Advertisers
Ni GERRY OCAMPO
KUMILOS agad ang ilang artista para tulungan ang mga kababayan nating nasalanta ng bagyong Ulysses.
Una na si Willie Revillame na nagbenta ng kanyang sasakyan para pantulong sa mga nasalanta sa Marikina at Rodriguez, Rizal.
Si KC Concepcion naman ay nagbenta ng kanyang mga necklace and ring na siya mismo ang nag-design.
Kung si Willie ay sasakyan at alahas naman si KC, si Heart Evangelista naman ay isinubasta ang kanyang mamahaling damit.
Ipinost ni Heart ang kanyang Filipiniana dress sa IG na gawa ng isang sikat na designer. Kaagad namang nabili ang nasabing damit kaya inaabangan ngayon ng mga netizen ang iba pang designer pieces na isusubasta ng actress.
Ginamit naman ni Alden Richards ang kanyang AR Streaming para makalikom ng pera na gagamiting pantulong sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses.
Umabot na sa ngayon sa USD 4, 624 na sa pera natin ay katumbas ng P222, 559 na donasyong ibinigay sa kanya.
“Maraming salamat sa lahat ng nag-donate. Patuloy po tayong tumulong sa abot ng ating makakaya para sa nasalanta ng bagyo. God bless and keep safe,” tweet ni Alden kalakip ng screenshot ng total amount ng donasyon.
Ang couple naman na sina Rocco Nacino at volleyball player na si Melissa Gohing ay namahagi ng relief goods at damit sa Rodriguez at Montalban, Rizal.