Advertisers
Ito ang matinding hinanakit na halos ipagsigawan ng nawalan ng mga tahanan higit ang mga namatayan ng mga kapamilya sa biglaang pag-apaw ng tubig na may halong putik na idinulot ng bagyong ULYSSES nitong nagdaang linggo.
Ang matinding tubig-baha ay dinaig pa ang naging pagbaha sa bagyong ONDOY noong taong 2009 na mas maraming mga kabahayan partikular ang RELOCATION AREA sa MONTALBAN pababa sa SAN MATEO, RIZAL ang tuluyang nagpalubog sa maraming lugar sa Marikina City, mga katabing bayan at siyudad.
Ang bahang-tubig ay pangunahing nagmula sa WAWA DAM ng BRGY. SAN RAFAEL, MONTALBAN…, na bukod sa kalbo dahil halos wala nang mga puno ay sandamakmak pa ang mga QUARRY AREA at marami ring mga butas-butas na likha ng mga TREASURE HUNTING.., kaya, pag-apaw ng tubig ay kasama nang rumagasa sa agos ang mga nagsiguhong lupa.
Matinding pininsala ng rumagasang baha pababa mula sa mga kabundukan ay ang mga RELOCATION AREA ng mga mahihirap na pami-pamilya mula sa mga dinemolis sa lugar ng SAN JUAN CITY, QUEZON CITY at iba pang lugar.., na pawang mga pinangakuang mas gaganda ang kanilang kabuhayan dahil magkakaroon na sila ng sariling mga bahay. Marami sa mga ito ay nalubog din noong bagyong ONDOY at nitong ULYSSES naman ay tuluyang nagiba na ang pamamahay ng mga nakararaming RELOCATIES na nabigo na naman sa inaasam na dapat ay magandang pamumuhay na ang kanilang kinalulugaran.
Bunsod nito ay marami sa mga naninirahan sa lugar ang nagngangalit sa kanilang kalooban dahil isinisisi sa mga QUARRY OPERATIONS ang masaklap nilang kinasapitan na halos buong kabuhayan nila ay natangay sa pagragasa ng tubig-baha.
Maging si MARIKINA CITY MAYOR MARCELINO “MARCY” TEODORO ay naghayag na ang pinsalang idinulot ng tubig-baha ay dahil sa walang habas na QUARRY OPERATIONS sa MONTALBAN, ANTIPOLO, SAN MATEO at iba pang bayan na aniya ay naipahinto ng DEPARTMENT OF ENVIRONMENT AND NATURAL RESOURCES (DENR) subalit muli na namang nakapagpatuloy ang operasyon ng mga TIBAGAN sa mga kabundukan ng RIZAL PROVINCE.
Maraming mga residente ang nagpupunto na ang mga pinsalang sinapit mula sa bagyong-baha ay kailangan umanong papanagutin ang lahat ng mga QUARRY OPERATORS at maging ang mga opisyales ng mga GOVERNMENT AGENCIES na responsable dapat sa pagprotekta ng kalikasan.
Gayunman, ipinunto naman ni dating SENATOR BONGBONG MARCOS na ang idinulot ng mga nakaraang delubyo dagdag na ang iba pang lugar tulad sa pagkalubog ng CAGAYAN, TUGUEGARAO at iba pang mga probinsiya ay kinakailangan aniyang ianalisa at mapag-aralan kung paano mareresolba at makaagapay sa CLIMATE CHANGE.
Ang punto ni SEN. BONGBONG ay naihayag nito kahapon sa isinagawang BROADCASTER’s FORUM ONLINE VIA ZOOM na ang mediator ay ang batikang brodkaster at dating NATIONAL PRESS CLUB PRESIDENT ROLANDO “LAKAY” GONZALO; kung saan ay dapat umanong mapag-aralan ang lahat ng aspeto upang masolusyunan dahil sadyang nagbabago na ang sitwasyon ng panahon sa ating mundo.
***
KONSEHALA MASAMA ANG LOOB
KAY SAN JUAN MAYOR ZAMORA!
Gustuhin mang makapag-ambag ng asiste sa mga nasalanta nitong nagdaang bagyong ULYSSES ay hindi lubusang naisagawa ni SAN JUAN CITY COUNCILOR JANA EJERCITO at sa halip ay naghinampo ito kay SAN JUAN CITY MAYOR FRANCIS ZAMORA dahil ito umano ang naging hadlang sa nais ng una na matulungan ang ilan nilang mga constituent.
Sa facebook account na ipinost ni COUN. JANA EJERCITO ay humihingi ito ng paumanhin sa mga taga-BATIS na nasalanta ng bagyong ULYSSES dahil hindi nito maipahatid ang kaniyang tulong.
Aniya, humiling siya sa pamunuan ng kanilang lungsod para mabigyan siya ng listahan ng mga evacuees gaya ng nakagawian na umano nila sa mga nakaraang administrasyon. Subalit, hindi umano siya binigyan ng listahan ng evacuees at sa halip ay kailangan daw dumaan sa MAYOR’s OFFICE na hindi rin daw pinagbigyan ang kaniyang request.
“NAKAKALUNGKOT na sa tagal ng aking panunungkulan ngayon lang ako nakaranas ng pagpigil sa pagtulong lalo na sa napakahirap ng panahon natin ngayon. SANA AY MAGING BUKAS ANG ISIP ng pamumunan ng ating bayan na hayaan ang pagtulong sa ating mga kababayang San Juaneño at huwag ipagkait ang kalayaang ito sa dahilang sila na lamang ang mabuting magpaliwanag. Samantalang sa ibang lungsod or municipality kapag ganitong may kalamidad ay bukas ang pagbigay ng listahan mapa sa public officials or private groups or individuals. Basta makakatulong sa kapwa,” bahagi ng fb post ni COUN. JANA E.
PAGING MAYOR F. ZAMORA.., mas maganda kung lahat kayong mga CITY OFFICIALS ay nagkakatulungan sa pagbibigay asiste sa inyong mga constituent sa mga panahon ng kalamidad…, na isantabi muna ang partido politika para sa pagtulong sa inyong mga kalungsod.., pero siyempre, ang ARYA ay hindi po alam kung ano ang mga kadahilanan sa naging pagtanggi sa naging request sa inyong tanggapan ni COUN. JANA E…, kaya, ang ARYA ay bukas po ang espasyo sa inyong panig. Eto e kung hindi po kayo magtatampo sa pagkakakolum nito!
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext sa 09085841303 para sa inyo pong mga panig.