Advertisers
MAY biglang sumabog na mungkahi kahapon sa social media. Ito ang pag-imbita ng Biden transition team sa pamamagitan ng U.S. State Department kay Bise Presidente Leni Robredo upang dumalo sa inagurasyon ni Joe Biden at Kamala Harris bilang bagong pangulo at pangalawang pangulo ng Estados Unidos.
Malamang nakarating na sa atensyon ng U.S. Embassy sa Maynila ang mungkahi. Hindi malayo na naiulat na ito sa State Department sa Washington. Idaraos ang inagurasyon sa ika-20 ng Enero, 2021 sa Washington. Palaging maringal ang inagurasyon ng bagong pangulo. Inaasahan itong dadaluhan ng mga lider ng ibang bansa.
Hindi aanyayahan ng Biden transition team si Rodrigo Duterte. Magkasalungat ang kanilang paninindigan sa usapin ng karapatang pantao. Hindi papayag na madungisan ang reputasyon ni Biden dahil lamang kay Duterte. Malamang imbitahan ang ibang lider na nagtataguyod ng karapatang pantao, ngunit hindi si Duterte.
Kung imbitahan si VP Leni, isang madiing sampal ang ibibigay ng hahaliling administrasyon ni Biden. Isa itong malinaw na senyal sa buong mundo na walang suporta si Duterte sa Estados Unidos. Isa itong pressure na ituwid ang mga katampalasan sa karapatang pantao. Matinding pressure ito para palayain si Leila de Lima.
Ngayon, mukhang may nabubuong galawan ang mga puwersang demokratiko na Pinoy na nakabase sa Estados Unidos upang hilingin sa Biden transition team ang pag-imbita sa Bise Presidente. Hindi natin alam kung ano ang gagawin nila, ngunit malamang lapitan nila o sulatan ang kanilang kinatawan na nabibilang sa Democratic Party na imungkahi ang imbitasyon sa Pangalawang Pangulo. Abangan.
***
MAY nagsabi sa amin na nakakalamang ang tiket ni Clint Aranas sa halalan ng opisyales ng Philippine Olympic Committee (POC). May mga sports leader ng iba’t-ibang national sports associations (NSAs) ang palihim na nagpahayag ng suporta kay Aranas dahil hindi nila gusto ang kasalukuyang pangulo na si Cong. Bambol Tolentino ng ika-pitong distrito ng Cavite.
Sa maikli, masidhi ang kanilang pagtanggi sa mga pulitiko na mamuno sa POC. Si Bambol ang dahilan kung bakit hindi nagsusumite hanggang ngayon ang grupo ng sinibak na ispiker ng Kamara de Representante na si Alan Peter Cayetano. Hindi inobliga ni Bambol na ibigay ni Cayetano ang audited financial statement tungkol sa malaking gastos sa 2019 SEA Games.
Mukhang batid ni Bambol na mahaharap si Cayetano sa salang pandarambong kapag isinumite ang financial statement. Masyadong malaki ang ginastos sa SEAG. Lampas P17 bilyon. Isa itong bagay na hindi dapat ipagwalang bahala sapagkat malaking bahagi ng ginugol ay galing sa kaban ng bayan. Ito ang kinakatakutan ni Bambol at Cayetano.
May mga panawagan na patalsikin ang mga pulitiko sa larangan ng palakasan. Hinihingi ang kanilang ulo. Marami ang walang paggalang sa mga pulitiko na naging sports leader. Itinuturing silang mga salot sa sports. Wala silang ibinigay na maganda sa sports. Gingamit lang nila ang palakasan upang makakulimbat sa pera ng sambayanan.
***
TULUYAN nang natuldukan ang pang-iintriga ng isang milyonaryong US citizen na siyang dahilan ng pagkaantala sa pagpapatayo ng isang Ospital ng Bayan sa lupang kinatitirikan ng isang lumang gusali sa Taytay, Rizal. Ayaw ng isang miyembro ng pinakamalaking political clan sa Taytay ipagamit sa Pamahalaang Panlalawigan ang lupang kinatitirikan ng lumang munisipyo dahil ito daw ay sentro ng kultura ng kanyang bayan.
