Advertisers
“WALANG malaki na nakakapuwing.” Kasabihan ito ng mga Tagalog. Hindi sa malaking bagay nahuhuli ang salarin. Kadalasan, sa mga maliliit at hindi pinapansin na dahilan sumasabit ang mga kriminal. Ito ang dahilan kung bakit sila nakukulong.
Sa kasalukuyang pamantayan, napakaliit ng P1.5 milyon upang mapiit. Maihahambing sa barya lalo na sa kasalukuyang panahon kung saan nasa bilyones ang halaga ng mga nakawan sa kaban ng bayan. Ngunit ito ang nangyari kay Kin. Prospero Pichay Jr. ng Surigao del Sur. Hinatulan siya ng Sandiganbayan noong Biyernes na mabilanggo ng mula anim hanggang walong taon dahil sa halagang P1.5 milyon.
Acting chair ng Local Water Utilities Administration (LWUA) nang gamitin ni Pichay ang P1.5 milyon na salapi ng LWUA para sa isang torneo ng chess noong 2010. Presidente kasi si Pichay ng National Chess Federation, ang national sport association ng chess. Ginamit ni Pichay ang poder ng kanyang ahensiya upang magamit at makuha ang P1.5-M para sa torneo ng chess.
Sa 31-pahinang desisyon ng Sandiganbayan’s Fifth Division, napatunayan na nilabag ni Pichay ang Republic Act No. 3019, o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at ang RA 6713, o Code of Conduct of Ethical Standards for Public Officials and Employees. Bawal galawin ang pera ng bayan sa dahilan hindi saklaw ng serbisyo publiko.
Iginiit ni Pichay sa husgado na bilang acting chair ng LWUA, wala siyang poder upang gamitin sa ibang dahilan ang P1.5-M, ngunit hindi siya pinakinggan ng Sandiganbayan dahil ipinakita ng mga minutes ng miting ang kanyang pagtutulak sa mga torneo ng chess bilang bahagi ng mga aktibidad ng LWUA.
Nakakalungkot na dahil P1.5 milyon, ipinakita ni Pichay ang kanyang tunay na pagkatao at kaluluwa. Lubhang nakakalungkot sapagkat may kakayahang pinansiyal si Pichay. Itinuturing siyang isang mayamang mambabatas. Hindi siya mahirap na katulad ng mga mambabatas ng Makabayan Bloc. Kung bakit nagawa niyang salingin ang salapi ng bayan ay isang bagay na hindi namin maipaliwanag.
Hindi lang humaharap sa piitan si Pichay. Ipinataw ng Sandiganbayan kay Pichay ang perpetual disqualification sa anumang puwesto sa gobyerno, halal man o itinalaga (appointed). Hindi siya maaaring tumakbo kahit kagawad ng barangay. Hindi siya puedeng manungkulan kahit mensahero ng anumang sangay ng gobyerno.
Dahil sa nangyari kay Pichay, may mga panawagan na magkaroon ng perpetual ban sa mga pulitiko na pumapasok sa sports. Hindi bagay ang mga pulitiko sa sports, sapagkat ginagamit lang nila ang sports upang maisulong ang kani-kanilang mga political career. Wala naman silang tunay na pagkakamahal sa sports.
Ginagamit lang ng mga pulitiko ang sports upang makapagnakaw sa kaban ng bayan. Ganyan ang nangyari kay Pichay. Mukhang ganyan din ang mangyayari sa 2019 SEA Games kung saan bilyon-bilyong piso ang hindi pa naipapaliwanag ng mga organizer na pinamumunuan ni Alan Peter Cayetano, ang pinatalsik na ispiker ng Kamara de Representante.
Lampas walong buwan na ang nakalipas sa itinakdang huling araw ng pagsusumite ng financial report tungkol sa gastos sa 2019 SEAG, ngunit hanggang ngayon wala pang naisumite ang grupo ni Cayetano ng anumang ulat tungkol sa gastos. Pinalulusot ni Bambol Tolentino, isang pulitiko na kaalyado ni Cayetano sa pulitika at kasalukuyang pangulo ng Philippine Olympic Committee, ang grupo ni Cayetano upang hindi makapagsumite ng ulat.
May kantiyaw ang kaibigan na si Dan Mariano, isang beteranong mamamahayag: “Pustahan tayo. Hindi makukulong si Pichay.” Aber, aber …
***
BALUKTOT mangatwiran si Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. Sa ganang kanya, kailangan maging madaldal ang mga nilalang na ang tungkulin ay maging tagapagsalita ng simulain o sangay ng pamahalaan. Ito ang dahilan kung bakit hindi mapigil ang mabungangang heneral sa pagsasalita. Trabaho niya ang dumaldal kahit sinupalpal na siya ng amo na si Delfin Lorenzana, ang kalihim ng Tanggulang Bansa.
Sinupalpal siya ni Manuel Laserna Jr., isang manananggol, na nagsabing hindi daldalan ang labanan. “Integridad sa tungkulin ang labanan, ani Manny Laserna na hindi mapigil ang sarili na liitin ang kamangmangan ni Parlade sa serbisyo publiko. Hindi niya alam ang kanyang sinasabi, aniya. Mukhang hindi siya nakakahalata sa mga batikos na kanyang inaabot.
Gasgas na ang usapin na ito, ngunit ayaw tumigil ng heneral sa kapuputak. Hindi tuloy maaalis ng maraming netizen na alamin kung ano talaga ang tunay na kasarian. May pasaring kung Parlade ang tunay niyang pangalan at hindi Parlada.
May sinabing maganda si Joe America, isang banyagang netizen na namamalagi sa Filipinas ng matagal na panahon dahil nakapag-asawa siya ng Pinay: “I tell you, P19 Billion for a red-tagging propaganda initiative is about the craziest spending of money imaginable, anytime, and more so with a virus at our throats. It is totalitarianism on steroids with a glory-boy general at the helm. The Duterte look, I suppose.”
Dahil sa walang habas na kapuputak ni Parlade, hindi maalis ang magsabing sa laki ng budget ng opisina ni heneral (P19.5 bilyon sa NTF-ELCAC), kung bibigyan kami ng budget wan payb, kami ang tutugis sa NPA na sinasabi nilang kaunti na lang ang pwersa. Para saan iyong napakalaking halaga? Kung sa propaganda lang nila gagamitin, may free data ka sa facebook pwede na katulad ng ginawa nila kay Liza, Catriona, at Angel.
May magandang sinabi si Sahid Sinsuat Glang, isang beteranong lingkod bayan mula sa Katimugan: “Can Duterte defeat the CPP-NPA in the remaining 20 months of his presidential term what the 30 years of the combined terms of Presidents Cory, Ramos, Erap, GMA and PNoy failed? My take is that the P19-B anti-NPA and red-tagging activities is just a racket to line the pockets of the generals. It’s the generals’ pork barrel. It’s a bribe by Duterte to the generals to keep the latter’s loyalty to him!”
***
MGA PILING SALITA” “Daming palusot ni Parlade sa red tagging niya sa Gabriela at kina Liza Soberano,Catriona Gray, Angel Locsin at iba pa. Billions of budget no proof to show.” – Renato Loredo, netizen
“The message is starkly clear to anyone but the vengeful. There is no evidence because she is completely innocent. The only evidence is fake sleaze stories promoted by trolls and purchased testimony of convicts. Sen De Lima is a victim of the dirty business of guilt by tagging.” – Joe America, netizen
“When soldiers overtalk, we have a big problem. Who’ll defend us from invasion? Not those charlatans in military uniforms.” – PL, netizen