Advertisers
Katatapos lamang ng aking pakikipag-ugnayan bilang namumuno ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa Police Region 1 sa ilalim naman ng pamumuno ni Police Director Brig. Gen. Jun Azurin, at aming napagdesisyunan na gawing “TOP PRIORITY” ang panibagong pamamaslang sa hanay ng media. Sa pagkakataong ito nangyari ang pagpatay sa Villasis, Pangasinan.
Ang biktima ay hindi na iba sa akin, kundi ang kabarong si Virgil Sarmento Maganes. Isang beteranong broadcaster ng DWPR Radio Staion sa Dagupan City bagamat 4 na taon na siyang hindi aktibomsa radyo. Ang kaniyang sinusulatang diyaryo na Northern Watch ay tumiklop na din noong Hunyo dahil sa pandemya.
Si Maganes ay pinaslang ng dalawang “riding-in-tandem” na mga di pa nakikilalang mga suspek noong Martes (November 10) ng umaga (6:30am) habang naglalakad malapit sa kanilang tirahan sa Licsab, Barangay San Blas, Villasis, Pangasinan. Siya ay kaka-62 anyos lamang matapos magdiwang ng kanyang kaarawan noon lamang November 7.
Dead on the spot si Maganes at anim na basyo ng mga bala mula sa kalibre 45 na baril ang natagpuan sa pinangyarihan ng krimen.
Sa nabanggit kong personal na pakikipag-ugnayan sa kapulisan ng lalawigan, tatlong posibleng angulo ang aming nakikita sa pamamaslang. Mainitang pagtatalo, lumang alitan at pulitika.
Mayroon na ring mga lumitaw na mga pangalan bilang mga “persons of interest” na maaaring makapagbigay ng kaliwanagan sa pangyayari.
Habang hindi pa natitiyak ang tunay na motibo at dahilan sa pagpaslang kay Maganes, amin pa rin itong itinuturing na may kaugnayan sa kanyang pagiging mamamahayag, dahil nga sa haba ng panahon ng kanyang pagiging media.
Kapag tina-target kasi o pinapatay ang taga-media, parang kinikitil din ang malayang lipunan. Sa kabuoan, lipunan o kapaligiran ang talo o agrabiyado.
Kung hindi natin mapro-protektahan ang mga mamamahayag, ang ating kakayahang maka-alam at mag-desisyon base sa mga pinahahayag na katotohanan ng media, gamit ang mga ebidensiyang susuporta sa katotohanan ay matitigil na rin, kung papatayin ang mamamahayag.
At kung di magagampanan ng media ang kanyang tungkulin dahil sa takot at walang kasiguruhan sa kanyang kapaligiran, kalusugan man at buhay, nawawala na rin sa atin ang pinaka-importanteng panangga sa pandemiya ng dis-impormasyon lalo na ngayong naglipana ang mga pekeng balita sa on-line at social media.
Ano man ang motibo sa pagpatay kay Maganes, hindi magsasawa ang PTFoMS sa kakahanap sa mga duwag na may kagagawan nito. Kung sila man ay makapag-tago sa batas ng tao, hindi sila makakapag-tago sa batas ng Diyos at Banal na Hustisya. Malinaw pa yan sa sikat ng araw.
Hindi rin sisinuhin ng kapulisan ng Police Region 3 at ng PNP ang sinomang mahuhuli nitong nasa likuran ng krimen upang isiwalat ang katotohanan at bigyang hustisya ang pagkamatay ni Maganes.