Advertisers
MAGULO ang komunidad ng palakasan sa bansa. Patuloy na gumugulo. Kung may natitirang amor propio si Abraham “Bambol” Tolentino, marapat na iatras ang kanyang kandidatura sa pagka-pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC). Kasalukuyang pangulo ng POC si Bambol T. Lumalaban siya sa reelection para sa apat na taon panunungkulan bilang pangulo.
Ngunit pasimpleng kinukuwestiyon ng kapuwa sports leader ang kanyang integridad. Kilala si Bembol T. bilang kasapakat ni Alan Peter Cayetano, ang sinibak ng ispiker ng Kamara de Representante. Noong si Alan Peter ang ispiker, nanungkulan si Bambol T. bilang chair ng House committee on accounts. Si Bambol T. ang may kontrol sa pananalapi ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Alan Peter. Kinakatawan ni Bambol T. ang ikapitong distrito ng lalawigan ng Cavite sa Kamara.
Sa liham noong Biyernes kay Teddy Kalaw Jr., chair ng POC election committee, sinabi ng grupo ng mga iskirol na sports leader, o mayorya ng POC Executive Board, na tumanggap ng regular na sahod, o emolument, si Bambol T. mula sa Philippine Southeast Asian Games (PHISGOC), ang foundation na itinatag ng grupo ni Cayetano upang iorganisa at patakbuhin ang 2019 Southeast Asian Games (SEAG) na ginanap sa Filipinas.
Sinabi ng mga tumututol na sports leader na labag sa alituntunin ng International Olympic Committee kung saan kasapi ang POC para sa mga sports leader na tumanggap ng sahod, suweldo, o pabuya mula sa alinmang estado, grupo, o pribadong organisasyon. Sinabi nila na ang diwa ng boluntarismo ang kinakapitan ng kilusang Olympic sa buong mundo. Kaya hindi ipinapayo sa mga sports leader na tumanggap ng sahod, kita, o pabuya.
Hindi ito nauunawaan ni Bambol T. Sa isang ulat, pagalit na sinabi niya na “marumi” maglaro ang kanyang mga katunggali sa halalan ng bagong opisyales ng POC. Idadaos ang halalan sa ika-27 ng Nobyembre. Mayroon 52 natonal sports association (NSAs) ang bumubuo sa POC.
Bukod kay Bambol T., hinihingi na madiskuwalipika ang apat na sports leader na nasa tiket ni Bambol T. dahil hindi umano sila kuwalipikado: Tom Carrasco ng triathlon, Cynthia Carrion ng gymnastics, Raul Canlas ng surfing at David Carter ng judo. Binanggit ng mga nagrereklamong sports leader na inamin ni Carrion sa isang nalathalang ulat na tumanggap siya ng sahod mula sa PHISGOC dahil siya umano ang naghanda ng opening ceremonies.
Pinangunahan ni Steve Hontiveros at Clint Aranas ang mga kandidato sa POC na humingi sa disqualification ni Bambol T. at apat na sports leader. Lumagda sa liham ang mga prominenteng sports leader: Joey Romasanta, Jeff Tamayo, Philip Ella Juico, Robert Bachmann, Monico Puentebella, Charlie Ho, Robert Mananquil, at Julian Malonzo. Nakatakdang dinggin bukas ang hiling na disqualification. Maaaring maging madugo ang pagdinig ng komite ni Kalaw. Si Aranas ang katunggali ni Bambol T. sa panguluhan ng POC.
Hindi ang mga tinanggap na suweldo mula sa PHISGOC umuugat ang alitan ang mga sports leader. Para sa mga iskirol na sports leader, si Bambol T. bilang pangulo ng POC ang hindi kumilos upang hingin sa grupo ni Cayetano ang audited financial statement tungkol sa ginastos sa 2019 SEAG. Inupuan ni Bambol T. ang hinihinging audited financial report bilang pagbibigay proteksyon sa kanyang kaibigan at kaalyado na si Alan Peter Cayetano.
