Advertisers
Pinatalsik ng Meralco ang San Miguel sa Philippine Cup noong Linggo ng gabi. Winakasan ng panalo ng Bolts ang limang taong paghahari ng Beermen sa All-Filipino Conference ng PBA.
Kahit marami pa sa atin ang walang kuryente dahil sa bagyong Rolly at Ulysses ay fully-charged ang mga bata ni Coach Norman Black sa paggapi sa defending champion.
Balanse ang opensa ng Bolts na may apat ang double digit ang scoring sa pangunguna nina Cliff Hodge, Tapos may apat pang may 8 puntos o higit pa tulad ni Cris Newsome. First five at 2nd unit ay mataas ang kumpiyansasa pagshoot sa basket. Mabilis ang rotation at may touches lahat ng nasa loob ng court.
Ito pa, ang tindi ng kanilang depensa. Nalimitahan nila ang SMB sa napakababang 68 na score.
Naisahan din ng masterful coaching ng kaka-birthday lamang na si Black si Coach Leo Austria. Hindi naka-adjust ang katunggali sa game strategies ng Bolts sa 2 quarter-final match nila. Halimbawa ay ang magandang coverage nila sa sentro na si Mo Tautuaa.
Hindi ito gaanong nakaporma kahit sa kanya ang focus ng mga play. Natatapikan o napapaerror ang Fil-For.
Siyempre alam naman natin na wala sa line-up si JuneMar Fajardo ngayon at nagka-injury pa si Terrence Romeo.
Ngunit hindi natin maaalis sa Meralco ang malaki nilang pagwawagi lalo’t may twice-to-win pa silang disadvantage.
Ang tanong ngayon ay kung makakalusot sila sa Ginebra San Miguel sa semis. Magaya kaya nila ang Miami na kapwa nila 5thseed lang ngunit nakarating sa finals ng NBA.
Malalaman natin yan sa darating nilang best-of-five ng pinakasikat na koponan ng liga.
***
Kampihan na mga pulitiko sa Phil Olympic Committee at sa Senado. Kinatigan ni Ate Pia ang utol niyang si dating Speaker Alan Peter Cayetano sa pagkukuwestiyon ng isang senadora sa diumano’y maanomalyang pagpapagawa ng mga athletic venue sa Clark City. Nagputok ang butsi ni Sen. Cayetano sa Mataas na Kapulungan nang napanukala na magkaroon ng imbestigasyon dito.
Ire naman pangulo ng POC na si Cong. Bambol Tolentino ay pinaratangan ang 7 sa kanyang mga kasamahan sa board na namumulika lamang nang magsampa ng kaso kontra sa Phisgoc na pinamumunuan ni Cong Cayetano.
Sana magkaroon ng masusing pag-aaral sa karanasan nating ito upang hindi na maulit ang pang-iisa ng ilan sa atin.
Hindi komo tayo over-all champ ay hindi na bubusisiin ang mga transakyon ng mga opisyales.
Aba marami ang nagtatanong at malaking pondo ang nakataya.
***
Totoo ba na ipagpapalit ng Lakers si Danny Green kay Dennis Schroeder ng Oklahoma City? Magkasunod na titulo ni Green. Una sa Toronto tapos sa Los Angeles. Siya kaya maging lucky charm ng OKC? Abangan!