Advertisers
Umabot sa bayan ng Pilar sa Bataan ang bangkay ng babaeng tumalon mula sa Ayala Bridge sa Maynila, na namataan ng isang mangingisda na palutang-lutang at naagnas na noong Miyerkules.
Ayon sa mangingisda, nakita niya ang bangkay ng babae na napapalibutan na ng water lilies sa dagat sa Barangay Wawa. Nakasuot ang babae ng pulang pang-itaas at maong pants.
Sa ulat, hindi na makilala at walang nag-claim sa bangkay, kaya kaagad na rin itong inilibing ng mga tanod ng barangay.
Ayon sa report, nitong Biyernes nagsadya sa himpilan ng pulisya ang umano’y pamilyang naghahanap sa nawawalang kaanak.
Nang buksan muli ang libingan ng natagpuang patay, kinumpirma ng pamilya na ito ang kanilang nawawalang 17-anyos na kaanak.
Taga-Quiapo sa Maynila ang pamilya. Tumalon anila ang dalagita sa Ayala Bridge at pinaniniwalaang inanod ng malakas na agos ng tubig sa ilog sa kasagsagan ng pag-ulan.
Kinuha na ng pamilya ang mga labi ng dalagita at dinala sa libingan ng mga Muslim sa Dinalupihan, Bataan. (PFT team)