Advertisers
LUMALABAS tuwing Lunes sa TV si Rodrigo Duterte. Ito ang araw na nakikipagtalastasan siya sa madla. Ngunit noong Martes ng gabi, o halos maghatinggabi ng Miyerkoles, binulaga ng sumpunging matanda ang bansa. Lumabas siya ng walang kaabog-abog sa TV at inupakan sa unang 20 minuto si Bise Presidente Leni Robredo.
Maraming sinabi si Duterte. Nagpuputak ng walang ipinakikitang ebidensiya. Magkakahalong kasinungalingan, tsismis, at pagbabanta ang mga pabara-barang salita na bitiwan ng sakiting lider. Saglit na nagkaisa ang libo-libong netizen sa social media at ginantihan si Duterte. Pawang maaanghang na salita ang ibinato ng mga netizen. Walang magawa ang troll army ni Duterte. Hindi nila nasalag ang sariling hukbo ng tagahanga ni VP Leni.
Hindi kinailangan humingi ng tulong ng Bise Presidente sa madla. Ang publiko ang nagsilbing kanyang tagapagtanggol. Sila ang sumalag sa mga walang batayan na akusasyon ng tila may topak na lider. Kung baga sa damit, sila ang nag-almirol at pumalantsa kay Duterte. Hindi sila bayad at lalong hindi bayaran. Hindi kailangan ni VP Leni ang magmayad sa mga tagasalag.
Ipinagpuputok ng butse ni Duterte ang pagkalat ng hashtag “Nasaan ang Pangulo.” Sobrang umugong ang balita na hindi matagpuan si Duterte sa panahon ng krisis, habang nanalasa ang mga bagyo sa Kabikulan, Katagalugan, at maging sa itaas – sa Cagayan Valley. Umugong ang balita na natutulog lamang si Duterte.
Totoong hindi nahagilap ang bugnuting lider sa panahon ng krisis. Hindi siya lumabas sa madla. Ngunit habang nawawala siya, buong bangis na ginawa ng Pangalawang Pangulo ang trabaho na dapat gawain ni Duterte at mga kapanalig. Siya ang pumunta sa mga biktima ng bagyo. Siya ang nagpalakas ng loob sa mga nasalanta. Sa kanya humugot ang mga nasalanta ng lakas ng loob.
Tinulungan ni VP Leni ang biktima ng bagyo ng relief goods na hindi naibigay ng bangkaroteng gobyerno. ???????? ng OVP ang mga donasyon ng mga kaibigan at pribadong sektor na pawang walang tiwala sa gobyerno ni Duterte. Hindi kalakihan, ngunit pantawid-gutom sa maraming pamilya na walang pagkain at tubig, malinis na damit, at mahihigaan.
Sa kanyang paliwanag, sinabi ni Bise Presidente Leni Robredo na hindi sa kanya nanggaling ang hashtag Nasaan ang Pangulo. Galing iyon sa libo-libong netizen sa social media na naghahanap kay Duterte. Sa maikli, ipinahiwatig niya na hindi niya kailangan pulaan si Duterte upang iangat ang sarili. Si Duterte ang sumira sa sarili sapagkat hindi siya nakita o nahagilap sa panahon na kailangan siya ng mga nasalantang mamamayan.
Kasama sa ipinagpuputok ng butse ng sumpunging matanda ang tsismis na ginamit umano ni VP Leni ang eroplano ng AFP sa kanyang pagbisita sa Bicolandia. Ayon kay Delfin Lorenzana, nasabi niya ang kanyang hinuha kay Sal Panelo at ipinasa naman niya ang impormasyon sa bugnuting lider. Inamin ni Lorenzana na hindi niya natsek ang info na ibinigay niya kay Panelo na kahit hindi abogado ay sanay magbigay ng pek nyus sa madla.
Mistulang bulkan na sumabog si Duterte nang marinig ang tsismis kay Panelo. Akala tuloy ng mga mamamayan, siya ang may-ari ng C-130 na pumunta sa Bicolandia. Masahol pa si Duterte sa huramentado na nagpuputak sa ere sa isang balita na walang batayan. Sobrang unpresidential, ani Epileps Arevalo, isang netizen na abogado
Sa totoo, nakuryente si Duterte. Inamin ni Lorenzana ang kanyang pagkakamali at humingi ng paumanhin sa Bise Presidente. Humingi rin ng paumanhin si Panelo na sumikat sa kanyang pabali-baligtad na lohika sa pangangatwiran. Tanging si Duterte ang hindi pa humihingi ng paumanhin. Tulad ng nakagawian, nawala sa eksena ang sakiting matanda.
Kakatwa ang sitwasyon ng gobyerno. Ayon kay Peter Tabingo, mamamahayag, puno ng mga matatandang tsismoso ang gobyerno ni Duterte. Hindi sila marunong magtanong upang beripikahin ang mga info na kanilang natatanggap. Tira lang ng tira.
