Advertisers

Advertisers

BALIK SI ‘MR. SHOOLI’

0 460

Advertisers

BUMABALIK ang “Mongolian Barbecue,” ang satirikong programa sa telebisyon mga tatlong dekada ang nakakalipas. Itinatampok ang beteranong komedyante at direktor na si Jun Urbano bilang karakter na “Mr. Shooli.” Sa social media at hindi sa telebisyon babalik ang programa. Mapapanood ang Mongolian Barbecue sa Youtube umpisa ngayong Linggo.

“Kinakabahan ako dahil alam kong malaki ang expectation ng mga tao,” ani Jun Urbano, anak ng namayapang aktor na si Manuel Conde na nakilala bilang si “Juan Tamad.” “Walang akong katulong,” ani Jun. “Wala akong malaking budget para gastusin sa pagbabalik ng Mongolian Barbecue,” aniya. “Ako ang gumagawa ng script. Wala akong gag writer.”

Kasagsagan ng pandemiko ng maisip ni Jun na buhayin ang Mongolian Barbecue. Retirado si Jun dahil 81 anyos na siya. Dahil aktibo siya sa Facebook, isang social networking site, may mga netizen na humiling na ibalik ang satirikong programa. Dahil nagsisilbi ang social media na bagong plataporma para sa programa, naisip niyang buhayin ang Mongolian Barbecue at ang karakter na si Mr. Shooli.



Tumulong ang kanyang mga anak na nagpahiram ng ilang equipment tulad ng kamera at dating kasama sa industriya ng advertising sa pagbuhay ng programa. Inamin niya na isang malaking hamon upang ipakilala sa mga milenyal (edad 15 hanggang 40 anyos) ang karakter na si Mr. Shooli. Napanood ang programa noong bumagsak ang diktadurya ni Ferdinand Marcos at bumalik ang demokrasya noong dekada 80 at 90. Nagklik ang programa.

Walang ibang pinanghahawakan si Jun Urbano kundi ang kanyang reputasyon sa kadalisayan ng kanyang adhikain at paniniwala sa buhay at pulitika. Bagaman hindi itinuturing ang sarili na dilawan o pulahan, sinabi ni Jun na kinakapitan niya ang paniniwala sa demokrasya at halagain tulad ng katarungang panlipunan na natutuhan niya sa Ateneo University kung saan nagtapos siya ng kurso sa pamamahayag, o journalism.

Walang malaking salapi si Jun Urbano upang maging bongga ang pagbabalik ng Mongolian barbecue. Ngunit marami siyang kaibigan na tumutulong sa kanyang bagong proyekto. Nariyan ang beteranong music composer at arranger na si Nonong Buencamino na gumawa ng bagong jingle para sa programa. Nagboluntaryo ang mga kaibigan na techie upang mailako (marketing) ang programa. Inaasahan na makakakuha ng sponsor ang programa.

Nagbabalik si Mr. Shooli upang magsalita sa mga nagbabagang usapin na humaharap sa bansa. Magpapatawa pa rin si Mr. Shooli, ani Jun. Sa panahon ng ibayong pagdarahop, hindi maaalis ang pagpapatawa, aniya. Plano niyang ibalik ang ibang karakter sa kanyang programa tulad ni Leo Martinez na kilala blang si “Congressman Manik-Manaog” at ang komedyante si Kuhol.

Tulad ng nakalipas, walang sasantuhin si Jun. Magsasalita sa pamamagitan ni Mr. Shooli ng kanyang mga obserbasyon sa pulitika, kabuhayan, at usaping panlipunan ng bansa. Tulad ng dati, Hindi niya sasantuhin ang mga pulitiko na sa kanyang paniniwala ay bahagi ng malaking problema ng bansa.



“Parang mga bagyo ang mga pulitiko. Mananalasa at maninira, at aalis. Pero eto na naman ang panibagong bagyo …Kanya-kanyang bata sa pulitika dito,” aniya.

