Advertisers
KUNG may “ipa-papatay” man si Pangulong Rody Duterte sa malawakang pagbaha ng putik sa kapatagan ng Rizal hanggang Marikina City ay walang iba kundi ang mga demonyong quarry operator.
Oo! Itong quarry operators ang pumapatay sa mga bundok sa Rizal province.
Dahil sa mga hukay at pagkakalbo sa kabundukan ng Rizal, nagdudulot ito ng pagragasa ng tubig kasama na ang putik pababa at nagiging malaking pagbaha sa mabababang bayan ng Rodriguez, San Mateo, Antipolo, Morong at Taytay, damay narin ang Marikina City na bagsakan ng tubig-baha mula sa Rizal.
Kita nyo nang humupa ang baha nitong Linggo?, makapal na putik hanggang tuhod naman ang pinapala ng mga residente.
Ang dapat tumanggal sa makapal na putik na ito ay ang quarry operators sa lalawigan ni Governor Rebecca “Nini” Ynares.
Sabi matagal na raw ipinatitigil ni Gov. Ynares ang quarrying sa kanyang probinsiya, pero hindi raw nito nagawa dahil sa binig-yan ng permiso ng Mines and Geosciences Bureau (MGB).Totoo ba ito, Director Wilfredo G. Moncano?
Sa pagkakaalam ko, hindi rin mangyayari ang quarrying sa isang probinsiya bayan kung ayaw ng governor at mayor. Yes! Kailangan parin ng permit ng provincial/municipal o local government unit (LGU) bago maisakatuparan ang malawakang pagbubungkal sa kabundukan lalo’t kung magdudulot ito ng ma-tinding panganib sa ibaba, sa kabayanang nakapaligid sa bundok. Mismo!
Kaya pag nagkaroon ng imbestigasyon ang Kongreso sa malawakang pagbaha sa Rizal hanggang Marikina, dapat kasamang imbestigahan ang mayor, governor, MGB officials at DENR officials na nakatalaga sa probinsiya na ipinangalan sa ating pambansang bayani, Dr. Jose Rizal.
At hindi lang ito dapat matapos sa imbestigasyon, dapat may managot at may makulong, Mr. President! Dapat!!!
***
Hindi lang baha ng putik ang dulot na panganib ng quarrying sa kabundukan ng Rizal.
Napakarami naring commuters at motorista ang nasawi sa aksidente ng sagasa ng truck na loaded ng lupa/bato galing sa quarry sites pababa sa mga bayan ng Rodriguez, San Mateo, Taytay, Morong at Antipolo.
Ang sanhi ng aksidente ay nawalan ng preno ang truck, hindi kinaya ng preno dahil sa napakabigat na karga nito.
Sa likod ng mga trahedyang ito, kapag nagpatuloy pa ang ma-tinding quarrying sa kabundukan ng Rizal, darating ang panahon na guguho ang bundok o matatabunan na ng putik ang kapatagan ng lalawigan, pramis!
At walang dapat sisihin dito kundi ang mga namumuno sa lalawigan, mga bayan sa Rizal at mga tiwali sa DENR. Mismo!
***
Ang utos ngayon ni Pangulong Rody Duterte kay DENR Sec. Ruy Cimatu ay imbestigahan, habulin, ipakulong, ang mga opisyal na responsable sa illegal mining, quarry at logging na dahilan ng malawakang pagbaha sa Rizal province, Marikina City, at sa Region 2 (Cagayan Valley, Isabela at Nueva Vizcaya).
Pag sineryoso ni si Sec. Cimatu ala-exDENR OIC late Gina Lopez ang “tall order” na ito ni Pangulong Duterte tiyak na marami ang mabubulok sa bilangguan at malamang iendorso siya ng mamamayan na kumasa nang presidente sa 2022. Mismo!
Yes, Sec! Kung ikaw ay may pangarap maging ama ng ating bansa, ito na ang pinakamagandang pagkakataon para patunayan mo ang iyong pagka-dating military General. At sigurado na susuportahan ka ng taong bayan.
Remember Gina Lopez, kung hindi lang namayapa ang ale, sa nangyaring ito sa Rizal province, Marikina City, at Region 2, malamang na bubuhatin siya ng taumbayan para gawing ina ng bansang puno na ng katiwalian. Mismo!