Advertisers
12 kongresista ang nasa listahan ng ‘most corrupt politicians’ ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
Nosi balasi kaya ang mga ito? Dapat malaman natin ito para hindi na maihalal sa darating na eleksyon 2022.
Tumanggi muna si PACC Commissioner Greco Belgica na pangalan ang isang dosenang buwaya sa House of Representa-“thieves”.
Nasa mga kamay na raw ni Pangulong Digong ang listahan ng representa-thieves. Beripikado na raw ito. Gayunpaman ay patuloy parin sila (PACC) sa pagkalap ng mga solidong ebidensiya na magdidiin at magpapasok sa kulungan sa 12 most corrupt congressmen na ito.
Sabi ni Belgica, dapat maharap sa pormal na imbestigasyon ang “band of thieves” na ito. Dapat!
Ang problema rito… sino ang mag-iimbestiga sa kanila sa harap ng camera? Imposibleng kapwa nila congressmen din ang gigisa sa kanila sa hearing? Malabo yun! Hindi rin puede ang Senado dahil mayroong kasunduan ang dalawang kapulungang ito na hindi sila puede magkalkalan para maiwasan ang walang katapusang awayan.
Sa Ombudsman parin babagsak ang pag-iimbestiga o pag-prosecute sa 12 buwayang mambabatas na ito. Naku! bibilang ng taon ito sa Office of the Ombudsman ni Samuel Martires. Pinakamabilis na rito ang tatlong taon. Tapos na ang termino ni Duterte ay tiyak nasa Ombudsman parin ang kaso. Pramis!
Since nasa mga kamay narin naman ni Pangulong Digong ang listahan, bakit hindi niya nalang isapubliko tulad ng ginawa niya sa narco-list? Ito’y upang hindi na makabalik pa sa puwesto ang mga magnanakaw na mambabatas na ito. Mismo!
Hindi ako kumbinsido sa inanunsyo ni Pangulong Digong na wala siyang kapangyarihan para paimbestigahan at kasuhan ang mga magnanakaw na kongresista. Kasi nga co-equal ng Chief Executive ang Legislative branch ng gobierno pati ang Judiciary. Kung ganun? Bakit si Senador Liela de Lima prinosecute ng Department of Justice na nasa ilalim ng Chief Executive?
Ang problema lang kasi sa ating Pangulo, napakatapang niyang murahin, paimbestigahan at kasuhan ang oposisyon pero ang mga kaalyadong grabe magnakaw sa kaban ng bayan ay dedma, ipinagtatanggol pa! Ewan!!!
Anyway, abangan nalang natin kung sinu-sino ang 12 representa-thieves na ito. Pasasaan ba’t mahuhubaran din ng maskara ang mga ito. Abangan!
***
Nabuking ng Commission on Audit na mayroong P33 bilyong pondo na nakaipit lang sa Philippine International Trading Corporation (PITC).
Galing daw ito sa cash transfers ng mahigit 80 govt. offices na naghihintay pa para sa kanilang deliverables. Ang galing ng palusot na ito ah…
Bakit kaya sa PITC inilagak ang naturang mga pondo gayung may tamang ahensiya ang gobierno para sa pagtabi ng taxpayers money?
Sabi ni Senador Franklin Drilon, iimbestigahan nila ito.
***
Naglalabasan na ang mga isyu ng korapsyon sa administrasyong Duterte. Dapat mabahala na rito ang Pangulo. Malaking kasiraan ito sa kanya na inihalal ng 16 milyon Pinoy dahil sa pangako niyang “zero corruption” sa kanyang pamahalaan. Mismo!