Advertisers

Advertisers

Hindi sa mga talunan ang kinabukasan!

0 554

Advertisers

KARANIWANG tanong na naririnig natin: Kailan kaya matatapos ang sunod-sunod na kalamidad na gumugupo at dumudurog sa ating mga kababayan!

Hindi pa nakababawi ang pininsala ng halimaw na bagyong Rolly sa Region 5 at iba pang lalawigan sa Luzon, e hinagupit ulit kamakailan lang ng bagyong Ulysses ang Bicol Region, Region II at Region I, CALABARZON, Central Luzon, Rizal at National Capital Region partikular ang lugar ng Marikina – na ayon sa ulat, pinakamalakas na bagyo na puminsala ngayong 2020 sa bansa.

Isinisi sa delubyong ito ay ang climate change, pero bakit hindi sisihin ang mga ganid na negosyante na kinakamkam ang mga kayamanang nasa bundok, ilalim na lupa at dagat na sumisira sa ating kalikasan.



Kayrami nang namatay at napinsala sanhi ng pagguho at natabunan ng lupa at bato, nilunod ng tubig-baha dahil sa bumagsak sa mas mababang lugar ang ulan mula sa mga kinalbong bundok, pinakitid, mga tinabunang ilog at sinirang kagubatan, sa hangad ng mga sakim na kumita ng limpak-limpak na salapi.

Ito na ba ng bunga ng walang patumanggang pagsira sa Inang Kalikasan?

***

Noon pa naririnig at inirereklamo – kaya bumubuhos ang bahang ulan at bahang putik dahil sa pagkalbo sa mga kabundukan at kagubatan.

Sa pagkakalbo ng mga ito, bukod sa humina ang pundasyon ng lupa at bato, namatay pa ang maraming likas na halaman at hayop at marami na sa mga ito ay kung hindi extinct (wala na) ay endangered (o malapit nang maubos at mamamatay).



Ilang pangulo na ba at ilang DENR secretary ang nahirang at naalis pero, ang patuloy na pagwasak sa ating kalikasan ay napigil ba nila, at ang patuloy na pagmimina sa ating mga bundok, mga ilog, mga kailaliman ng lupa at dagat ay hindi lamang napipigil kundi lalo pang naging mas matakaw, mas masiba – at ano ang kapalit nito?

Sa mga exploiter ng kalikasan, bilyon-bilyong pisong tubo.

Sa sambayanang Pilipino at mga lugar na sinalanta at winasak ang kalikasan, ang kapalit ng kakarampot na pakinabang sa trabaho ay ano: Polusyon sa tubig, karbon sa ating hinihingang hangin, pagkawasak ng ating katawan at sa pag-alis ng pumintog na bulsa ng mga dayuhang kompanya, ang iniwan nito ay bangkay ng kalikasang ipinamana sa atin ng Lumikha.

Bunga nito, konting ulan, konting liglig at yanig ng lupa, ano ang nagiging resulta?

***

Napakarami nang trahedya at kailangan pa ba nating isa-isahin ito gayong sariwang-sariwang pa sa ating alaala ang idinulot ng mga bagyong Quinta, Rolly at Ulysses.

Ano ang tugon ng pamahalaan dito: Pangako, relief goods, imbestigasyon at mga remedyong tapal-tapal at pagkatapos ng pagbuti uli ng panahon, muling gagahasain ng mga kompanyang dayuhan sa pahintulot ng pamahalaan, ang ating kalikasan.

At sa pagbabalik ng mga mas mabagsik na bagyong tulad ng Ulysses, muling iiral ang pangako at babaha rin ang luha at dalamhati na mas malalim pa sa mga bahang-ulan at bahang putik?

Muli na naman nating makikita ang pagkukumahog ng pambansang pamahalaan at ang panlilimos ng awa ng mga lokal na pamahalaan, at kasunod nito ang “pagpapaganda ng imahen ng mga tiwaling nasa gobyerno” upang ipangalandakan: Kami ang inyong tagapagligtas sa panahon ng kalamidad.

Patawarin kayo ng ating Dakilang Panginoong Diyos!

***

Bakit nga ba palaging ginugunita ang mabagsik na bakal ng paniniil ng diktadurya ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos?

Bakit hindi natin ituon sa mga gawain upang magpalakas at ibangon ang bansa natin mula sa mapait na mga nakaraan, imbes na gunitain palagi ang batas-militar?

Hindi tayo uunlad kung mananatiling binabangungot ng bagsik ng martial law ni Macoy, at sa halip, gawing inspirasyon ito sa pagbangon ng Pilipinas.

Sabi nga dati ni Sen. Richard Gordon, “Isapuso, isagawa, isabuhay ang pagiging Pilipino natin, araw-araw, may trahedya man, may bagyo man, may kalamidad man o sa panahon ng kaginhawaan, … mga taong masisipag, walang takot sa kabiguan, walang takot sa pagkatalo kungdi ang mga taong patuloy sa pagbangon at pakikibaka laban sa hamon ng panahon, sila ang nagtatagumpay.”

Hindi sa mga talunan ang kinabukasan, kungdi sa masisikap at hindi kayang pasukuin ng mga hamon sa buhay!

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.