Advertisers
Dalawa sa kilalang malalapit na heneral sa Pangulong Rodrigo Duterte ang sabay na itinalaga bilang chief PNP at regional commander ng Metro Manila.
Hinirang ng Pangulong Duterte si Lt. General Debold Sinas bilang bagong hepe ng pambansang kapulisan samantalang itinalaga naman bilang director ng National Capital Region Police Office kapalit ni Sinas si Brig. General Vicente Danao.
Ang dalawang nasabing opisyal ay kapwa naging Davao City Police Director na naging malapit di lamang sa Pangulo kundi sa pamilya Duterte na rin.
Si Sinas ay naging kontrobersiyal nang lumabas sa social media ang mga larawan nito sa magarbong pagdiriwang nito ng kanyang kaarawan (MAÑANITA) na binati ng kanyang mga tauhan sa kalagitnaan ng lockdown dahil sa pandemya ng Covid-19.
Ang pagdiriwang ng nasabing kaarawan ni Sinas ayon sa mga netizens ay di angkop sa sitwasyon ng bansa sanhi nga ng pandemyang umiiral at di nasunod ang social distancing na isa sa mga health protocols na ipinatutupad ng pamahalaan.
Marami ang humiling noon sa pamunuan ng PNP at maging kay mismong Pangulong Duterte na sibakin bilang NCRPO Director si Sinas ngunit di ito nangyari.
Sa kabila ng criminal at administrative cases na isinampa laban dito, nanatili ito bilang Top Cop ng Metro Manila.
Si Sinas ay produkto ng Philippine Military Academy (PMA) Hinirang Class of 1987.
Itinalaga rin bilang kahalili ni Sinas sa NCRPO ang isa pang Duterte favorite general na si Brig. General Vicente Danao na naging district director din ng Manila Police District at police regional director ng PNP Region4A (Calabarzon).
Si Danao ay miyembro naman ng PMA Sambisig Class of 1991.
Ang pagkakatalaga sa dalawang heneral na kilalang Duterte boys ay agad kinontra ng mga kritiko ng administrasyon ngunit agad namang ipinagtanggol ng Malacañang at ni Presidential spokesman, Secretary Harry Roque.
“Prerogative ng sino mang Pangulo ng bansa na piliin ang sino man na para sa kanya ay kanyang puwedeng pagkatiwalaan, in this case ayon pa kay Roque, si Sinas at si Danao ang most trusted PNP generals para sa Pangulo”.
Kapwa nangako sina Sinas at Danao na kanilang gagawin ang lahat ng kanilang makakaya upang mas lalo pang mapagbuti ang kalidad ng pagseserbisyo ng kapulisan sa sambayanan.
Kapwa nasa prayoridad nina Sinas at Danao na lalo pang mapaigting ang laban kontra kriminalidad at iligal na droga na isang flagship program ng Pangulong Duterte nang maupo ito bilang Pangulo noong 2016.
Kapwa nagpahayag naman ng kani-kanilang suporta kay Sinas at Danao sina Senators Bong Go, Bato dela Rosa at Ping Lacson na nagsabing naniniwala sila na karapat-dapat lamang ang naging pagtatalaga sa mga ito ng Pangulo dahil nakasama na nga nito ang mga naturang heneral at subok na ang galing at katapatan sa tungkulin ng dalawa.
***
PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON,MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP NO.0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com