Advertisers
Mistulang kakaning minindal ang estilo ni Totoy Kulambo sa mga lumipas na linggo habang hinahataw ng magkasunod na bagyo ang bansa – lulubog-lilitaw na parang palitaw. Hanap-hanap ito ng mga kababayan na babad sa putik at tubig mula sa bundok na kinalbo ng iilang sakim upang pagkakitaan.
Talaga namang kalunos-lunos ang kalagayan ng mga ito dahil sa ilang araw na pagkakababad. Ang masakit nito, ayaw ipaistorbo ni Haring Syoke ang among mahimbing ang pagkakahimlay sa ilalim ng kanyang magic kulambo. O’ talagang nasarapan ang tulog nito dahil sa mga gamot na iniinom upang magkalakas para sa kinabukasan.
Hindi natin maaalis kay Mang Juan Pasan Krus na hanapin ito dahil ito ang may hawak ng timon na sasagip sa kanilang buhay at kabuhayan. Nasaan ka na TK?
Sa paglipas ng ilang araw, sa muling pagsikat ni haring araw, muling nasilayan si Totoy Kulambo na animo’y nababagabag ang kalagayan. Lumabas man at nagpakita sa publiko, hindi naman pinayagan ng mga sundalo at PSG na magtampisaw ito sa tubig ulan at baka mabigla’t may mangyari dito. Ito marahil ang dahilan kung bakit parang hindi maipinta ang mukha ni TK habang sinasabi ang kagustuhan nitong lumangoy.
Ang pag-aalala’y hindi dahil sa kaganapan na dinadanas ni Mang Juan, kundi iyong hindi pagpayag ng mga sundalo at PSG sa nais nito kaya nagmaktol. Kaya ang payo kay Mang Juan, iwasan nang hanapin si TK dahil hindi na kaya ng katawan ang masidhing pagkilos, hayaan mong nang mag-isip ng kahit paano at dasalin na mapunta sa tamang wisyo at ibigay na kay Bise ang puwesto.
Dahil kitang-kita sa kanyang katayuan na talagang nanghihina at wala ng kakayahan pamunuan ang bansa. Kaya ang pagpasa ng timon ng liderato ng bansa ang tamang hakbang para sa pagsagip sa bayan. Ang kanyang dinaramdam marahil ang dahilan ng kanyang lulubog-lilitaw na pamamalakad sa bayan.
Sa pagdaan ng bagyo, nakakalungkot makita ang iniwang pinsala sa buhay, ari-arian, at kabuhayan ng ating mga kababayan. Subalit parang mas mahirap na tanggapin na sa laki ng pinsala kay Mang Juan, parang bulag at bingi ang ating mga kalapit bansa na tila umay na sa tulong na ibinibigay sa atin.
Hindi pa ito nangyari sa mahabang panahon na walang ayuda ang mga lider ng iba’t-ibang bansa lalo’t kasapi ang Pilipinas sa mga malalaking grupo ng mga bansa sa mundo. Ito ba’y epekto ng pandemya kaya’t walang bansa ang ibig sumagip sa ating kalunos-lunos na kalagayan. O’ may mali sa pakikitungo ng ating mga lider sa international community at hinahayaan na lang tayo na lutasin ang mga problema na hinaharap ng bansa.
Hindi mapigilan si Mang Juan na magtanong kung nakahingi ito ng tulong sa bossing nito na si Xi na walang tugon. O’ sadyang pinabayaan na ito dahil baka mapansin ang epekto ng pagkakalbo ng mga kagubatan na gawa ng kanyang gobyerno.
Kitang-kita ang hirap sa pagpapa-abot ng tulong kay Mang Juan na nasalanta ng kalamidad. Alam natin na hindi sapat ang mga donasyon at relief goods na dala ng mga mabubuting loob, dagdag pa sa problema ang pagdadala nito sa mismong mga biktima ng kalamidad.
Isama mo pa ang kawalan ng mahuhusay na kawani na sumisilip sa likas na kaganapan ang nagpalala ng kalagayan ng mga nasalanta ng kalamidad.
Ilarawan natin ang ilang mga kaganapan na nagpapahirap sa mga taong nagdadala ng tulong sa ating mga kababayan.
Una, hindi nakatawid ang mga tauhan at opisyal sa lugar na dapat ayudahan dahil sa taas ng tubig. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi nakalabas ang mga tao sa kani-kanilang mga bahay at naiwang stranded sa ibabaw ng kani-kanilang mga bubungan.
Pangalawa, limitado ang komunikasyon dahil wala ng charge ang mga cellphone ng mga tao o’ kaya’t hindi rin makapag-charge ng cellphone dahil patay ang kuryente sa kanilang lugar.
Pangatlo, hindi makababa ang mga nasalanta dahil sa malakas na agos ng tubig at sa takot sa mga sakit na nakaamba dulot ng baha. Ilan lang ito sa mga imaheng makikita sa lugar na tinamaan ng delubyo.
Ang nakakalungkot, hindi kagat ng anumang international community ang paglalarawang ito sa mga apektadong Filipino dahil walang balita nababanggit hingil sa mga galaw nito upang ayudahan ang bansa sa delubyong sinapit. Ano ba ang nangyari at tila binabalewala na tayo?
Sino ang dapat sisingilin sa kaganapang ito na tila pag-etsapwera sa atin ng mga puno ng bansa? Parang may hindi tama sa kaganapan, dahil ba ito sa ilang hindi pagsipot ni Totoy Kulambo sa mga mahahalagang pagtitipon ng mga punong bansa?
O’ ang mga masasakit nitong pahayag sa ilang pinuno ng ibang bansa? O’ isa rin itong pahayag dahil sa mga paglabag nito sa mga karapatan pantao?
Sa pagsusuri sa kilos ni Totoy Kulambo parang nais na talaga nitong magpahinga, at ang mga retorika nito ay nagbubunga na ng mga negatibong imahe sa loob at labas ng bansa. Sa ganitong sitwasyon mas mainam na isantabi na ang mga pansariling ambisyon at hayaan ng magpahinga si Totoy Kulambo.
Kung dapat gamutin, sige gawin ng hindi mapasama ang bansa sa kanyang dinaramdam. Hindi karuwagan ang pag-amin, at kung tunay na mahal ninyo si Totoy Kulambo, pagbigyan na ito nang tumigil na ang paglubog nito at hindi na napipilitan sa paglitaw.
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malampasan ang pagsubok na ating kinakaharap sa kasalukuyan, gayundin ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.
***
dantz_zamora@yahoo.com