Advertisers

Advertisers

Osang nagtapat, inahas ang mga mister ng ilang aktres; Alan naghinala na tunay na anak ang bida sa ‘Anak ng Macho Dancer’

0 289

Advertisers

Ni BOY ROMERO
MARAMING kuwento si Rosanna Roces nang makausap namin siya sa presscon ng “Anak Ng Macho Dancer” na pinagbibidahan ni Sean de Guzman at sa direksiyon ni Joel Lamangan.
Inamin niya na nu’ng panahon ng kanyang kasikatan ay marami siyang mga taong nasaktan, naging maldita at pasaway siya. Lumaki raw ang ulo niya, nalunod sa tagumpay.
“Sa ayaw at gusto mo, lalaki ang ulo mo, magkakaroon ka ng yabang. Hindi ko naman kasi pinangarap, yung yumaman, hindi ko rin pinangarap na sumikat ako. Ang pangarap ko lang, yung buhay na hindi kinakapos, yung pag may pangangailangan ang anak ko, andiyan at maibibigay ko agad.
“Ang pinaka-ayokong ugali ko noon, e, yung di ko na kilala ang Diyos,” ratsada agad ni Osang.
Aniya pa sa panahon  ng pandemya, doon niya naalala ang kanyang mga katarantaduhan. Maging yung pag-ahas niya sa asawa ng mga kilalang aktres ay inamin din ni Osang.
Tikiman lang daw ang drama. May naulit at may isang beses lang. Pero ngayon ay ibang Rosanna Roces na raw ang makikita sa kanya.
May plano na siyang gumawa ng paraan para makipag-ayos sa mga taong nasaktan o nakaaway niya. Yung iba ay ayaw na niyang pag-usapan.
“Nasa plano ko na yan, pero kung kailan, di ko masasabi. Time heals wounds,” pahayag pa niya.
 Bukod sa maraming raket sa gitna ng pandemya, ang lubos na ikinatuwa ng aktres ay yung pagkakasundo nila ng kanyang anak na si Onyok.
Walong taon din yung di nila pagkakaunawaan at heto nga at maayos na sila. Hindi na raw mahalaga sa kanya kung nag-sorry ang anak sa kanya, damdamin ng isang ina at pagmamahal ng ina sa anak ang umiral sa kanya. Naiyak pa nga raw siya nang sabihin ni Onyok na na-miss na nito ang kuwarto niya dahil sa aircon.
Yung apo naman niya kay Grace na si Gab, na ang ama  ay si Jolo Revilla ay wala na ring problema. Nahihiram naman daw niya ito kahit kailan niya gusto.
Ang anak na si Grace ang nagpapaalam kay Jolo para hiramin at makasama ang anak at pagkatapos na magkita ang mag-ina, deretso na ang apo sa kanya.
Masaya na raw siya ngayon, may peace of mind at ayaw na niyang may kaaway. Love daw niya ang lahat para maraming trabaho. Ayaw na niyang maghirap.
“Mahirap ang walang pera, mawawala ang lahat sa yo. Pati nga mga kamag-anak mo, iiwanan ka. Shit ka sa lahat. Importante ang pera, money is dignity,” deklarasyon pa niya.
Back to “Anak Ng Macho Dancer,” second time niyang makatrabaho si Direk Joel Lamangan at sa pagkakataong ito ay gusto raw niyang bumawi kay Direk Joel.
Namura kasi siya ni Lamangan sa una nilang pagtatrabaho sa “Hustisya” na pinagbidahan ni Nora Aunor dahil na-late siya. Kaya super aga siyang dumating sa preskon ng nabanggit na film dahil gusto raw  niyang ipakita kay Direk Joel na ibang Rosanna Roces na ang makikita ng mga tao.
Nanay ni Sean de Guzman ang role niya rito na napilitang mag-pokpok para may pangtubos sa pusher na asawa na ginagampanan naman ni Alan Paule.
***
WHAT a coincidence!  Ang bida ng orihinal na “Macho Dancer” na si Alan Paule ay De Guzman pala ang apelyido sa tunay na buhay at si Sean de Guzman naman ang bida sa sequel nitong “Anak Ng Macho Dancer.” Marami kasi ang nagsasabi na magkamukha nga ang dalawa at maging si Paule ay kumbisidong may similarities sila ni Sean.
Kaya nu’ng nagkaharap sila sa preskon ng said movie, tinanong ni Alan si Sean kung sino ang nanay nito. Malay daw kasi ni Alan na nu’ng kabataan niya at dahil may kalikutan siya sa mga babae noon ay baka nga naman, pero tahasang sinabi naman ni Sean na hindi sila mag-ama.
Aminado si Paule na malaki ang nagawa ng pelikula sa career niya, sumikat at kinilalang bilang isang mahusay na aktor kaya tiyak ito rin daw ang mangyayari sa career ni Sean.
Noon nga raw ay nahirapan pa sila sa MTRCB at umabot sa puntong nag-rally pa raw sila sa tapat mismo ng bahay ng MTRCB Chairman noon, pero ngayon, suwerte raw si Sean dahil tanggap na ang ganiotng klase ng pelikula.
“Just be yourself, be professional. Pagbutihin ang trabaho, pagdating sa set handa ka na at alam mo na ang yung gagawin,” payo niya kay Sean.