Advertisers

Advertisers

ISULONG ANG PROPESYONALISMO SA PNP

0 293

Advertisers

WALA namang nagsasabing walang nagawa si Major General Debold Sinas mula nang maging pulis ito.

Maraming nagawa si Sinas.

Ayon nga sa mga taong nakakakilala kay Sinas, matindi kung magpatrabaho ito laban sa mga sangkot sa iligal na droga.



Alam din ‘yan ng mga heneral at colonel sa Camp Rafael Crame, ang pambansang himpilan ng Philippine National Police (PNP).

Syempre, magaling din naman si Lieutenant General Guillermo Lorenzo Eleazar.

Kaya nga siya naging pangalawang hepe ng PNP.

Sigurado akong narating ni Eleazar ang kanyang kasalukuyang puwesto ay dahil sa kanyang tapat, seryoso, sipag at masunuring opisyal ng PNP dahil nasubaybayan ko ang mga naging assignment niya mula nang maging direktor ng Quezon City Police District (QCPD) hanggang maging hepe ng PNP – Region 4 – A hanggang italagang pinuno ng NCRPO hanggang mapunta na siya sa Camp Rafael Crame.

Ikalawa na siya sa pinakamataas na opisyal sa PNP, ngunit hindi pa itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Eleazar.



Si Sinas pa na wala sa tatlong heneral na inirekominda ni Interior Secretary Eduardo Año kay Duterte ang pinili ng pangulo.

Si Sinas pa na mayroong nakabinbing kaso hinggil sa paglabag nito sa batas at mga alituntunin patungkol sa pag-iwas at paglaban sa coronavirus disease – 2019 (COVID – 19) noong nakaraang Mayo 8 ang itinalaga ni Duterte na maging hepe ng PNP.

Si Sinas na nagbawal sa mga progresibong aktibista na magsagawa ng kilos – protesta at maglabas ng kanlang mga pagtutol sa Anti-Terrorism Law (ATL) ang siyang inilagay na hepe ng PNP.

Tapos, kakagitan ang pahayag ni Sinas na “move on” dahil anim na buwan na ang lumipas nang magawa niya ang mga akusasyon laban sa kanya.

Hindi move on ang wasto, makabuluhan at maayos na hakbang kapag ang Filipino ay nakagagawa ng krimen, o paglabag sa mga batas ng bansa, kundi kulong.

At lalong hindi promosyon, kundi kulong talaga dahil ang promosyon ay hindi parusa, kundi gantimpala.

Alam nang lahat sa media na “darkhorse” ang istatus ng major general sa pagiging hepe ng PNP kapag siya ay direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Ngunit, mukhang hindi na maganda dahil gumagamit na ng padrino ang mga heneral na gustong maging hepe ng PNP upang maging pinuno ng pambansang pulisya, sa halip na “seniority”, o kaya ang pagkakasama sa tatlong pinakamatataas na mga opisyal ng PNP.

Ang masahol sa sistemang padrino at sistemang bata-bata ay sadyang nababalewala ang propesyonalismo sa PNP.

Naisasantabi ang kosepto at praktis ng “good governance”.

Ayon sa impormasyong pumutok sa Camp Rafael Crame nitong Hunyo 8 at 9, si Sinas na ang papalit kay General Camilo Cascolan sa Nobyemre 10.

Kumalat ang nasabing impormasyon sa iba pang mamahayag kung saan ang karagdagang impormasyon ay “koneksyon”, o “bulong” ng general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na si Royina Garma ang ginamit ni Sinas upang maungusan niya si Eleazar.

Magreretiro si Sinas sa Mayo 8.

Wala pa ring katiyakang maipupuwesto na si Eleazar, kaklase ni Sinas sa Philippine Military Academy (PMA), bilang hepe ng PNP.

Nobyembre sa susunod na taon nakatakdang magretiro si Eleazar.

Nasabi kong hindi pa sigurado si Eleazar ay dahil si Brigadier General Vicente Danao Jr. na katatalagang “acting director” ng NCRPO ay matagal na ring napababalitang magiging hepe ng PNP.

Si Danao na direktor ng PNP – Region 4 – A bago mailagay sa NCRPO ay nagtapos sa PMA noong 1991, tatlong taon makaraang magtapos nina Sinas at Eleazar noong 1987.

Si Danao ay sinasabing malakas kay Pangulong Duterte dahil matagal din itong naipuwesto sa iba’t ibang yunit ng PNP sa Davao City.

Mayroon ding balita na si Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio ang sinasandalang pader ni Danao para makamit ang kanyang ambisyong maging matagal na hepe ng PNP, maliban kay mismong Pangulong Duterte.

Ngunit, pagbibigyan si Eleazar na pumalit kay Sinas ay magiging hepe pa rin si Danao mula Nobyembre 2021 hanggang Agosto 2023.

Kumbinsido akong hindi dapat pagbigyan lang si General Eleazar dahil napakayaman ang mga katibayang magpapatunay na karapat-dapat siyang italagang pambansang pinuno ng PNP.

Dapat isulong at pairalin ang propesyonalismo sa PNP!