Advertisers

Advertisers

Tangkilikin ang sariling atin?

0 468

Advertisers

KAPURI-PURI talaga ang panawagan ng gobyerno, at ng mga LGUs na panahon na ating tangkilikin ang sariling atin.

Mga produktong gawa dito sa ating bansa.

Sa maraming lalawigan, nagpasa pa sila ng mga ordinansa na humihikayat sa lahat na i-patronize ang mga produktong gawa sa kanilang mga lugar.



May pandemya man o wala, unahin nating suportahan ang gawang Pinoy, ito ay upang matulungan ang pagbangon at pagsigla ng ating ekonomiya.

Katunayan, naglunsad ng online campaign ang Alliance for Consumer and Protection of Environment (ACAPE) Inc. ng kilusang #PinoyMunaBagoChina at #NoToFAKECHINAGOODS, ito raw ay upang masuportahan ang mga negosyanteng Filipino na makapanatiling buhay, ngayon na apektado ang lahat sa matinding hagupit ng Covid-19 pandemic.

Nanawagan pa ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA) na muling pasiglahin, palakasin ang diwa ng bayanihan at bilhin lamang ang mga produktong gawa sa ating bansa, lalo na ngayong nalalapit na ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

Sabi pa ng ACAPE, libo-libong negosyo, lalo na micro, small and medium enterprises ang nagsara at nanganganib na maisara dahil sa hirap na hirap na makabangon bunga ng mahigpit na tuntunin, regulasyon ng lockdown at quarantine, at ang pinsalang dala ng kalamidad tulad ng bagyo, pagbaha, sunog at lindol sa maraming dako ng bansa.

Sa pamamagitan lamang ng pagbili at pagtangkilik ng mga produkto at serbisyong Filipino, maibabangon ang ekonomya, at ‘wag bumili ng mga pekeng gamit, produkto at iba pa mula sa China.



***

Suportado natin ang panawagang ito, pero hindi lamang peke o mahinang produktong gawa o mula sa China – kundi, maging sa iba pang bansa.

May mga produktong gawa rin natin na hinuwad at mahina ang kalidad at hindi ito dapat na tangkilin.

Ngunit ang panawagang ito ng DTI, DA at ng mga lokal na pamahalaan ay magiging paos na tinig lamang dahil din sa kagagawan ng ating pamahalaan na kasabwat ng mga tuso, mapanlamang na negosyante.

Mas gusto natin ang ‘branded o stateside products’ kaysa gawang atin; maraming produkto natin ang pinatay ng importasyon na mas mura kaysa gawang atin.

Patay na ang matibay na gawang sapatos sa Marikina; hinahod sa hirap ang magsasaka na mura ang bili ng palay, mura ang bili ng traders sa mga alagaing manok, baboy at iba pang negosyong atin.

Ngayong nalalapit ang Pasko, kahit ano’ng yabang at pagmamalaki ng operasyon laban sa ismagling, umaapaw ang mga tindahan sa puslit na kargamento.

Kahit nais bumili ng produktong appliances na gawang Filipino, wala namang mabibili; may gawang atin, pero pinekeng brand ng mamahaling damit, sapatos, at iba pa, marupok at mahina rin at madaling masira tulad ng gawang China.

Wala tayong sariling gawa na mga gamit elektroniko tulad ng cellphone, laptop at iba pang gadgets: lahat ay pawang gawa sa ibang bansa.

Kahit saan ka lumingon, produktong dayuhan ang makikita natin; kahit sa pagkaing lokal, natatalo na rin ng mga pagkaing dayuhan na mas kinasasabikang tikman ng ating dila.

Matagal na tayong malaya, pero alipin pa rin tayo ng isipang kolonyal.

***

Suportado natin ang Buy Filipino Products campaign.

Pero may produktong Pinoy bang atin talaga na mababanggit ang ACAPE?

Pakilista lamang, DTI, ACAPE?

Kailan ba makaaahon ang magsasaka at mangingisdang Filipino, DA?

‘Wag puro lamang negosyante, importer at trader ang laging binibigyan ng pansin?

***

May mga opisyal ng bayan na tsinelas ang suot nang pumasok sa gobyerno, at makaraan lamang ng ilang taon, imported shoes, makikislap na alahas at hindi na sila amoy pawis kundi umaalingasaw sila sa mamahaling pabango.

Bakit nagpapatayan ang kahit magkakapatid, magkakamag-anak at matatalik na magkakaibigan sa pag-aagawan sa puwesto sa pamahalaan?

Maliwanag ang katotohanan: Negosyo at walang tigil na kalayawan at bisyo ang talagang pakay nila sa kunwari ay paglilingkod sa gobyerno.

Ngunit ang nakapagtataka’y iilan lamang ang mga taong ganito kagahaman sa kapangyarihan at milyon-milyon ang matatapat na opisyal at mga kawani sa pamahalaan.

Bakit nagagawa ng iilan na ito na manatili sa kapangyarihan at pagsasamantala sa salapi ng bayan?

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.