Advertisers
NAGBABALA si Manila Mayor “Isko Moreno” Domagoso sa lahat ng punerarya sa Lungsod ng Maynila na babawian ito ng business permit kapag nahuling pinahihintulat nito ang inuman sa lamay.
Inatasan ng alkalde si Bureau of Permit Director Levi Facundo na abisuhan ang mga may-ari ng punerarya sa Maynila na huwag payagan ang inuman sa kanilang pinagbuburulan alinsunod narin sa ipinatutupad na City Ordinance No. 5555 (Drinking in Public Place).
Nagbabala rin ang alkalde sa mga opisyal ng Manila Police District (MPD) na oras na umikot siya sa lungsod at may naaktuhang may umiinom sa pampublikong lugar, ipasisibak niya ang station commander at PCP commander o outpost commander na nakasasakop nito.
Aniya, dapat mahigpit na ipatupad ang nasabing ordinansa at hindi dahilan ang patay o birthday upang uminom sa mga pampublikong lugar. Isa sa mga dahilan ng pagkalat ng sakit na COVID ang pagtalsik ng laway na posibleng mangyari kapag nag-iinuman, nagpupulutan at nagkakakwentuhan ang mga tomador sa kalye. (Jocelyn Domenden)