Advertisers
Ni BLESSIE K. CIRERA
SOBRANG saya ni Geoff Eigenmann na siya ang unang aktor na kinuha ng NET25, ang unang digital TV station sa ilalim ng Eagle Broadcasting Corp., para maging pangunahing bidang lalaki sa kanilang romantic drama serye na pinamagatang Ang Daigdig Ko’y Ikaw.
Makakapareha ni Geoff ang magandang anak ni Nadia Montenegro na si Ynna Asistio sa unang pagbibida rin nito sa isang teleserye.
Sa idinaos na press launch ng ADKI nitong nakalipas na Nov. 10, 2020 sa INC Museum sa EBC Studios, ikinuwento ni Geoff na sobrang blessed anya siya na sa kabila ng nararanasang pandemya sa bansa, may ganitong klase ng serye na iprinudyus at siya ang kinuhang leading man.
“Happy talaga at sa kabila ng pandemic ay nagtiwala ang NET25 para kuhanin ako dito sa Ang Daigdig Ko’y Ikaw. Nakakapag-provide pa rin ako sa family ko lalo na ngayon na may tatlong anak na ako,” tsika ng gwapong aktor.
First time rin daw nilang magkasama sa trabaho pero agad anya silang nagkapalagayan ng loob ni Ynna.
Dagdag pa ni Geoff, puro take 1 umano ang mga eksena nila ni Ynna at smooth-sailing ang kanilang lock-in taping kaya mabilis nilang natatapos ang kanilang work.
Proud din si Geoff na maidirek ng award-winning director na si Eduardo Roy, Jr. na first time ring hahawak ng isang teleserye.
Bagama’t walang kontrata sa NET25, umaasa ang aktor na masusundan pa ito ‘pag natapos na ang 13 weeks o 1 season ng Ang Daigdig Ko’y Ikaw.
Gayundin, nang punahin namin ang pagpayat ng aktor, sinabi niyang nakatulong ang lock-in taping nila ng ADKI.
“Pag ‘di ko kasi type ang pagkain sa set hindi ako kumakain saka usually naman hindi talaga ako nagbe-breakfast kaya ayun nabawasan ang timbang ko,” anya pa.
Kasama nina Geoff at Ynna sa nabanggit na serye sina Ms. Elizabeth Oropesa, Tanya Gomez, Richard Quan, Shiela Marie Rodriguez, Arielle Roces, AJ Muhlach, Anna Mabasa-Muhlach, Manolo Silayan, Jiro Custodio, Paulyn Ann Poon, Myrna Villanueva Tinio at Jellex David.
Mula ito sa panulat ni Eduardo Roy, Jr., isinulat ni Bing Castro-Villanueva, mula sa pamamahala ng director-writer na si Nestor Malgapo, Jr.
Magsisimula nang mapanuod ang Ang Daigdig Ko’y Ikaw sa Nov. 28, Sabado, 8pm sa Net25.