Advertisers

Advertisers

MPD-TRS kapuri-puri sa mabilisang paglutas ng kaso ni Sec. Bello

0 265

Advertisers

Kapuri-puri ang napakabilis na pagkakalutas ng mga taga-Manila Police District-Theft and Robbery Section (MPD-TRS) sa panghahablot ng cellphone ni Labor Secretary Silvestro Bello III nung nakaraang Biyernes sa may Mehan Garden sa Maynila.

Nasa traffic daw ang kotse ni Bello at dahil mahina signal, nagbukas ito ng bintana habang may kausap sa kanyang mamahaling cellphone kaya nahablot ito ng isang bagets. Tumakbo ang menor de edad na suspect papunta sa kanyang mga kasamahan at sabay-sabay silang tumakas.

Kaagad-agad ay inatasan ni MPD chief Gen. Rolly Miranda si MPD-TRS chief Maj. Joey de Ocampo na tugisin ang mga suspects. Inatasan naman ni De Ocampo sina P/Master Sgt. Manuel Pimentel, P/S/Sgt. Margarito Dequito, P/Corporal Paul Robin Bautista, P/Cpl. Taduis Escano, P/Cpl. Serafin Galpo Jr. at P/Cpl. Paul Dick Valencia.



Hindi biro ang puspusang trabaho na ginawa ng grupo ni De Ocampo dahil tinunton nila ang mga suspects sa Quiapo na taguan ng mga sindikato. Eh kung napa-shootout sila dun?

Gayundin nang tuntunin nila ang iba pang suspects sa Malabon na di naman nila kapado dahil labas na ito ng Maynila.

Bukod sa mga panganib, puyat at pagod na kanilang kinaharap, gumastos din ang mga pulis ng galing sa bulsa nila para sa buong operasyon.

Maganda naman ang resulta dahil mabilis na nahuli lahat ng suspects, pati ang pinagpasahan ng nakaw na cellphone at bumili nito at nabawi rin ang cellphone ni Bello.

Pinapunta ang mga nakahuling pulis sa opisina ni Bello pero ano itong nabalitaan ko na ni hindi man lang daw inalukan ng tubig o inumin ang mga pulis na pagod na pagod at puyat pa noon dahil sa magdamagang operasyon para lang mahuli agad ang mga suspect?



Eto pa ang siste. Ayaw daw pakasuhan ni Bello ‘yung mga suspect at sa halip ay gusto pa raw niyang alukan ng trabaho. Akala ata niya eh mga ordinaryong bagets ‘yung kaharap niya na tipong ‘first timers’ sa snatching activities.

Bukod sa nagdo-droga ay mga talamak na sa pagnanakaw ang mga ‘yun at may mga gang pa nga. Hindi naman sila menor na otso-anyos. Halos 18 na sila. ‘Yung humablot ay 15.

Sa ganang akin, hindi tama na ayaw niyang pakasuhan ang mga suspect dahil magdadala ito ng maling mensahe sa mga sindikato na kapag bagets ang ginamit nila sa operasyon, wala nang kaso, mabibigyan pa ng pabor.

‘Yan na nga ang problema ng mga pulis. Kadalasan, kapag nahuli ang nagnakaw at nabawi na ang ninakaw, ayaw na magsampa ng kaso ng biktima. Kaya ang nangyayari, balik sa kalye ang suspect para mambiktima ng bago.

Basta ako, kino-congratulate ko ang grupo nina De Ocampo, Pimentel, Dequito, Bautista, Escano, Galpo at Valencia para sa magandang trabaho. Kung may mga hindi nasiyahan sa kabila ng inyong paghihirap, Diyos na bahala sa kanila.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.