Advertisers
Nanganak na ang dalang krisis pangkalusugan ng pandemiyang dulot ng virus na COVID-19. Ito ay dala-dala na ng maraming Filipino sa ngayon – ang labis na kalungkutan o depresyon.
Kalungkutan o pighati na dinanas sa pag-iingat na mahawaan ng virus. Nawalan ng kabuhayan o trabaho, at araw-araw na iniisip paano papakainin at bubuhayin ang pamilya. Takot ang bumalot sa isipan kaya’t ang iba ay nagpakamatay na lamang.
Yan din ang tinutukan ng ating mga dalubhasa sa Kagawaran ng Kalusugan, dahil ang krisis pangkalusugan na ito ay di agad malalapatan ng gaya ng ginagawa natin para makaiwas sa virus. Kailangan alalayan agad ang mga taong kinakakitaan ng kalungkutan. Ang ayuda, bigay man ng nasyunal o lokal na pamahalaan ay nagdaan lamang sa mga kamay ng ating kababayan para maisalba ang kagutuman.
Kalusugan ng pag-iisip ang tinutuunang krisis pangkalusugan ng ating Department of Health, dahil nasasaksihan nila ito sa marami nating kababayan, nahawaan man ng virus o hindi. Kaya nga noong mga nagdaang linggo lalo na noong October 5 to 11, ginunita nga ng Kagawaran ang “Mental Health Week” kung saan nagbukas sila ng mga daan at kaparaanan kung saan maaring tumakbo ang ating mga kababayan na nasa gitna ng kaguluhan ng pag-iisip.
Mga “hotlines” ika nga na pwedeng tawagan ng bawat naguguluhan na sa pag-iisip sa sinapit na kabuhayan sa gitna ng pandemiya ng COVID-19. Nais ng DoH na kahit papaano ay maging kaagapay sila ng bawat Filipinong nagugulumihanan. Makapagbigay payo kabilang na ang ating mga health care professional na maibsan ang kapighatiang dinadanas.
Sa ganitong paraan, maari nating mabawasan ang mga pagtatangkang kitilin na lamang ang sariling buhay ng ilan sa ating mga kababayan dahil sa kalungkutan at kahirapang hinaharap sa gitna ng pandemiya.
Dahil sa pag-aaral na rin ng DoH ang krisis na dala ng pandemiya ay nauuwi rin sa krisis ng pagtaas ng bilang ng ‘suicide’ o pagpapakamatay dahil sa kawalan ng pag-asa at dadamay. Kaya maging sa social media at mga tradisiyunal na paraan para labanan ang kalungkutan ay dinadaan na ng DoH ang kanilang kampanya laban sa kalungkutan at depresyon.
Lahat naman talaga tayo ay apektado, ngunit magka-kaiba tayo ng tanggap sa ganitong sitwasyon at pagkakataon. Depende sa ating mga kalagayan, suporta ng pamilya, katayuan sa buhay at komunidad ay iilan lamang. Ang pagbabago nating kinakaharap nang dahil COVID-19 ang susukat sa ating mga abilidad kung paano tanggapin ang pagbabagong ito.
Mahalaga ang suporta ng pamilya at mga kaibigan upang mawala ang kalungkutan, ngunit kailangan bumalanse rin ito sa iyong pagpapahalaga ng iyong sarili. Ang pagtutulungan ng bawat isa ay makakapagbigay ng matibay na samahan at komunidad.
Kailangang alam natin ang ating gagawin kung tayo ay magkakasakit halimbawa. Sumangguni sa mga health care professional bago magsimulang gamutin ang sarili o pamilya. Alamin kung saan makakakuha ng suporta at tulong, maging ng mga payo. Tawag sa telepono o cellular phone at maging video chat ay malaking bagay upang maiwasan ang labis na kalungkutan.
Mayroon ng mga nito, sa ating pamahalaan sa pangunguna ng DoH at maging sa lokal na pamahalaan. Huwag natin kunsumihin ang ating sarili na wala ng matatakbuhan. Nariyan ang ating mga kaibigan at mga kapamilya at maging ang ating pamahalaan upang samahan ka at tulungan sa iyong pagdadalamhati.