Advertisers

Advertisers

MGA DELEGADO NG BANSANG KALAHOK SA SEA GAMES PINURI ANG “MEMORABLE” AT MATAGUMPAY NA HOSTING NG PILIPINAS

0 220

Advertisers

PINURI ng mga opisyal ng mga sporting committee mula sa iba’t ibang kalahok na bansa sa South East Asia (SEA) ang Pilipinas sa matagumpay na pag-organisa nito ng 30th SEA Games noong 2019, lalo na ang mga itinayong state-of-the-art na pasilidad, ang propesyonalismo at magiliw na pagtanggap ng mga Pilipino sa mga bisitang dumalo at mga kalahok sa nasabing palaro.
Sa isang video message na pinalabas noong turnover ceremony ng 30th SEA Games Final Report Book nitong Miyerkules (Nobyembre 11), binalikan ng committee officials ng Singapore, Brunei, Malaysia, Thailand, at Indonesia ang kanilang mga karanasan sa nakaraang SEA Games at nagpasalamat sa organizers, mga tauhan, at volunteers nito.
Ang 300-pahinang Report Book na binuo ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) ay naglalaman ng mga kuwento ng pagsisikap at matinding pagmamahal sa sports na ipinamalas ng mga atleta, opisyal, volunteers, at mga personnel na nasa likod ng buong SEA Games.
‘Pinakamalaking SEA Games sa Kasaysayan’
Pinuri ng Secretary General ng National Olympic Committee (NOC) ng Singapore ang PHISGOC, ang Philippine Organizing Committee (POC), at ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pag-organisa sa “pinakamalaking SEA Games sa buong kasaysayan”.
Wika niya, maayos na naisagawa ng bansa ang 30th SEA Games kahit na 14 taon na ang nakalipas nang huli itong naatasang mag-organisa ng isang malaking sporting event.
“Kahit malawak ang sakop ng sporting event, na umabot 56 sports at 530 events sa hiwahiwalay na lugar, naging maganda pa rin ang kabuuang trabaho nila,” ani Chan.
Inalala rin niya ang “friendly” at “gracious” na pagtanggap ng mga Pilipino sa kanila.
Pareho naman ang sentimyento ng opisyal ng NOC Malaysia na si Dato Nazifuddin.
“Talagang na-appreciate namin ang 30th SEA Games na masasabing pinakamalaki sa kasaysayan ng SEA games kung saan maraming sports ang isinali,” wika ni Nazifuddin.
State-of-the-Art na Pasilidad at Mahusay na Work Ethics
Pinuri naman ng Technical Director ng Athletics Stadium and Aquatics Center noong nakaraang SEA Games, Ibrahim Nada, ang “state-of-the-art” na Aquatic Complex sa New Clark City na kayang tumanggap ng hanggang sa 2,000 na manonood.
Isandaan at tatlumpu’t limang (135) swimmers mula sa 11 bansa ang nakapaglaro sa championship na ginanap sa nasabing Aquatics facility.
Dagdag pa ni Nada, papasa itong venue ng mga international at pambansang palaro para sa swimming, diving, water polo, at maging artistic swimming.
“Umaasa ako na ang New Clark City Aquatic Complex ay magbibigay ng inspirasyon at makaka-motivate sa mga Pilipinong atleta at makapagbibigay ng favorable impact sa susunod na performance na makapagtataas ng competition standard sa Pilipinas,” wika niya.
Nagpasalamat din ang opisyal ng NOC Indonesia na si Harry Warganegara at ang Pangulo at CEO ng Dentsu Sports Asia na si Kunihito Morimura sa mga organizing committee at sa lahat ng Pilipino para sa mainit na pagtanggap at sa ipinakita nilang propesyonalismo.
“Gusto ko talagang makabalik sa Pilipinas at makita ang mga pagbabago sa sports landscape in the Philippines,” wika ni Morimura.
Ayon naman kay PHISGOC Chief Operating Officer Ramon Suzara, ang pagiging matagumpay ng SEA Games ay dahil sa pinagsama-samang pagsisikap ng mga atleta, mga opisyal, mga sponsor, mga media, at mga manunuod na bumubuo sa komunidad ng SEA Games sa Pilipinas.
“Ang Final Report Book na nakatakdang ipasa sa SEA Games Federation ay sumasalamin sa “lahat ng pagsisikap na ibinuhos ng buong team at pamilyang bumubo ng PHISGOC,” dagdag ni Suzara.