Advertisers
Sa panahon ng makabagong teknolohiya, pihadong dadami ang mangangailangan ng magkukumpuni ng kani-kanilang computer at maging ng mga cellular phones.
Ito ang nakikita ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na mangyayari sa mga susunod na mga araw, buwan at taon dahil ang bansa ay nakahanda na rin akapin ang pagbabagong dala-dala ng “digital technologies” kahit na tayo ay nasa gitna pa ng pandemiya ng COVID-19.
Kaya naman binibigyan ko rin ng pagkakataon sa pitak na ito ang paanyaya ng TESDA para sa ating mga kababayan na hindi na makapag-aral dahil sa kahirapan o kawalan ng paraan upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.
Yun bang mga kababayan natin lalo na yun mga high school graduates na di na makapag-kolehiyo, na pag-isipang sumali sa mga pagsasanay na inilalaan o inaalay ng TESDA.
Ang mga “training” na ito ay libre. Pagsasanay upang maging computer system servicing technicians o cellphone servicing technicians.
Pihado ako na kapag nakapag-tapos kayo sa TESDA training na ito, hindi kayo mauubusan ng mga computer, laptop, tablet o cellphone na kukumpunihin o aayusin.
Pwede pa ngang mangyari na kayo ay makapagbukas ng sarili niyong repair shop sa inyong mga tirahan, at yung mga mas masipag o madiskarte ay maibalita sa social media na sila ay nag-ooffer ng home service.
Pasok din dito ang mga kababayan nating umuwing OFW na kayang-kayang maglaan ng maliit na espasyo sa kanilang mga bahay bilang repair shop. O kaya naman, kung may plano pa silang bumiyaheng muli, ay pagtrainingin ang mga kasamahan nila sa bahay na walang hanapbuhay nang sa gayon ay maging ‘full-time o part-time’ na computer o cellphone repairman o technician, mapa-lalaki man o babae.
Hindi naman rin kasi ito nangangailangan ng malaking puhunan para makapag-simula. Kung ikaw ay isa nang TESDA-trained computer/cellphone technician, ilan mga maliliit na gamit lamang at lamesa ay sapat na para makapag-trabaho. Ang mga piyesa o spare parts namang kakailanganin sa pagre-repair ay ino-order lamang kapag kailangan nang palitan, o kaya naman ay ipabili na sa mismong nagpapa-repair na customer na pwede mo rin turuan kung saan makakabili.
Sa panahong ito, mapa-pribado o publikong sektor ay kailangang gumamit ng teknolohiyang digital dahil nga sa pandemiya kung saan karamihan sa atin ay napilitang mag-work from home gamit ang ating mga computers, laptop at maging cellular phone sa pakikipagtransaksiyon.
Eh di ba nga pati ang sektor ng edukasyon ay kinailangan gumamit ng mga ‘high-tech’ na gadget para maipagpatuloy ang pagtuturo at pag-aaral. Dito lamang, mismong ang Department of Education (DepEd) ay pihadong mangangailangan ng maraming computer technicians upang imentena ang napakaraming computer at ibang gadget na ginagamit sa edukasyon.
Ang mga oportunidad na mga yan ang dapat natin ikonsidera upang samantalahin ang programang inaalok ng libre ng TESDA.