Advertisers
NASAWI ang tatlo katao, kabilang ang 3-anyos na babae, nang makulong sa nasusunog na bahay sa Caloocan City nitong Lunes ng madaling araw.
Kinilala ang mga namatay na sina Beatris Oralio Alegria, 64; Vicente Junior Oralio Alegria, 65; at Althea Oralio, 3, pawang taga- Kamagong St., Pangarap Village, Barangay 182.
Ayon kay City Fire Director Supt. Aristotle Bañaga, 2:00 ng madaling araw nang sumiklab ang apoy sa bahay ng mga biktima na hindi nagawang makalabas sa kanilang bahay.
Kuwento ng dalawang kaanak, lumabas sila ng bahay para kumain subali’t pagbalik ay nasusunog na ang kanilang bahay.
Sa report, 2:34 ng madaling araw nang ideklara ng Caloocan Bureau of Fire Protection (BFP) na under control ang sunog at tuluyang naapula 2:41 ng umaga.
Wala namang ibang bahay na nadamay sa insidente habang tinatayang nasa P150,000.00 halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy.
Sinabi ni Supt. Bañaga, kabilang sa kanilang mga tinitingnan na posibleng dahilan ng sunog ay ang napabayaang kandila dahil wala umanong kuryente ang naturang bahay at kandila ang gamit ng pamilya upang magkailaw. (Beth Samson)