Advertisers
KAHAPON ay hinagupit ng bagyong Ulysses ang bansa, kaya pansamantala, isilid na muna natin sa baul ang anomang pang-unawa o opinyon sa mga eskandalo ng korapsyon sa pamahalaan, at ituon natin ang pansin kung paano ba matutulungan ang daan-daan libong kababayan natin na sinalanta una ng bagyong Quinta at Rolly, at ang pinakahuli nga, ang super bagyong Ulysses.
Marami sa atin sa Metro Manila at ibang lalawigan ang nakatikim lamang ng tubig-baha at malakas na hangin ni ‘Ulysses,’ pero ang Bicol province, at iba pang lugar sa Region II, Central Luzon, MIMAROPA at CALABARZON area ay binayo at todong hinagupit ni ‘Ulysses’.
Napakasuwerte natin kung tutuusin, pero ang mga kababayan natin na hinagupit ng super bagyo, ayon sa ulat ay nangangailangan na ng mga pagkain, damit at gamot.
Kagutuman, pagkaligalig at kawalan ng pag-asa sa kinabukasan ang gumugulo sa ating kaawa-awang mga kababayan na todong hinagupit ng bagyong ‘Ulysses’.
Ano na ang tugon ng mga nakaririwasa, at mga sinasabing kasangkot sa pandarambong sa kaban ng bayan?
“Hindi ko po alam!”
***
Kung may masamang mukha ng karakter ng mga Pilipino sa nakaraang mga kalamidad, mas matingkad naman ang kabutihang loob ng marami sa atin: kahit maliit na ambag ay nagbigay ng tulong na salapi, mga damit, gamot at ang walang materyal na maitutulong ay ibinigay ang kanilang sariling lakas at panahon upang makisali sa pagliligtas ng mga nawawalang biktima; nakikidalamhati sa mga nawalan at namatayan, at ang marami, tumutulong sa mga ahensiya ng pamahalaan at mga pribadong sektor sa pangangalap at pamimigay ng relief goods.
Ito ang tunay na diwa ng kabayanihan ng lahing Pinoy: hindi kayang pasukuin, hindi kayang pahinain kundi ang tinatanganan ay ang pagtitiwala sa Panginoong Diyos – na ang lahat ay pagsubok at makababangon ang mga sinalanta gaano man kalupit ang tadhana.
Nagtitiwala ang marami: hindi ibibigay ng Diyos ang mga pagsubok kung hindi ito kakayanin ng iniibig Niyang subukin.
Aking naaalala ang kuwento ni Job – isang dakilang lalaki ng Diyos na sinubok ng Diablo ang katatagan ng pananampalataya.
Inubos ang kayamanan ni Job, namatay ang kanyang mga anak, at nagkasakit pa na ang katawan ay tinubuan ng bukol at kinakain ng mga uod.
Ngunit hindi siya bumitaw sa pagtitiwala sa magagawa at kapangyarihan ng Diyos: hindi nagtanong, hindi nanumbat si Job sa Amang Diyos kung bakit siya “pinarurusahan” gayong siya ay lumalakad nang matuwid sa aral at utos ng Panginoon.
Nang usigin si Job ng kanyang asawa kung bakit nagtitiwala pa sa Diyos sa kabila ng sunod-sunod na kalamidad at matinding karamdaman, ano ang naging sagot ni Job: Hindi lamang sa panahon ng kaginhawaan dapat na nagpapasalamat sa Diyos, kundi maging sa panahon ng kagutuman, pagkakasakit at kawalang pag-asa.
Sa ipinakitang matinding pananampalataya ni Job, pinagaling ang kanyang mga sugat at ibinalik ng Diyos ang kabuhayan at kayamanan na higit sa dami ng naunang nawala kay Job.
Espiritu nga ni Job ang nasa lahing Pilipino!
***
Sa ganitong sitwasyon at panahon ng kalamidad, ang mahalaga ay ang pagtutulungan, at anomang away sa politika ay iwaksi at itapon muna sa kangkungan at magkaisa ang lahat – oposisyon at administrasyon na ibangon ang dinurog at nilunod ng mga bagyo.
Samantala, bumubuhos ang tulong mula sa NGOs, private sectors at meron ding tulong mula sa ibang bansa, at ang kailangan dito ay ang masinop na paglikom ng tulong na pagkain, gamot, mga gamit at salapi at tiyaking mapupunta sa mga tunay na nangangailangan.
Kailangan ang tulong ng lahat: simbahan, pulisya, military, pribado at gobyerno at maging ang rebelde – Muslim man o Kristiyano – ay magkaisang bisig na itayo uli, ibangon uli ang mga guho, mga waak na tahanan at kabuhayan.
Ito ang panahon upang ipakita na tayo nga ay tunay na magkakapatid, anoman ang paninindigang political o ideolohiya.
Ipakita natin sa mundo: Matatag ang espiritu ng lahing Pilipino, higit sa mga oras ng panganib, sakuna, kalamidad at lalo na sa panahon ng kasaganaan at prosperidad.
***
Kulang na kulang tayo sa pagmamahal sa ating bansa kaya hindi tayo magkaroon ng pambansang disiplina.
Tulad na lamang ng batas laban sa di-maayos na pagtatapon ng basura na sanhi ng pagbaha at mga kalamidad.
Sa bahay ay umpisahan nating ipatupad ang segregation.
Sa bawat bahay ay gawing mandato na ihiwalay na ang mga nabubulok, di-nabubulok at nakalalasong basura.
Kung hindi mapaghiwalay ang mga basura ay multahan ang mga lalabag sa batas, tingnan kundi maging malinis ang ating paligid.
Kasi nga, ang mga politiko natin ay tunay na naniniwalang “may pera nga sa basura” at ito naman ay totoo kaya sila ay nagsisiyaman katulad ng mga kontraktor nila, habang nilalason nila ang ating kapaligiran.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.