Advertisers

Advertisers

QCinema Filmfest aarangkada na sa unang hybrid edition

0 222

Advertisers

Ni ARCHIE LIAO

SA kauna-unahang pagkakataon, idaraos ang unang ‘hybrid’ na edisyon ng QCinema filmfest.

Gaganapin mula Nobyembre 27 hanggang Disyembre 5, ang mga tampok na pelikula ay mapapanood online via streaming at offline sa mga piling outdoor venues.



Ang black and white version ng  2019 Cannes filmfest Palme d’Or winner na Parasite na nagwagi ng 2020 Oscar best picture ang magsisilbing opening film sa Nobyembre 27.

Sa Nobyembre 28 naman ipalalabas sa limitadong manonood ang Identifying Features ni Fernande Valadez at Death of Nintendo ni Raya Martin.

Ang Identifying Features ay nagwagi ng audience choice at best screenplay award sa 2020 Sundance Film Festival samantalang ang coming of age film na Death of Nintendo ay nagkaroon ng world premiere sa Berlinale ngayong taon.

Bukod dito, nakatakda ring idaos ang  book launch ng Philippine Cinema nina Gaspar Vibal at Dennis Villegas na in-edit ni Teddy Co.

Ang online screening naman ay mapapanood sa pamamagitan ng UPSTREAM, ang bagong  online Transactional Video on Demand (TVOD) streaming platform.



Sa online festival, muling ipalalabas ang QCinema  best picture winners na Cleaners ni Glenn Barit; Oda sa Wala ni Dwein Baltazar; at Balangiga Howling Wilderness ni Khavn.

Tampok din sa espesyal na edisyong ito ang Urian big winner na Babae at Baril ni Rae Red.

Sa Asian Special Edition, unang mapapanood ang Genus, Pan na nanalo ng best director award para kay Lav Diaz sa  2020 Venice Film Festival.

Kasama rin dito ang horror film na Roh ni Emir Ezwan na pambato ng Malaysia sa  93rd Academy Awards.

Sa New Horizons section, tampok ang Peruvian film na Song Without A Name ni Melina León. Ang naturang pelikula ay ipinalabas sa Directors’ Fortnight section ng 2019 Cannes Film Festival at entry ng Peru sa  93rd Oscars.

Ang Rom ni Tran Thanh Huy, ang kauna-unahang Vietnamese film na nagwagi ng New Current Awards sa 24th Busan International Film Festival ay bahagi rin ng New Horizons section.

Sa RainbowQC section, tampok ang LGBTQ+ films na End of the Century at Suksuk.

Sa  Screen International section, mapapanood ang Brazilian movie na Divine Love ni Gabriel Mascaro, ang Japanese movie na True Mother ni Naomi Kawase at ang Polish film na Corpus Christi ni  Mateusz Pacewicz.

Tampok din sa QCinema’s Special Edition 2020 ang online talks at film forums tungkol sa bagong  filmscape at libreng pagpapalabas ng QCinema 2016, 2017, at 2019 shorts.