasan Krus kung ang mismong pamilya ni Totoy Kulambo ay nadagdagan ang yaman dahil sa pwesto o’ negosyo. Huwag sanang ipagdamot kay Mang Juan ang konting impormasyon na ito hingil sa inyong pag-aari at interes. Nais naming malaman kung talagang napupunta sa tao ang mga perang para sa kanila at hindi sa inyong mga bulsa. Sundin ang batas ng SALN, kung nagagawa ito ng karaniwang obrero o’ kawani ng pamahalaan, mas dapat kayo. Sa Ombudsman isapubliko ninyo ang SALN ng mga matataas na opisyal at maging ang sa inyo ng ‘di magdududa ang mga Filipino….

Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.

***

dantz_zamora@yahoo.com