Advertisers

Advertisers

Bakuna

0 410

Advertisers

SOBRANG mahirap sa sangkatauhan ang lumipas na walong buwan ng bumulaga ang pandemyang galing ng Tsina. Hinagupit ng pandemyang C-19 ang mundo na kinitil ang napakarami ng buhay at nagpahirap ng kabuhayan.

Bumagsak ang ekonomiya at nalugmok ang kabuhayan ng mga bansa dahil kailangan na mapabagal ang pagdami at pagkalat ng pandemya. Kaakibat nito, walang paggawa na nangyari at limitado sa pang araw-araw na pangangailangan ang mabibili sa merkado. Naging maselan ang bawat bansa na magpapasok ng tao, kargamento, produkto at kung anu-anong bagay lalo galing sa mga bansang lubhang apektado ng pandemya.

Mahigpit ang mga lockdown sa anumang uri ng transaksyon upang matiyak na walang virus na kakalat. Pinagpasyahan na pansamantalang ihinto ang takbo ng komersyo at unahin ang kalusuga’t buhay ng mga mamamayan.



Sa totoo lang may mga bansa na saglit lang ang insidenteng ng pandemya dahil sa maagap na pagtugon at kagyat nagsara ng kanilang bahay bilang unang hakbang sa paglaban kontra sa pandemya.

Sa loob ng walong buwan, umasa ang tao sa mga pansamantalang hakbang upang pigilan ang pagdami ng pandemya tulad ng paglalagay sa quarantine ang mga lugar na may maraming insidente nito. Nariyan ang pagsusuot ng facemask, face shield, gloves, at maging ang mahigpit na pagpapatupad ng social distancing.

Naging mahirap ang hakbang na ginawa dahil sa kinasanayan, naging sulit naman ang mga hakbang na ipinatupad dahil kahit papaano’y na limitahan ang pagdami ng may sakit. Sa mga bansang na huli ang tugon kontra pandemya makikita na patuloy ang pagdami ng may sakit at may iilan pa rin ang patuloy ang mga lockdown sa ibat-ibang bahagi ng mundo o ng bansa.

Subalit, sa husay ng mga makabagong teknolohiya, malamang maiibsan na ang pag-aalala ng mundo sa pagkalat ng C19 virus. Dahil nagkaroon na ng ilang positibong resulta ang testing ng bakuna na ginawa kontra sa coronavirus sa Estados Unidos maging sa Russia na kung saan maganda ang efficacy rate ng nadiskubre ng bakuna.

Sa ganitong sitwasyon mukhang makakahinga na ang mundo at maaring may magandang bukas na haharapin? At ang pambili na lang ang kailangan kung ang Pinas ang pag-uusapan.



Sa pagkakaroon ng bakuna kontra C19, masasabi natin na kasama ang mga Filipino sa dapat magsaya. Ngunit parang hindi magiging ganap ang kasiyahan ni Juan Pasan Krus, dahil sa pasimula pa lang, inusal na ni Totoy Kulambo na uunahin niya ang mga sundalo at pulis sa mabibigyan ng bakuna.

Malinaw ang pagkasabi ni TK na dapat unahin ang mga sundalo’t pulis sa kadahilanang siya lang ang nakakaalam. O’ binibili niya ang katapatan ng mga ito at ‘di sa bayan?

Tiyak kasama dito ang kanilang mga pamilya sa mga uunahin dahil ito ang prayoridad ng programang bakuna ni TK. Habang si Mang Juan maghihintay pa hanggang matapos ang lahat ng mga kalahi’t kaibigan ng mga alipores ni Totoy Kulambo. Sa pagdating ng panahon na handa na si Mang Juan, wala ng pondo at social distancing at facemask pa rin.

Di ba’t parang may mali sa inusal ni Totoy Kulambo na unahin ang kanyang mga alipores. At kung ipangalandakan na kaya niyang ibigay ang buhay para sa bayan, dahil ibig niyang maging dakila, ito’y lihis sa katotohanan. Sa totoo lang, ang nais niya’y manatili sa poder ng matagal, at natakot sa naging postura ng mga sundalo sa pagharap sa masigasig na Pangalawang Pangulo.

At ang kanyang pahayag na suportang bakuna sa pulis at sundalo ay paniniyak na kailangan nito ng malakas na sandatahan na magtatangol sa kanya sa oras ng kanyang pangangailangan. Subalit, hindi maitatanggi na malinaw sa ating mga sundalo na kung ano ang matuwid, tama at ano ang sinasabi sa Saligang Batas ang dapat sundin.

Hindi kayang suhulan ang mga ito sa mga mabulaklak na pahayag dahil batid nila ang kanilang sinumpaang tungkulin.

Kaya sa pagdating ng bakuna, inaasahan na hindi mangingibabaw ang palakasan, ang kakampi, kaibigan, kaklase at mga Davaeono system. Ang patas na distribusyon lalo na sa mga mahihirap nating kababayan ang inaasahan sa pamahalaan.

Unahin si Mang Juan at huwag isantabi ang mga obrerong kaakibat sa pagtatayo ng kabuhayan ng bayan. Sa simula pa lang kita na ang malakas na obrero’y kalusugan ng bansa.

Sa ating mga siyentipiko, pakiusap, magdiskubre ng bakuna laban sa korapsyon na siyang pangunahing pandemya sa pamahalaan na talaga namang nagpapahirap kay Juan Pasan Krus. Ang bakunang ito’y magbibigay sa Filipino ng kaginhawahang inaasam.

Hindi na malaman ni Mang Juan kung saan kukuha ng lakas dahil ang dugo at pawis nitong puhunan ay may kasama ng luha dahil sa bilyon bilyong piso na salapi na ibinulsa ng iilan. Hindi na niya makayanan pa at maaaring ikamatay kung patuloy ang atake sa kaban ng yaman ng bansa.

Walang magawa si Aling Maryang magtatawas sa lakas ng puwersa ng mga kawatan dahil sa pwestong kinakapitan. Kaya ang hiling sa mga pharmaceutical at sa mga scientists, bigyan pansin ang pagtuklas ng bakuna laban sa korapsyon dahil talamak na ito at hirap na ang bayan.

Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ating kinakaharap sa kasalukuyan, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.

***

dantz_zamora@yahoo.com