Advertisers
TAMA si dating Speaker Alan Peter Cayetano sa kanyang tinuran na mas mabilis makakabangon ang mga nasalanta ng bagyo kung lahat ay magbabayanihan – kasama ang mga nasa rural, siyudad, mahirap man o mayaman, mula Luzon Visayas, Mindanao, malalaking korporasyon o maliliit man na sari-sari store.
Tama! Lahat ng Pilipino ay maaring makatulong at maging “bayani” sa panahon ng kalamidad. Hindi natin kailangan magkaroon ng mataas na posisyon sa gobyerno. Kahit mga kabataan, magulang, guro, o miyembro ng simbahan ay maaring mag-organisa para magbigay ng tulong maliit or malaki man ito.
Halos isang buwan pagkatapos na bumaba sa pwesto si Ca-yetano bilang Speaker ng Kamara, nakita nating puspusan ang pagtulong ng Kinatawan ng Taguig-Pateros sa mga nasalanta ng bagyo. Pagkatapos ng bagyong Rolly, bumisita sila ng kanyang maybahay na si Rep. Lani Cayetano sa Tiwi at Daraga, Albay, at Buhi, Camarines Sur para mamahagi ng ayuda sa tricycle drivers, tourist guides at nagtitindang nawalan ng trabaho, at daan daang pamilya na binayo ni Rolly.
Pagkatapos naman ng pananalasa ng bagyong Ulysses, pumunta ang grupo ni Cayetano sa Rodriguez at Cainta, Rizal, at Marilao, Bocaue, Hagonoy, Paombong, Bulacan. Sa loob lamang ng dalawang linggo, halos 5,000 pamilya at 6,000 indibidwal mula sa iba’t ibang sektor na sinalanta ng nakaraang mga bagyo ang natulungan ni Cayetano. Personal niyang binisita at kinausap ang mga biktima ng kalamidad at inabot ang mga donasyong nakalap.
***
Mayroong binuo ang Malacanang na inter-agency task force na tinawag ng “Build Back Better Task Force” para tutukan ang programa ng gobyerno para sa rehabilitation at recovery ng mga nasalanta ng bagyo sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Suportado ni Cayetano ang pagtatag ng ganitong task force dahil naniniwala siyang hindi dapat natatapos sa pagbibigay ng relief goods lamang ang pagtulong sa mga biktima ng kalamidad. Noong 2013, isa siya sa unang nag-file ng bill para itatag ang ‘Emergency Response Department’ na tututok sa disaster preparedness, relief operation, humanitarian assistance hanggang sa community rehabilitation.
Hindi na bago kay Cayetano ang pag-oorganisa ng malawakang pagtulong sa mga biktima ng kalamidad. Ginagawa rin niya ito noong Senador siya. Habang siya ang nakaupong Speaker, noong kasagsagan ng Covid-19 at lockdown noong Mayo, hinimok ni Cayetano ang kanyang mga kasamahang kongresista para magbigay ng kanilang mga sweldo para tumulong sa mga lugar at mga sektor na lubos na naapektuhan ng COVID-19.
Matatandaang nagdaos din ng sesyon ang Kongreso sa Batangas kungsaan ang mga kongresista, sa pamumuno ni Cayetano, ay harapang nakinig sa mga problema ng mga biktima ng pagputok ng Bulkang Taal noong Enero. Nakatulong din ito para mas mapabilis ang pagpasa ng panukalang naglalayong magtatag ng isang departamento na tututok sa pagtugon sa kalamidad na tatawaging ‘Deparment of Disaster Resilience’ na isinusulong ni Pangulong Rody Duterte.
Kahit hindi na siya Speaker ay hindi parin tumigil si Cayetano sa pagtulong sa mga naging biktima ng kalamidad. Bukod sa relief goods na ipinamahagi, nagpahayag din niya ng mensahe ng pag-asa at kahalagahan ng pagdadasal para maging matatag ang mga biktima sa mga pagsubok.
Direktang nakinig si Cayetano sa mga pamilyang nasalanta ng bagyo at sa mga punong bayan upang mas malaman niya kung paano sila matutulungan. Bilang isang mambabatas, mas epektibo ang ganitong paraan para marinig ang tunay na hinaing ng mga biktima at lokal na opisyal para makabuo na pangmatagalang solusyon sa mga problema ng bayan. Sa maayos na pag-uusap, mas madaming ideya ang lumalabas para malaman ang totoong pangangailangan ng mga taumbayan. Mismo!