Nakakagulat isipin na babalik ang Mongolian Barbecue sa panahon na mananalasa ang super-typhoon na si Rolly. Sa Undas, o Todo Los Santos mabubuhay ang programa na matagal-tagal din kinagiliwan ng mga intelihenteng manonood sa panahon na bumalik ang demokrasya at ganap na nalumpo ang makasalanang diktadurya ni Marcos.

***

GINAMIT ni Alan Peter Cayetano, inalis na ispiker ng Kamara de Representante, ang pangalan ni Rodrigo Duterte at dalawang negosyante – Dennis Uy at Manuel Pangilinan sa pagtatatag ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee, o PHISGOC, ang pribadong organisasyon na nangasiwa sa maanomalyang 2019 Southeast Asian Games. Ayon sa ulat ng isang pahayagan, tumatayong “chairman emeritus” si Duterte. Inilagay si Uy at Pangilinan bilang kasapi sa board of advisers ng PHISGOC.

Hindi sinabi ng ulat kung pumayag si Duterte, Uy at Pangilinan na isama ang kanilang mga pangalan sa PHISGOC, ngunit minsan ng nagtatalak si publiko si Duterte na hindi siya sang-ayon sa paggamit ng pribadong organisasyon sa pagpapatakbo ng SEAG dahil nauuwi lamang ito sa korapsyon. Lampas P15 bilyon ang ginastos sa SEAG at may mga alegasyon na malaking bahagi ng ginugol sa SEAG ang nabulsa ng grupo ni Cayetano at Kin. Bambol Tolentino, pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC). May mga panawagan na ganap na alisin ang mga pulitiko sa pamumuno sa larangan ng palakasan.

May pag-uudyok na simulan ang kampanya kontra katiwalian sa grupo ni Cayetano at Bambol upang maging kapani-paniwala. Binati ni Duterte si Cayetano a pagdiriwang ng kanyang ika-50 kaarawan noong Miyerkoles. May paniniwala ang ilang tagamasid na hudyat ito upang upakan si Cayetano. May balita na nakatakdang magsampa ng reklamong impeachment si Cayetano kontra kay Duterte. Tungkol ito sa mga itinagong kasunduan sa [agitan ni Duterte at Xi Jin ping ng China. Hindi pa pumutok ang isyu.

***

NAGSIMULA sa limang araw na sabong sa distrito ng Matina sa Davao City noong Abril at kumalat ang virus ng China-Duterte (o Covid-19) sa ilang lalawigan sa Mindanao. Ayon sa ulat, umabot na lampas 3,000 ang dinapuan ng viral infection sa Davao City. Umabot sa 148 ang namatay sa sakit.

Hindi napigil ang tigas ng ulo ng ilang prominenteng mamamayan sa Davao City at itinuloy nila ang sabong noong Abril. Ito ang dahilan kung bakit kumalat ang sakit kahit sa Davao del Norte at Davao del Sur. Kahit mayroon contact tracing na ginawa ang DoH sa Davao City, marami pa rin ang nagkasakit.

***

QUOTE UNQUOTE: “Develop an interest in life as you see it; the people, things, literature, music – the world is so rich, simply throbbing with rich treasures, beautiful souls and interesting people. Forget yourself. In the attempt to defeat death, man has been inevitably obliged to defeat life, for the two are inextricably related. Life moves on to death, and to deny one is to deny the other.” – Paulo Coelho, nobelista

“When the Marcoses left Malacanang on the night of Feb. 25, 1986, or the conclusion of the four-day EDSA People Power Revolution, people saw adult diapers with feces in the room of dictator Ferdinand Marcos. They came to conclude that Marcos, who destroyed our democratic traditions, plundered our nation, murdered many people, and raped the national economy, was a sick, incontinent despot, who could not control his excretory system, particularly his bowel movement.” – PL, netizen