Advertisers
GUMAWA ang Malakanyang ng isang executive order na siyang magbabalita ng mga responsibilidad ng isang task force na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte upang mapabilis ang rehabilitasyon ng mga lugar na tinamaan ng isang serye ng mga bagyo sa nagdaang dalawang buwan.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque na ang binuong Build Back Better Task Force ay isasailalim kay Executive Secretary Salvador Medialdea.
Kasama sa mga miyembro nito ang Kagawaran ng Agrikultura, Public Works at Highway, Budget and Management, at Social Welfare and Development, National Irrigation Administration, National Electrification Administration, at National Housing Authority, bukod sa iba pa.
Magbibigay ng tulong ang Philippine Air Force, Philippine Navy at Philippine Coast Guard sa task force. Hinimok din ng Palasyo ang mga kinauukulang local government unit na magbigay ng tulong.
“This body will have a clear chain of command, and direct mandate to address and monitor the multifarious issues and concerns involved in the rehabilitation and recovery phase of typhoon-affected areas,” pahayag ni Roque sa isang press conference sa Malakanyang nitong Lunes, Nobyembre 16.
Hiniling ni Roque sa publiko na bigyan ng pagkakataon ang task force, na dagdag pa niya na hindi sasapawan ang mga gawain ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Nanindigan ang Malakanyang na ang gobyerno ay nakahanda bago pa nanalasa ang bagyong Ulysses noong nakaraang linggo.
Tinitiyak ni Roque sa publiko na ang gobyerno ay may sapat na pondo sa pagtugon sa kalamidad. (Vanz Fernandez)