Ang pagkakamali niya, siya mismo ang nagpost sa social media ng dokumentong sumopla sa kanya. Hindi pala “heritage site” ang gusali batay na din mismo sa liham ng National Historical Commission na nagsabing mga istrukturang edad 50 pataas ang maaaring ituring na heritage site. Ang gusaling tinutukoy ni Ginoong Itoh Valera ay malayo sa edad na pamantayan ng NHCP. Matagal na din palang deklaradong “condemned” ang naturang istruktura. Peligrosong patuloy pa itong gagamitin. Unang isinulong na ideklarang “condemned” ang naturang gusali noong 1995 ng kanyang kapatid na si dating Mayor Gody Valera.
Taong 2001, tuluyan itong idineklarang “condemned.” Taong 2006, nakuha ng LGU ang sertipikasyong nagpapatibay na di na pwedeng gamitin ang lumang gusali dahil sa peligrong dala nito. Hay naku… inantala lang ni Ginoong Itoh Valera ang dapat sanay patapos nang pasilidad na siyang magsisilbing takbuhan ng mga maralitang walang kakayahang bumayad sa mga pribadong ospital. Lalo pa’t patuloy pa din ang banta ng pandemyang dulot ng virus mula sa Wuhan, China. Iyan ang problema sa mga taong puro buyawyaw. Ayaw munang alamin ang ibinubuga ng mabahong bunganga.
Gayunpaman, hindi natin siya pwedeng sisihin kung bakit hindi na niya nakuha pang magsaliksik. Paano nga naman niya yun magagawa kung sa Amerika na siya nakatira. Ang kakatwa ay ang kanyang pag-amin na isa na siyang American Citizen, na walang moral ascendancy na makisawsaw sa local affairs, maging sa karapatang makilahok sa anumang halalan – botante man o kandidato.
Matanong ko nga… ano ba ang interes mo at pilit mong hinihimok gamit ang social media ang mga taga-Taytay na mag-aklas laban sa Ospital ng Bayan? May Itinatago ka ba, o may pinoprotektahan lihim na hindi dapat mabunyag.c Ano kaya ang naiwan niya sa lumang gusali na ayaw niyang sumambulat?
***
MGA PILING SALITA: “The incoming Biden gov’t should not hesitate to break protocols just to deliver a message. VP Len Robredo’s presence at his inaugural would deliver the unbending message that the U.S. is determined to return to its internationalist role. That it is willing to play a major role in the enforcement of international agreements and treaties on human rights, climate change, and promotion of children’s welfare. It should deliver the message that it is VP Leni who personifies the Filipinos’ aspirations.” – PL, netizen
“We saw nobody was helping out here, and then we just decided that we needed to do something. Honduran people have a saying over here: El pueblo salva al pueblo, meaning the people save the people. The authorities are not doing anything, and it’s been really bad, so we decided to just take it upon ourselves.” – Mauricio Dubon, unang manlalaro sa Major League Baseball na ipinanganak sa Honduras, tungkol sa dalawang bago na humagip sa kanyang bansa
“Vaccine Czar Carlito Galvez should understand that it does not make sense for China to have a monopoly or a big share of the market when it comes to the vaccine against the coronavirus. China is the source of the deadly virus. Why China would have the monopoly or big slice of the Phl market is baffling or downright stupid. India, its political enemy, is coming out with ixcts own vaccine. The Serum Institute, the world’s vaccine maker, is in the thick of its R&D. Its ownership has pledged of a 50-50 share. Half of its production goes to India (its population is as big as China’s at 1.3 billion), while the other half goes to the rest of the world. Incidentally, during plenary deliberations of the Cheaper Medicine Act of 2008, India was prominently mentioned as potential source of cheaper generic medicines. In contrast, China has been named a rogue state that has been a frequent source of fake and counterfeit goods. It violates laws and international treaties on copyright and patent.” – Archie dela Cruz, netizen
***
Email:bootsfra@yahoo.com