Samantala, ipinaliwanag ng tagapagsalita ng AFP na hindi bawal para sa Bise Presidente na gamitin ang mga sasakyan ng AFP. Hindi labag sa batas o alituntunin ng AFP ang gamitin ng Pangalawang Pangulo ang mga sasakyan ng AFP. Ang kailangan lamang ay abiso upang maihanda ang mga sasakyan, ayon kay Maj. Gen. Edgard Arevalo.
Hindi pa tapos ito. Ipinaliwanag ng Pangalawang Pangulo Leni Robredo na hindi siya nagbibigay ng anumang order sa mga sundalo at pulis. Nakipagkoordinasyon lamang siya sa AFP at PNP sapagkat sa kanyang tanggapan bumabagsak ang mga info tungkol sa kalagayan ng mga taong nasalanta ng mga bagyo. Sa ganang amin, hindi namin batid kung bakit sa kanya nag-uulat ang mga tao at hindi sa mga ahensiya ng gobyerno.
Sa ganang kanya, hindi niya matatalikuran ang mga nasalanta sapagkat kailangan maisalba ang buhay ng mga apektadong mamamayan. Ginagawa niya ang dapat sa panahon ng krisis, aniya. Sa ganang amin, napapansin na hindi matahimik si Duterte sapagkat nasasapawan siya ng isang matino, disente, at masipag na babae.
Hindi rin matahimik si Duterte sapagkat napansin na mahusay ang relasyon ng Bise Presidente sa AFP at sampu ng mga sundalo. Iginagalang si VP Leni ng mga opisyales ng Hukbong Sandatahan. Totoong tinutulungan siya ng mga sundalo. Dito tumingkad ang kawalang kakayahan at kabobohan ni Duterte.
Samantala, tinawanan si Duterte ng sambayanan sa kanyang pamemersonal sa Pangalawang Pangulo. Nang kinuwestiyon niya si VP Leni kung saan siya pumupunta gabi-gabi, ipinakita ng OVP ang isang video kung saan kasama niya na nagbabalot ang mga tauhan at volunteer ng mga relief goods na ipamamahagi sa mga nasalanta.
***
PALAISIPAN kung bakit pumalpak ang national government sa pagtugon sa pananalasa ng anim na bagyo sa buwan ng Oktubre at Nobyembre. Ayon kay Joe America, isang banyagang netizen na may asawang Filipina, kapansin-pansin ang kawalan ng isang disaster command center. Trabaho ito ng National Disaster Risk and Reduction Management Council (NDRRMC), ngunit pawang natulog sa pansitan ang mga opisyales.
Masama ang maling tantiya sa galaw ng mga bagyo, ang dam management kung saan nagpakawala ng tubig ang Magat Dam na dahilan ng pagbaha sa Cagayan at Isabela, at ang pagsasara ng ABS-CBN na dating nagbibigay ng mga balita sa sambayanan. Hindi nauunawaan ng mga tauhan ni Duterte ang mga aral ng mga nakaraang bagyo. Binale-wala ang mga paghahanda ng administrasyon ni PNoy sa pasnanalasa ng mga bagyo
***
MULAK sa ikatlong pagkakataon ang grupong BecauseWeCan (Let’s Help) katuwang ang Chooseday Club sa kasulok-sulokan ng Rodriguez, Rizal upang magsagawa ng feeding program at maghatid ng ayuda sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses. Ang grupo ay kinabibilangan ng mga magkakaibigan sa media na mga betereno sa relief ops at pinangungnahan ng mag-asawang Eric at Cheloy Garafil na may pambihirang talento upang makalikom ng pondo.
Bumibili sila sa Divisoria ng Teddy Bear sa halagang P20 bawat isa at ibinibenta nila sa kanilang malalapit na kaibigan at kamag-anak na nais tumulong sa mga nasalanta sa halangang P100 o P1000 o kahit na P2000. Sa ganoong paraan ay naabot ng grupo ang ang mga lugar katulad ng Tacloban, Tuguegarao at Nueva Ecija na nakaranas ng sobrang hirap sa mga nagdaang sakuna. Ipinagmamalaki namin ang pagiging myembro ng grupo.
MGA PILING SALITA: “So should we reconsider the practice of live tweeting the president’s speeches (or any official for that matter) if we cannot fact-check his statements on the spot? It has become industry practice, but we might have to re-imagine our coverage in the age of mis/disinformation.” – Atom Araullo
“The truth was the Madman became nervous after he saw VP Leni was doing well with the military. Natakot makudeta.” – PL, netizen
“The role of the VP is to be a spare tire. Luckily, we have a VP since it is obvious we have a damaged tire.” – Jim Paredes
***
Email:bootsfra@yahoo.com