Sa isang Tripartite Agreement na nilagdaan noong ika-26 ng Agosto, 2019, napagkasunduan na magsusumite ng audited financial report ang PHISGOC. Nilagdaan ang kasunduan nina Bambol T. bilang pangulo ng POC, Butch Ramirez, bilang chair ng Philippine Sports Commission (PSC), at Ramon “Tatz” Suzara na lumagda bilang chief operating officer mng PHISGOC. Hindi lumitaw sa incorporation paper ng Phisgoc ang pangalan ni Alan Peter Cayetano.
Nakatakdang isumite ng grupo ni Cayetano ang audited financial statement noong ika-9 ng Febrero, ngunit naantala ang pagsusumite dahil sa pandemya. Dahil hindi kumilos si Ramirez at Bambol T., hiningi ng mayorya ng POC Executive Board na isumite ang audited financial report sa bagong itinakdang deadline na ika-10 ng Oktubre, ngunit patuloy na nagwalang bahala ang pangkat ni Cayetano. May nalathalang ulat na isusumite ang financial report sa “susunod na ilang linggo,” bagaman hindi nila nilinaw kung kailan.
Isa rin si Butch Ramirez sa itinuturing na nagbigay umano ng proteksyon kay Cayetano. Ngunit isa itong bukod na kuwento. Alam sa sports community na hindi kumilos si Ramirez at pinaghihinalaan na kasapakat siya ni Cayetano. Ginamit ang PSC bilang taga-daloy ng pondo ng gobyerno sa 2019 SEAG. Umabot sa P1.4 bilyon ang naibigay ng PSC sa grupo ni Cayetano na namahala ng 2019 SEAG.
Matindi ang takot at pangamba ni Alan Peter Cayetano at mga kasapakat sa pagsusumite ng audited financial report dahil maaaring gamitin ito sa paghabla sa kanya ng salang pandarambong, o plunder, sa Office of the Ombudsman at hukuman. Lampas P17 bilyon ang sinasabing ginastos umano sa 2019 SEAG; napunta ang P11-B sa paggawa ng New Clark Stadium (ito ang binanggit sa privilege speech ni Risa Hontiveros); at lampas P6-B sa pagdaraos ng mga palaro sa ilalim ng SEAG.
Dahil sa ginamit ang salapi ng sambayan sa palaro, iniatas sa PHISGOC na magsumite ng audited financial report na umaayon sa auditing rules ng Commission on Audit.
***
MUKHANG isa lang ang kahihitnan ng kontrobersiya sa halalang pampanguluhan sa Estados Unidos. Si Joe Biden ang nanalo. Talo si Donald Trump. Dahil walang nangyari sa mga hablang isinampa ng pangkat ni Trump sa mga hukuman sa iba’t-ibang estado, si Joe Biden ang tatanghaling panalo. Manunumpa siya bilang ika-46 na pangulo ng Estados Unidos.
Dahil maingay si Donald Trump at hindi matanggap na natalo siya kay Biden, mabagal ang transition. Ayaw tumulong ni Trump sa transition. Ngunit dumarami ang mga pulitikong Republican na humihiling ng isang tahimik na transition. Sa ganang kanila, talunan si Trump. Pinakamaganda na tanggapin ang pagkatalo.
Hinihintay na mga Filipino ang panunumpa ni Joe Biden bilang pangulo sa ika-20 ng Enero, 2021. Naniniwala ang maraming Filipino na mas may komitment si Joe Biden sa usapin ng karapatang pantao. Inaasahan na bibigyan ng matinding pressure ang gobyerno ng tila nababaliw na pangulo upang palayain si Leila de Lima. Batay sa mga nakaraaang pagdinig, walang matibay na ebidensiya upang ipagkait ang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Natutkso tuloy kami na maniwala na umuugat sa usapin ng karapatang pantao ang hindi pagbibigay ng foreign aid ng maraming bansa sa pinsalang inabot ng Filipinas na nakalipas na paghagupit ng anim na bagyo sa buwan ng Oktubre at Nobyembre. Masyadong nalayo ang gobyerno ni Duterte sa international community.
***
QUOTE UNQUOTE: Sex joke is a coping mechanism of Dutz in times of disaster, Harry Roque quipped. It’s like saying that he ejaculates while watching the misery of his people. In this way, he manifests his heartfelt sympathy.” – Rodolfo Hilado Divinagracia, netizen