Advertisers
HUMIGIT-KUMULANG, mayroong sandaang kumpanyang nagmimina sa Montalban at San Mateo Rizal.
Ayon sa istorya ni Fernan Angeles sa Metro Sun, online news platform, na may titulong “No more mining please, Ynares asks Duterte, DENR – Metro Sun”.
Nakasulat din sa istorya na sampu lang ang mayroong permit mula sa 100 mining companies na ang lumalapa sa kabundukan ng Montalban at San Mateo, batay sa rekord ng pamahalaang panlalawigan.
Pokaragat na ‘yan!
Ibig sabihin, iligal ang operasyon ng 90 kumpanya!
Matindi!
Naniniwala ako sa impormasyon ni Fernan dahil beteranong mamamahayag ang taong ito na nakabase sa Rizal.
Ang sinapit ng ilang barangay sa Montalban at San Mateo nitong bagyong “Ulysses” ay pinakabagong katibayan na ang pagmimina ay isa sa mga dahilan ng napakasamang resulta ng bagyo sa dalawang bayan sa Rizal.
Syempre, mayroon nang mga ebidensiya sa mga nakalipas na panahon.
Ngunit, idiniin at pinatunayan ni Ulysses na lalong sumama ang resulta ng pagmimina sa Montalban at San Mateo.
Ang totoo, talamak din ang quarrying sa dalawang bayan.
Ang alkalde ng Montalban ngayon ay si Mayor Dennis Hernandez, anak siya ni dating Alkalde Cecilio “Elyong” Hernandez.
Si Mayor Christia Diaz naman ang punong bayan ng San Mateo, samantalang ang bise-alkalde niya ay ang kanyang asawa na pinalitan n’ya sa posisyon na si Jose Rafael Diaz.
Huwag kayong magtaka dahil maraming ganyan sa Rizal at iba pang lalawigan sa ating bansa na nagpapalitan lang ang mag-asawa, mag-ama, mag-ina, o magkakamag-anak.
Tama ba classmate Jun-jun Ynares?
Ang asawa ni Jun-jun na si Andrea “Andeng” Bautista – Ynares ang pumalit sa kanya sa pagiging alkalde ng Lungsod ng Antipolo.
Nanay ni Jun -jun si Gobernadora Rebecca “Nini” Ynares na matagal nang punong lalawigan ng Rizal.
Maliban kina Jun-jun at Nini, may kamag-anak pa silang alkalde ng ibang bayan ng Rizal.
Ibig sabihin, makapangyarihan ang pamilya Ynares sa Rizal.
Tapos, kamag-anak na rin ni Jun-jun ang pamilya Revilla ng Cavite dahil asawa niya si Andeng.
Ngunit, nakapagtatakang hindi kaya ni Gobernadora Ynares na patigilin ang mga iligal na pagmimina at iligal na pagkukuwariying.
Mayroon bang ‘sindikato’ na nagbibigay nagtatanggol at nagbibigay ng proteksyon sa mga iligal na negosyo at gawain sa Montalban at San Mateo?
May nakapagsabi sa akin na mayroong sindikato sa Montalban at San Mateo na hindi kayang harapin at patigilin ni Gobernadora Ynares ang masamang gawain nila.
Hindi rin daw kayang banggain ng Department of Environment at Natural Resources (DENR) sa Rizal ang nasabing sindikato.
Hindi lang binanggit ng taong nakapagsabi tungkol sa sindikato kung alam ito nina Mayor Hernandez at Mayor Diaz.
Kung masyadong nakakatakot ang sindikato, dapat si Pangulong Rodrigo Duterte na ang kumilos.
Ipatawag ni Duterte sina Gobernadora Ynares, Mayor Hernandez, Mayor Diaz at Vice – Mayor Diaz sa press briefing upang harapan at hayagang komprontahin ng pangulo ang mga opisyal na ito tungkol sa sindikatong nagtatanggol at nagpoprotekta sa mga kumpanyang iligal ang kuwariying at iligal ang pagmimina.
Pagkatapos, sana magising naman ang lahat ng mga naninirahan at botante sa Montalban, San Mateo at ng buong Rizal upang sa susunod na halalan ay pumili na ng ibang mamumuno sa dalawang bayan at sa buong lalawigan ng Rizal.