Advertisers
Umabot na sa hanggang 5 talampakan ang baha sa ilang bahagi ng Pampanga at inaasahan ng mga residente sa probinsya na tataas pa ito dahil sa paparating na bagyong Rolly.
Ang ilan sa mga taga-Candaba, nagbabangka na dahil hindi na madaanan ang ilang kalsada bunsod ng baha na aabot sa 2 hanggang 5 talampakan.
Dulot daw ito ng mga nagdaang bagyong Pepito at Quinta.
Inaasahan ng mga residente na tataas pa ito lalo’t nakakaranas na naman ng kalat-kalat na pag-ulan ang lalawigan na epekto ng bagyong Rolly na inaasahang tatama sa ilang bahagi ng Central Luzon sa Linggo o Lunes.
Samantala, sinuong ng ilang kabalen sa bayan ng Macabebe ang hanggang dibdib na taas ng baha sa ilang sementeryo para makahabol sa pagdalaw sa kanilang mga yumaong kaanak.
Nitong Biyernes, minadali na ng lokal na pamahalaan ang pagpapagawa ng emergency evacuation sakaling kailanganin ito. Siniguro naman nilang sinusunod ang health and safety protocols para hindi magkahawahan ng COVID-19 sa mga evacuation centers.
Umarangkada na rin ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga bahang barangay para mamigay ng relief goods sa mga apektadong residente.(PFT team)