Advertisers
Ni NONIE V. NICASIO
SOBRANG kaligayahan ni Gari Escobar sa panibagong blessings na kanyang natamo. Siya ay nominado sa kategoryang Breakthrough Artist of the Year sa Aliw Awards 2020 na gaganapin sa December 8, sa Manila Hotel.
Pahayag ni Gari, “Sobrang natuwa po ako sa panibagong blessing, kasi rati naririnig ko lang ang Aliw Awards, na mayroon niyan ang mga idol ko, tapos ngayon po nominated ako… Kaya para akong nakalutang sa sobrang saya.”
Last year ay nanalo si Gari sa PMPC Star Awards For Music bilang New Male Recording Artist of the Year.
Pahayag pa ni Gari, “Noong bata pa po ako, tuwang-tuwa akong manood ng mga awards night. Gustung-gusto kong nakikita na ang mga idol ko ang nananalo, napapatalon ako sa tuwa. Parang nanalo na rin ako.
“Kaya kinakabahan po talaga ako. Kasi kung ang mga idol ko nga po, wini-wish ko na manalo, maigi na po ang nagsasabi ng totoo, wish ko rin po iyon na maranasan. Pero ang ma-nominate po ay napakalaking karangalan na para sa akin bilang isang baguhan.”
First award ba niya yung sa PMPC as a recording artist?
“Yes kuya, sobrang saya ko sa award na ‘yun. Kaya sa dami ng trophies ko ay ito ang nandito sa working table ko. Hehehe,” masayang saad pa niya.
Aminado rin siya na nang pumasok bilang recording artist, hindi niya in-expect na mano-nominate at mananalo ng awards.
Aniya, “Noong ginagawa ko pa lang ang mga kanta at kahit noong nagre-recording na po kami, wala po sa isip ko ang awards. Gusto ko lang po maiparinig sa mga tao ang mga kanta ko, masaya na po ako ng ganoon.”
Ipinahayag din niyang mas naging seryoso at inspirado dahil sa napanalunang award. “Yes kuya, perfectionist na nga ako, lalo pa akong magiging mabusisi sa mga ginagawa kong songs ngayon,” pakli pa ni Gari.
Anyway, nabanggit din sa amin ng singer/composer na naghahanda na siya sa kanyang second virtual concert na gaganapin sa December 20. This time, may live band na siya kaya hindi itinanggi ni Gari na ngayon pa lang ay excited na siya.
Naging matagumpay ang unang virtual concert niya last October 18 na pinamagatang Gari Escobar Live! My Life! My Music! kaya ginanahan siyang sundan na ito.
Plano dapat ni Gari na gawin ito sa Casino Filipino sa Manila Bay, pero dahil maraming restrictions kaya nag-decide siyang gawing virtual na lang ulit.
Esplika niya, “Mahigpit po pala kung magso-show sa mga hotel, need pa po ng swab test, at may iba pang requirements. Kaya gagawin na lang muna po naming virtual concert uli. Ang tentative title po is Hugot and kasama ko rito ang band kong Spectrum.”